Passport     (Photo Credit:    Daddyandthecity)

Passport (Photo Credit: Daddyandthecity)

O, ano?  Hindi ka na naman pumasok?

Ayoko na pong mag-aral!

Anak ka talaga ng tipaklong, ano na naman ang problema mo? Puro ka kasi laro, basketball dito, basketball dun, ‘pag ikaw naka-shoot, ewan ko na lang!

Paano ka makakatulong sa amin? Hoy! Matanda na kami kaya magsikap kang mag-aral, tignan mo nga yung tatay mo! Dati malaki muscle, ngayon lumambot na kakatrabaho, ayaw na tumigas, kasalanan mo ‘yan!

Ha?

Ang dami nating utang, kaya kita pinag-aral para makatulong ka sa pagbayad, ‘yun ang isipin mo hindi ‘yung puro syota mong laging nakanganga.

Magtra-trabaho na lang po ako.

Ano namang trabaho papasukan mo? Aber!

Walang tatanggap sa ’yo dito! Ano’ng papasukan mo?

Tagahugas? Tagalinis? Tagapahid? Tindero? Panadero? Asukalero? Bolero?

Magkano lang kinikita nun, pang-bisyo mo pa lang, kulang na!

Subukan ko pong mag-abroad, sabi nung kaibigan ko baka suwertehin daw ako dun. ‘Pag nangyari ‘yun, tiyak matutulungan ko kayo mabayaran ang mga utang natin, Peksman!

Eh ngongo ka pala eh!

***

Hoy! Lintik kang bata ka! ang batugan mo talaga! Tumayo ka diyan at tumulong ka sa gawaing-bahay. Wala ka talagang silbi! Matapos kitang pag-aralin, puro tulog ang inaatupag mo, anong klaseng eskuwelahan ‘yan?

May natutunan ka ba talaga o puro gala lang ginagawa mo kaya wala kang makuhang trabaho, palibhasa bilog ang utak mo!

Di mo gayahin ‘yung kapitbahay natin, sabi ni mare, nakapag-abroad na yung anak niya. Ikaw, kahit dito, wala kang makuhang trabaho, sayang lang pagpapa-aral ko sa ’yo!

O sige na po, try ko mag-apply, pag sinuwerte ako, hindi n’yo na kailangan magtrabaho pa, padadalhan ko na lang kayo ng pera buwan-buwan, peksman!

***

O kamusta na?  Akalain mo, dito pa tayo nagkita, ano trabaho mo ngayon?

Programmer!

Buti ka pa, ako, hindi ko nagamit ‘yung pinag-aralan ko.

O, bakit naman?

Alam mo naman, tamad kasi ko mag-aral dati, hindi ko sineryoso gaano, kaya nag-abroad na lang ako. Kahit malayo sa course ko, at least malaki kita.

Wow! Ikaw pala ang big-time sa ’tin. Ako nga, maganda nga trabaho ko, pero ang liit naman ng sahod ko, laki pa ng tax, halos wala nang matira sa ’kin.

Try mo mag-abroad, malay mo suwertehin ka

Sige, try ko! Basta sabi mo ‘yan ah! May chance ba talaga ako dun?

Oo naman, maniwala ka sa sinasabi ko!  Peksman!

***

I love you! Cutie apple pie!

I love you more..! Mwahh.. mwahh.. mwahh!!

Happy anniv!

Uy! Ang sweet-sweet naman may choco-choco crunchy, kinikilig ako, ayan tuloy basa na!

Ano ‘yun?

Secreeeeeet! Wiii… wiii.. wiii…

Oww… oww… oww… sige, punasan ko na lang.

Kailan mo ba ‘ko papakasalan?

Ha! Alam mo naman wala pa tayong ipon sa banga. Mag-abroad na lang muna ‘ko, pagbalik ko saka tayo pakasal

Ganun? Basta, sabi mo ‘yan ha! Babalikan mo ko!

Peksman!

***

Si Junior wala nang gatas at pampers! May pera ka na ba?

Kailan nga pala natin pabibinyagan si baby? May trabaho ka na ba?

Wow! Malapit nang mag-aral ang panganay natin! Enrollment na sa susunod na buwan. May sahod ka na ba?

Marami nang sira sa bahay natin, kailangan nang ipaayos, mag-loan ka kaya?

Uy! Si mare at pare, nakapagpatayo na pala ng sariling bahay, may bago ‘ring kotse! Astig! Mag-abroad ka kaya?

Okay lang ba sa’yo?

Wala na tayong choice eh!

Di ka ba malulungkot?

Konting tiis lang naman ‘yun, Kakayanin ko na lang, peksman!

***

Sabi nila, kahit hindi ka nakatapos ng pag-aaral, puwede kang mag-abroad para kumita nang malaki.

Sabi nila, kapag nahirapan kang humanap ng maayos na trabaho sa Pinas, mag-abroad ka at baka suwertehin.

Sabi nila, kahit ‘di ka gaano natuto sa pag-aaral, basta magaling ka dumiskarte, puwede ka makapag-trabaho sa abroad.

Sabi nila, kung gusto mo makaipon para sa iyong mga pangarap, puwede kang mag-abroad para mabili ang lahat ng luho mo.

Sabi nila, kung gusto mo raw makaahon sa hirap, puwede ka mag-abroad para maibigay ang pangangailangan ng mga mahal mo sa buhay.

Maraming umalis dala ang isang maletang mga pangarap, umaasang sa pagbalik ay may dalang isang kahong ginhawa at saya dulot ng mga bagay na dati ay wala.

Saan nga ba hahantong ang lahat ng ating mga pangarap at pangako?

Handa ka bang mawala ang dating mayroon kapalit ng mayroon na dati ay wala?

Ito ang alamat ng peksman.

“Promises are just like dreams, it will never come true unless you put your heart into it” – ompong dilat

*******

Ang Alamat ng Passport: Chapter 1 of 20 Alamat ng Peksman, mula sa panulat ni Ompong Dilat, ang tagamulat ng mga alamat