James Holmes     (Photo Credit:    Usmagazine)

James Holmes (Photo Credit: Usmagazine)

Gaano kahirap kaya sa isang ina ang sabihin ito?  

You have the right person.”  

Na siya nga ang ina; ang ina ng nawala sa katinuang nagmasaker sa maraming tao….

Na si James nga, ang kanyang anak, ang nahuling salarin sa masaker. 

Ang kumpirmahin na ang anak na kanyang isinilang, minahal, inaruga,  at pinag-aral hanggang kolehiyo ang siyang psycho killer na walang pag-aatubili at walang pagsisising kumitil ng 12 na buhay at nakapagdala sa peligro sa 59 katao na masayang nanonood ng pelikula ni Batman na “The Dark Knight Rises.”

Isang nurse ang ina ni  James Holmes, ang 24 taong gulang na suspek sa Colorado Shooting Spree na naganap kamakailan lamang sa isang sinehan sa Aurora, Colorado.  Ang kanyang ama ay isang iginagalang at may mataas na posisyon sa isang reputable na kompanya sa Amerika.  Napagtapos nila ang kanilang anak na si James sa kursong B. S. in Neuroscience mula sa University of California noong 2010 kung saan siya ay nakatapos nang may mataas na karangalan.  Cream of the crop, ‘ika nga.  Nagpatuloy pa si James ng pag-aaral sa isang medical school, ngunit sa hindi malamang kadahilanan ay nag drop-out ito noong Mayo.

“I am the JOKER.”  Ito ang sinabi niya sa mga pulis nang siya ay nahuli sa may paradahan ng sinehang iyun.  Hindi siya kinakitaan ng pagtakas o paglaban, ayon sa mga humuli sa kanya.  Sobra lang kaya niyang dinibdib ang “Batman Series”?

Ayon sa mga sumunod na imbestigasyon, walang kakatwa o masamang record si James sa kanyang kabataan.   Nakilahok din naman sa ilang tao si James ngunit hindi siya ang tipong maraming kinakaibigan.  Tahimik daw ito at hindi maloko, kaya maraming nakakakilala sa kanya ang lubhang nabigla na magagawa niya ang naturang masaker.

Ang kanyang apartment na tinitirhan habang nasa medical school siya ay kanya ring nilagyan ng mga trip wires at explosives bago niya ginawa ang karumal-dumal na krimen.  Sinasabi sa imbestigasyon na humigit-kumulang sa $5,000 ang halaga ng kanyang pinamiling mga armas at pasabog.  Patunay na kanyang pinagplanuhan at pinaghandaan ang kanyang ginawa.

May Bachelor’s Degree na si James sa Neuroscience pero hindi ito makakuha ng trabaho.  Marahil ito ay nakararanas na ng post-grad depression na karaniwang nangyayari sa mga nakapagtapos na pero hindi makausad sa kanilang karera. Dahil walang makuhang trabaho, humiling na lang itong magpatuloy ng pag-aaral sa medisina, kung saan nakaisang taon na siya, ngunit bumitaw noong Mayo ng taong kasalukuyan at ayon sa sources ay Mayo din nagsimula ang pamimili ng armas ni James via online.

Nakalulungkot isipin na ang isang anak na tila pinalaki naman nang maayos at pinag-aral ay hahantong sa ganoong estado ng pag-iisip.  OO, isang psychotic o taong may kapansanan sa pag-iisip lamang ang makagagawa noon, ‘di ba?  May ilan na ring ganoong kaso na mga teenager at mga lalaking nasa kanilang early 20s ang nagpamalas ng kawalan ng katinuan sa isip at gumawa ng krimeng mahirap malimutan ng lipunan.

Epekto ba ito ng violence sa mga panoorin?  Sa mga pelikula? Sa mga video games?  Dapat bang higpitan ang pagbebenta ng mga armas?   Ano ang nagdala kay James sa ganoong kalagayan ng pag-iisip? 

Ito ay pinag-uusapan ngayon ng maraming tao.  Hindi ko rin magawang ipagpag lang sa aking isip ang ganitong pangyayari, dahil sa atin mang bansa ay may mga tao ring nawawala sa katinuan.  Salamat na nga lang at walang singtindi ng masaker na iyon ang nangyari na sa atin.  Siguro, dito kasi sa atin, lumabas ka lamang sa may tarangkahan, marami ka nang makakahuntahan.  Siguro din, kasi dito sa atin, marami tayong kamag-anak na hanggang kapinsan-pinsanan, magkakalapit ang kalooban.  Pati nga kapitbahayan, malaking source din ng emotional gratification; ‘di nga ba’t uso dito ang palitan ng ulam, gawing kumare/kumpare ang kalapit-bahay?  Kinulang siguro sa atensyon si James?  Wala din yata siyang kapatid!

Sa dami ng mga binasa ko ukol sa kaso ni James E. Holmes, may isang komento ang humila  sa aking atensyon.

“May depresyong dinadaanan ang maraming tao ngunit minsan, ang kawalan ng mga taong makakausap o makapagpapabangon sa kanilang madilim na kinalalagyan ang nagpapalala sa kalagayan ng kanilang pag-iisip.  Kaya sana, tayo ay maging mas sensitibo sa mga tao sa ating paligid, lalo na sa taong malalapit sa atin.   Walang taong ipinanganak na masama; pero may lipunan na maaaring nagdidiin o nagtutulak upang mabago ang kaisipan ng tao.  Dagdagan natin ang kamalayan sa mga tao sa ating paligid.”

Kung ikaw ay isang magulang… siguraduhing masaya at walang itinatagong depresyon ang inyong mga anak!  Baka may pinagdaraanan din sila ngunit sa kabisihan ng working parents eh, hindi na ito napapansin?

Hayyyy….  masarap lang magbakasyon sa ibang bansa…pero para sa akin, mas masaya pa rin ang tumira sa Pinas!

Ayaw ko na yatang manood ng Batman movies!!!

“He could be a lost soul; and yet, no one was bothering to lead him to the light.”

James Holmes     (Photo Credit:    Usmagazine  and  Palmbeachpost and Unrealitymag)

James Holmes (Photo Credit: Usmagazine and Palmbeachpost and Unrealitymag)

 

*******************************************************************