Gossip girls (Photo credit: sheknows)

Gossip girls (Photo credit: sheknows)

Apektado ka ba? Apektado ba tayo? Bakit tayo papaapekto?

Ganito ang kadalasang tanong natin ‘pag napupukulan tayo ng tsismis. Una sa lahat, bakit ba tayo nadadamay sa mga walang kakuwenta-kuwentang usapan ng mga kapitbahay natin, kababaryo natin, kakilala? Inggit ba ito o sadyang wala silang alam gawin kundi ang manira ng kapwa nila? Minsan kahit ayaw mong maapektuhan, maaapektuhan ka pa rin. Mas lalo na kung nagugulo na nito ang buo mong sistema, ang buo mong pagkatao, ang buong buhay mo. Bakit ba kasi nauso pa ‘yang pagtsismisan ang buhay ng may buhay? Pero ang natutunan ko sa mga mahilig mantsismis, mas madalas sila pa ang may pinakamadaming tsismis sa buhay. Para lang mapagtakpan ang mga baho nila sa buhay ay binabaling nila sa iba ang usapan. Nakanginginig lang ng kalamnan kapag wala ka namang magagawa kasi ayaw mo nang pumatol. Baka mapagkamalan ka ring walang sariling bait pag pinatulan pa.

Sa isang lugar na kung saan naglipana ata ang mga walang ginagawa sa buhay, maghapon lang sa bahay, malamang sandamakmak din ang mga tsismosa. Makita mo lang ang mga nag-uumpukan, ay, alam mo na, may mga pinagkukuwentuhan na naman silang buhay ng kung sino-sinong tao. Ano ba ang napapala nila sa mga usapang nakapapanira ng kapwa nila? Pag sila naman ang natsismis, naku, asahan mo nasa baranggay na at magpapadugo na ng nguso. Tao nga naman. Kaya ‘di magkaisa ang buong sangkatauhan dahil sa mga taong walang naidudulot na mabuti sa iba.  May madinig lang na simpleng bagay, pinalalala na. May madinig lang na simpleng balita, ginagawa nang headline. Kapag ako nakaririnig na ng intro ng subject na “hoy alam mo ba“, nilalayasan ko sila. Aba mapuno’t dulo pa ako. Hayaan kong sila na lang ang mag-usap at ng sila na lang ang malagay sa gulo. Kaya nga minsan, isa ako sa subject nila kasi ‘di ako marunong makisama sa mga tsismisan nila. Wala. Wala akong mapapala sa kanila. ‘Di nila mapapakain ang pamilya ko dahil sa mga kuwentuhan nila. Hay, sana lang mabago na ang gawain ng mga taong walang alam kundi makasira ng kapwa. Sana lang gawin nilang kapaki-pakinabang ang oras nila, hindi ‘yung sa mga walang kabuluhang bagay. At ang nakapagtataka, ang dami nilang “friends” pero pag talikod naman nila, sila din ang subject. Tsk tsk. Magbago na tayo mga kababayan!

Enhanced by Zemanta