Minsan napagtripan kong pakinggan lahat ng recordings na radio program ni Kuja Jobert sa i-fm, sobra kasing nakakatawa lahat ng kuwento at payo niya sa mga nagtatanong na listeners.

Ilang oras ko din yung pinakinggan lahat, hanggang sa maubos ko lahat ng available na video niya sa youtube. Bumalik ang pagkainip ko nang wala na akong makita na video ni Kuya Jobert, sa katitingin ko sa mga recommendation videos, naisip ko na manood ng most watched videos. Open new tab, click ang Google, at nagtype ng keyword na “most watched” + “video” + “youtube”, at presto, bumulaga sa akin ang ilang MTV ng sikat na singer, ilang funny acts at siyempre (tama ang iniisip mo) sex scandals.

 Higit 50,000 ang nakita ko na views, yung iba, umaabot pa yata ng 100 thousand. Pinakasikat noon, ay ang scandal ni K. Halili, mayroon din tungkol sa isang actor sa China. Nang nagsimulang mailagay ang video recorder sa cellphone, parang nagkaroon na ng VIP access ang lahat ng tao na gumawa ng sari-sarili nilang video scandal. Napaisip ako bigla, bakit nga ba pag kuwentong ganito, ang bilis makahatak ng atensyon sa tao? Basta video na may kinalaman sa sex, sa scandal at kahit anong may kinalaman sa voyeurism, ang bilis makahatak ng manonood, ang bilis makahatak ng atensyon.

 Hindi lang naman sa video, pati sa blogging world, iba din ang hatak ng “sex” at “sex stories” sa mga magbabasa. Ewan ko ba kung bakit pag nakakita ng salitang “sex” sa bawat title ng articles, sobrang bilis ng click ng mouse para ma-open at ma-view ang buong kwento. Kung susubukan nga nating tingnan ang mga daily top articles sa mga malalaking blogsite, iba ang hatak pag may kinalaman sa reproductive aspect ang topic. Bukod sa salitang  sex, basta nabanggit ang salitang “virgin”, “virginity”, “premarital sex”, “prostitute” at “first-time”, panigurado, madaming click yan sa views.

 Madami nga sa atin, hindi na makapaghintay tapusin ang buong artikulo bago magbigay ng komento. Para bang, sa title pa lang ng binasa natin, alam na natin ang kabuuan ng isang artikulo. Basta ito kasi ito ang topic, ang bilis gumana ng utak ng tao. Habang sinusulat ko nga ito, iniisip ko kung ilan kayang tao ang gagamit ng “jump-to-conclusion” approach sa pagbasa ng artikulong ito, malamang marami.

 Lilinawin ko po, hindi ko sinasabi na walang kuwenta ang mga artikulo na may kinalaman sa mga salitang nabanggit ko, isang malaking patunay diyan ang “Minsan May Isang Puta”, isang artikulong nagpamulat ng napakaraming kamalayan sa pagiging makabayan at malinaw na pagkakakilanlan ng eksaktong kalagayan ng ating bayan. At sa kamukhang degree, madaming tao ang naging biktima ng “jump-to-conclusion” approach na pagbabasa. May mga oras kasi, minsan, ang nagiging problema talaga sa atin, ay ang dating hilig lang, nagiging malaking aspeto na ng ating pagkatao, nagiging paraan na ng pamumuhay mo.

 Baka sabihin n’yo naman, napakaipokrito kong tao. Wag tayong magpaka-ipokrito, dahil alam naman natin na ang “sex” o “procreation” ay isa sa universally accepted na physiologic needs ayon kay Abraham Maslow. Isa ito sa mga mahahalagang aspeto na dapat matugunan para mabuhay ang isang tao. Pero uulitin ko, isa ito sa mahahalagang aspeto, at hindi sinabing “ito lang” ang mahalaga o ito ang “pinakamahalaga”. Sex is actually an act of love, at despite every subjective judgmental views na ibibigay ng iba tungkol dito, hindi natin maiaalis ang isang malaking katotohanan na parte ito ng pagiging tao, parte ito ng pagiging buhay. Ang punto ko lang, mukhang may mga taong hindi na ganito ang pagtanaw dito.

 Bakit nga ba kasi ang hilig ng Pinoy sa “sex stories”? Yan ang tanong na binitawan ko sa isang klase ko sa Ethics at Psychiatry nun, bakit ba ang hilig ng Pinoy sa mga “erotic” movies at stories. Hindi ko sinasabing Pinoy lang ang gumagawa nun, dahil kahit naman ibang bansa at lahi may ganito ding tendency, pero iba kasi ang Pinoy, aminin man natin o hindi, may ibang hatak ang mga ganitong topic sa lahi natin. At ayon sa mga sagot na nakuha galing sa mga student na karamihan ay teenagers, ito yung madalas na dahilan:

