Love     (Photo Credit:    Richardwiseman.wordpress)

Love (Photo Credit: Richardwiseman.wordpress)

Pangatlong tilaok na ng manok.  May pasok siya bukas, pero bakit ayaw talaga siyang dalawin ng antok.  Anak talaga ng amag, ano ba’ng nangyayari sa kanya?

Di nya maintindihan, pero nakapakat yata sa utak niya yung itsura ni Jenny habang nakatawa ito kanina nung nag-uusap sila sa lunch at kumakain ng maalat na sinigang at maasim na adobo. Kinuha ulit ni Stephen yung phone nya, may apat na message na nakapangalan kay Jenny. Mula sa name entry na “Jenny (Guardian Angel)”, binago ni Stephen at ginawang “Jenny” na lang. Para kasi kanina umiral ang hiya nya, parang bigla niyang narealize na kung may ibang makakakita ng inilagay niyang pangalan, di kaya siya pagtawanan?

Apat na text message lang, tatlong message na di naman kahabaan, pero bakit ba paulit-ulit niya itong binabasa, na parang gusto niyang kabisaduhin ang bawat posisyon ng letra, kuwit at tuldok sa text ni Jenny. Hindi niya talaga maintindihan ang sarili niya, may mga naging kaibigan naman siyang babae sa Manila, pero bakit kasi iba siya, iba si Jenny. Binasa ulit ni Stephen ang mga text sa marahil ay ika-47th times.

Jenny:                   Huy! Stephen, magtext ka pag nakauwi ka na ha, baka maligaw ka, dapat pala sinamahan kita sa sakayan. (1:15 pm)

Stephen:              Ok lang, nakasakay na ko sa jeep, madali ko naman nakita sakayan pauwi. Salamat sa pagsama sa akin sa lunch. Ingat ka ha ^_^. (1:16 pm)

Jenny: Huy! Pasensya na, di ako nakareply, nakatulog pala ko sa jeep kanina, :D! Nakauwi ka na ba? Baka hindi pa, papasundo kita sa pulis? Joke lang, ingat ka din, bahay na ko. (1:40 pm)

Stephen:  Ayos lang, dito pa biyahe, pero malapit na siguro. Masa ka pala? Pulis talaga? ^_^, di ba pwedeng media na lang para makita naman ako sa TV. Buti nakauwi ka na.  (1:42pm)

Jenny: Anong masa? Media talaga? Gusto pa ng exposure? Artista ka? :D. Sige, ingat ka ha! (1:45pm)

 Stephen:              Masa… Masandal tulog. Himbing mo siguro sa jeep? Tulo-laway? hehehe.. Alam mo naman, baka may chance eh bakit di subukan? ^_^, biro lang, salamat… Pagod na nga ako sa biyahe, mahirap pala bumiyahe lagi. (1:47 pm)

Di nagreply si Jenny pagkatapos ng text niya na yun, tuloy lagpas ulo ang kapraningang naramdaman ni Stephen. Sa utak niya naglalaro ang mga tanong:

 “Naasar kaya sa akin kay di na ako sinagot? Badtrip naman kasi, namali yata ako ng biro sa pagtulo ng laway? Dapat ba di ko sinabi yun? O baka naman naangasan sa signal no. 4 kong hangin ng sabihin kong may chance akong mag-artista? Asar talaga! Ano ba dapat ang sinabi ko, di na talaga nagreply? Dapat ba akong magtext ulit, baka naman isipin feeling close ako? Baka walang load? Pasahan ko kayang load? Wag! Baka isipin mayabang ako at tingin ko sa kanya eh hampas-lupa na walang pangload. Tawagan ko kaya? Ay wag siguro, baka isipin feeling close na ko stalker pa? Eh miscol na lang kaya? Wag din, baka isipin papam-pam ako? Amag, ano bang gagawin ko?

 Mula pagdating nya sa bahay, yun na ang mga tanong na paulit-ulit na umiikot sa isip ni Stephen. Ilang oras na siyang nakatitig sa cellphone nya, nagdadasal na sana ay magtext si Jenny, baka nga kahit blank message lang ok na, makakampante na siya. Habang kumakain nga kanina napansin ng ate at kuya nya na may iniisip siya.

 Amber: Pot, bakit parang wala ka sa sarili mo?

 Red: Baka naman nag-drugs ate.

 Stephen: (tumingin sa kuya nya, at walang reaksyon na nagtuloy sa pagkain, wala siyang ganang makipag-asaran dito)

 Red: Aba, anong nangyari? Sumuko ka na agad sa akin Pot? O wag mong sabihing nagdrugs ka nga?

 Stephen: Kuya, parang ikaw ang bangag, sininghot mo na naman yung air freshener sa kotse ni Ate.

 Amber: Eh bakit nga ba parang tahimik ka? May problema ba?

 Red: Wag mong sabihing sumali ka sa frat? Samahan ng mga Frating lutang?

 Stephen: Ewan kayo sa’yo Redentor!

 Amber: (natatawa na din) Oh, eh bakit nga tahimik, hindi ba ok yung school mo?

 Red: Baka naman nagahasa ka? Sino tol gumawa sa’yo nyan? Sinong lumapastangan sa kahinaan ng mura mong katawan? Sabihin mo, sabihin mo?!

 Stephen: Baliw! Sabi ko na sa’yo ate patingnan natin si kuya, balita ko may rabies daw lamok sa Manila, siguro yun ang nakakagat kay kuya!

 Red: Hahaha, below the belt ka bumanat ha! Eh bakit nga ba?

 Stephen: Wala (di nya kasi maamin na yung di pagreply ni Jenny ang iniisip nya), pagod lang ako, di pa sanay na bumibyahe.

 Amber: Oo, ganun talaga, bago ka pa lang bumibyahe eh. Wa ka mag-alala masasanay ka din. Balita ko mag-isa ka na daw umuwi.

 Stephen: Oo ate, madali na lang naman tandaan yung sasakyan.

 Amber: Mabuti at ng masanay ka na. May nakilala ka naman bang mga bagong makakasama?

 Red: May chicks ba tol? (halos sabay na tanong ni Red sa tanong ni Amber)

 Stephen: Meron (sagot ni Stephen sa Ate nya)… Wala! (namula si Stephen ng pabigla din niyang sinagot ang tanong ni Red)

 Amber: Hala bunso, nagblush ka?

 Red: Wahahaha, kapula mo pot-pot. Wag mong sabihing may target ka na first day pa lang? Maganda ba? Mana ka talaga sa akin.

 Stephen: Wag mo nga akong niloloko! (halatang napipikon na)

 Amber: Tama na yan Red, napakabata pa ni Pot-pot para sa mga ganyang bagay. At ikaw naman Pot-pot, wag kang magmamana sa kuya mong babaero.

 Red: Ate naman, good boy ako nuh.

 Amber: Kailan pa? Sa dami nga ng pinakilala mo sa akin nawala na ko sa pagbibilang, accountant pa naman ako, kagaling mo naman, nalito mo ko sa numero.

 Si Red naman ang natahimik. Tumawa si Stephen at dinilaan si Red. Masaya ang hapunan nila, medyo nagkwento na din si Stephen tungkol sa school nila. Nanghingi sa Ate niya ng extrang pera para sa mga bibiling books at materials na requirements sa ilang subjects nila, ang dami kasing dapat bilin lalo na sa Biology at Home Economics nila. Pagkatapos ng hapunan, medyo nakalimutan niya si Jenny. Medyo nalibang siya sa panunuod ng TV, nagawa na niya yung mga assignments nya kanina pagdating nya.  Nakatitig siyang mabuti sa TV, comedy sitcom ang palabas, kaya tumatawa silang tatlo, maya-maya nagcommercial, at sa biro siguro ng “Panginoon ng mga Mahilig Mag-reminisce”, commercial ng close-up ang pinalabas.

 “Inch by inch, we’re moving closer

Feels like a fairytale ending

Take my heart, this is the moment

I’m moving closer to you I’m moving closer to you”

 Amag! Yun lang ang nasabi ng utak niya. Bumilis ang tibok ng puso niya, pinapakiramdaman niyang mabuti, tapos, may kung anong galaw ang gumuhit sa tiyan niya. Si Jenny, alaala ni Jenny habang hinahangin ang buhok at naglalakad palapit sa kanya ang naaalala niya. Bakit ganun? Kahapon napanood din niya yung commercial na to, pero wala lang naman sa kanya, bakit ngayon, isang simpleng kanta lang, isang simpleng eksena, pero parang pinapangarap niya na sana siya yung lalaki at si Jenny yung babae sa commercial. Ano ba itong pakiramdam na to, ang bilis ng tibok ng puso niya.

Balik sa kasalukuyang oras, past 1am na. Maaga pa siyang gigising, pero bakit ayaw siyang dalawing ng antok. Langya naman oo. Pati “Panginoon ng Hikab at Antok” pinagdamutan na siya. Maya-maya tumunog ang phone niya. Si Jenny, nagtext.

Jenny:   “Tulog ka na siguro, ‘di na ako nakareply kanina, naging busy eh, di ko pala nasabi sa’yo na kailangang magdala ng kahit anong friuts bukas, nagtext lang President natin ng Home Economics, late ko na naalala, kung di mo agad to mabasa, ipagdadala na lang kita. :)”               

Heaven. Yun ang naramdaman ni Stephen, hindi pala galit si Jenny. Nakahinga siya nang maluwag, dali-daling nagreply, nagpasalamat kay Jenny sa pagbibigay ng effort na sabihan siya. Ngiting-ngiti si Stephen, matapos siyang magtype, pinindot ang send icon, ilang sandali pang sending message, medyo matagal nag-intay si Stephen. Maya-maya parang isang sampal ang nakita nya “Check Operator Services”. Langya naman oo! Ngayon pa naubusan ng load. Binato ang cellphone sa may ulunan ng kama, medyo asar siya, pero di maikakaila ang ngiti sa labi nya. Hindi nya napikon si Jenny, yun ang importante. Makakatulog na siya.

Umaga. Maagang nagising si Stephen, ewan nya kung bakit sa kabila ng naghuhumiyaw niyang eye bags, masaya pa din ang mood niya. At ito ang di mapagkakailang napansin ng kuya at ate nya.

Stephen: Good morning! ^_^, ano breakfast ate?

 Amber: (medyo kunot ang noo) hmmmmm pancakes, kung gusto mo ng syrup meron dun sa ref.

Stephen: Ok na sa akin to ate, salamat ^_^.

Red: (nagtataka) ako gusto ko, Pot, kuhanan mo nga ako.

Stephen: Sige kuya, sandali lang ^_^ (tumayo agad at halata ang pag-bounce habang naglalakad, napakaganda talaga ng mood nya ngayong umaga)

Red: Ate, ano nangyari dun? Di kaya nakadrugs nga yan?

Amber: Sira, parang di mo pinagdaanan yan, di mo pa ba nahahalata? Basta wag mo na lang munang asarin ngayon, pakiusap ko lang ha?

Red: Ang alin ate, na ano siya? Dahil ba yun sa –

Stephen: Eto na kuya, gusto mo ng cheese, may nakita din ako sa ref eh.

 Red: Ah, salamat Pot, ok na sa akin yung syrup (tumingin kay Amber, nakakunot din ang noo ni Red, ngumiti lang si Amber at tumango)

Kamukha nang ginawa kahapon, kasabay ulit ni Stephen ang pinsan nya, pero ngayon di na masyadong awkward ang pakiramdam nya. Sana lang andoon na si Jenny pagdating nya sa school. Pero dismaya siya, pagpasok niya, wala pang Jenny. Naalala niya yung text ni Jenny kagabi na di nya nasagot, dali-dali siyang nagtanong sa isang kaklase niya kung saan pwedeng magpaload. Itinuro naman nya dito yung canteen. Nagtext siya kay Jenny.

 Stephen:              “Huy! Di na ko nakareply kagabi, nasaan ka na ba? Dito na ko school” (7:20 am)

 Matagal – tagal nag-intay si Stephen pero walang reply galing kay Jenny. Nag-aalala na naman siya, amag naman talaga utak nya. Napakamorbid na ng mga iniisip nya. Di kaya nahold-up si Jenny? O baka naman na-snatch yung phone, eh bakit wala pa hanggang ngayon? Baka naman naaaksidente yung sinasakyan. Hays! Ano ba tong nangyayari kay Stephen. Puro kautuang malayo sa katotohanan ang sumisiksik sa utak nya. Nakabalik na siya sa room, wala pa ding Jenny. Mahirap pala pag wala si Jenny sa room na yun, pakiramdam nya, wala siyang karapatang umapak sa room na yun. Maya-maya:

 Jenny:                   Stephen, tulong naman, andito ko sa gate. :(

 Pagkabasa noon, walang reply-reply, daig pa niya ang gold medalist sa track and field na nakitang mauunahan na sa finish line ng kalaban. Literal siyang tumatakbo. Ano bang nangyari, masyado siyang nag-aalala. Kahirap naman oo, lahat na yata ng amag na madugong ending ng buhay eh nagfastforward sa utak nya. Ilang sandali pa, natanaw na nya si Jenny, nakayuko sa sahig, iniipon ang ilang piraso ng mansanas, dalanghita at oranges.

Jenny:   Hala, ang bilis mo naman nakarating dito?

Stephen: (Hingal nang konti) Akala ko…. (hingal), kung ano na nangyari sa’yo (hingal) akala ko na-rape ka na(hingal).

Jenny: Ano? Sira! ^_^ Nasira yung paper bag na nilalagyan ng fruits. Eh di ba sa ating dalawa to, kaya sa’yo ko nagpatulong. (nagsimula na ulit mamulot ng nagkalat na prutas si Jenny) at tsaka, di ko na to kayang dalin mag-isa.

Stephen: Sige, tulungan kita.

Nagsimula na ding mamulot si Stephen. Madami-dami na ding siyang nakuha. Binilinan ni Jenny na wag niyang aakapin ang mga prutas, dahil baka madumihan ang uniform niya. Marahil sa mabilis na pagtakbo kanina, ngayon pinawisan ng husto si Stephen. Ang pawis sa noo nya ay nagbabadyang tumulo sa mata niya. Nakita ito ni Jenny.

Jenny: Yung pawis mo Stephen, wala ka bang panyo?

 Stephen: Naku patay, naiwan ko dun sa room natin, akala ko kasi kailangan mo agad-agad ng matipunong super hero, kaya nag-ala – The Flash ako papunta dito.

 Jenny: Sira. ^_^ Pero salamat sa pagpunta agad. Pano tong pawis mo, tutulo na sa mata mo.

 Stephen: Bayaan mo na yan.

 Jenny: Teka sandali lang…

Di na nakaimik si Stephen pagkatapos ng nangyari. Kinuha ni Jenny ang panyo niya, at inilapit ang mukha kay Stephen. Alam ni Jenny na di mapunasan ni Stephen ang noo niya dahil sa mga dalang prutas, na halos ay si Stephen na ang nagdala.

 Jenny: Punasan ko lang ha..? ^_^

 Stephen: Ah… eh…. (halatang namula si Stephen, pero ng makita niya ang ngiti at paniningkit ng mata ni Jenny, wala na siyang nagawa. Nabuwag na ang pinakamalakas na depensa niya ng pagtutol). Tumango si Stephen.

 Pinunasan ni Jenny ng buong ingat ang butil ng pawis sa noo at ilong ni Stephen habang buong-buong nakita ni Stephen ang ngiti ni Jenny. Ang bango, yun ang sinisigaw ng ilong niya, amoy na amoy nya ang ibang amoy na nanggagaling sa buhok ni Jenny, amoy anghel. Ilang segundo lang yun, pero pakiramdam ni Stephen, huminto ang oras at panahon. Ayun ulit ang pakiramdam, ayun ulit yung tibok ng puso na parang may hinahabol, andoon ulit yung mga paro-paro sa tiyan. Mukhang ito lang ang iniintay ni Stephen na mangyari, para maniwalang, may epekto si Jenny sa kanya. Isang epekto nagbibigay sa kanya ng kapayapaan. Hanggang kailan siya makakapagpanggap na normal ang lahat?