  1. Curiosity – lalo siguro sa kabataan. Normal sa tao ang maghanap ng sagot sa bawat katanungan na mayroon siya, lalo naman siguro kung tungkol sa sariling katawan ang gumugulo sa isipan ng isang tao. Sa ganitong pagkakataon, hahanap sila ng sagot sa bawat posibleng panggalingan ng tanong nila, at ending, sa mga tao o access (internet, cellphone videos) nila kinukuha ang sagot.
  2. Hobby – nagulat akong marinig ito, pero totoo pala. May mga taong parte na kasi ng pang-araw-araw na buhay ang magbasa ng sex stories at manood ng erotic videos.  Nakita nila na ginagawa ito ng mas matanda sila habang lumalaki sila, kaya ang ending, sila din mismo, ginagawa nila (ng walang maibigay na dahilan). Naniniwala naman ako na normal na minsan, manood o magbasa ng ganitong uri ng kwento ang isang tao, lahat nasa timing lang, pero sa pag-unlad ng teknolohiya, mukhang ang timing na kontrolado dati ng magulang at nakakatanda, ay unti-unti ng nawawala. Sa cellphone o sa internet, sa ngayon, mabibilang na lang siguro ang kabataan na hindi pa nakapanuod ng scandal.
  3. Influences – lalo na sa barkada. Hindi ka “in” kung di mo to nagawa o nakita. Hindi ka makaka-“relate” sa mga kasama kung hindi mo ito alam. Kakantyawan o pagtatawanan, ito na kasi yata ang kalakaran ng kabataan, kung hindi mo ginagawa ang ginagawa ng karamihan, ituturing kang iba at hindi napapabilang sa normal. Maraming nakakalimot na hindi basehan ang dami o konti ng bilang para tawaging tama o mali ang isang gawain, madalas, hindi basehan ang dami ng pumili, para yun din ang piliin mong gawin.

 Hanggang ngayon, hindi pa din ako makakuha ng malinaw na sagot kung bakit nga ba mahilig ang Pinoy sa ganitong uri ng babasahin, sa ganitong uri ng panoodin. Dekada nobenta yata ng usong-uso ang Xerex, o kasagsagan ng mga bold films. Madaming tumatangkilik eh, kaya napakadaling dalhin sa market, napakadaling pagkakitaan, kasi, tayo namang mga manonood at mambabasa, sabik at tulo laway sa pagpila at pagbili sa tindahan.

 Ayaw kong magtunog ipokrito, ayaw ko din namang masabihan na pakialamero, pero kasi, sa nakikita ko sa lipunan ginagalawan natin ngayon, hindi maganda ang epekto ng maagang pagkamulat dito. Bilang isang nurse, hindi kakasya sa daliri ko ang nakita kong babaeng edad 12 hanggang 15 na duguang dinala sa hospital dahil sa aborsyon, hindi iilang durog na katawan ng bata ang nakita ko, minsan nga, isang maliit na kamay ang nakita kong nakahalo mula sa buo-buong dugo. Pinulot ko ito na halos mangilid ang luha sa awa sa batang di naisilang. Hindi kakasya sa daliri ko sa paa at kamay ang kilala kong babae na maagang nagbuntis (maaga talaga, edad 13 hanggang 15). Hindi kakasya sa daliri ko ang kilala kong maagang nagsama dahil nabuntis, at naghiwalay pagkaraan ng ilang buwan. May ilang tao pa akong kilala na biktima ng panggagahasa, minsan nga, sarili pa niyang magulang ang naging salarin sa kwentong ilan lang kaming may alam.

 Sana, sa nagbabasa nito, subukan nating mag-isip kung saan ba patungo ang mundong kinabibilangan natin. Dadating ba ang panahon na hindi na dose anyos ang pinakabatang nagbubuntis? Dadating ba ang panahon na, edad walo o siyam ay magkakaroon na agad ng anak (possible po yan, may mga babaeng nagkakaroon ng unang regla o “menarche” sa edad na walo o siyam na taon). Unti-unti, madaming utak ang nalalason, dumadami ang rapist, dumadami ang biktima. Kung iisipin nating mabuti, lahat naman nagsisimula sa simple, at maaring ang simpleng “hobby” na ginagawa mo ay nakakaapekto sa iba at sarili mong hinaharap na pamumuhay.

 Sinadya kong gawing ganun ang title ng artikulong ito, kunbaga, social experiment kung sino ang mahuhuli ko, o mahuhuli ang sarili nila. Kung binasa mo ito sa pag-aakalang ang title na “May Bagong Sex Scandal” ay tungkol sa isang babae at lalaki na kinunan ng video habang nasa gitna ng malagablab at nagbabagang pagtatalik, normal ka, malamang ganyan din ako kung makikita ko ito. At higit akong matutuwa kung habang binabasa mo ito, naintindihan mo ang punto na sinasabi ko. Pero walang pilitan, opinyon ko ito, mayroon kang sariling  iyo.

 Pero kung habang binabasa mo ito ay nabanas ka, napuno ng amag ang kukote at nagsimulang mag-amok dahil wala naman pala ang inaasahan, tol, baka naman puwedeng magsimula kang mag-isip. Madaming babasahin ang makakapagpaunlad sa iyo bilang tao, napakadaming kaalaman sa mundo, at hindi mo ito malalaman kahit pa nga buong buhay ang gugulin mo sa pag-alam dito. Paulit-ulit lang naman ang nakikita mo sa panonood ng porn, pero ang mababasa at malalaman mo sa bawat libro, hindi mo pagsasawaan, maniwala ka sa sinasabi ko.

 Para naman sa agad nagcomment nang wala pang nababasa kahit ano, mahihirapan kayong umunlad kung hindi bukas ang isip n’yo. Pagiging mapanghusga ang pinakamalaking bara sa daan patungo sa pagkakaunawaan, at kung basta-basta ka na lang magsasalita nang walang pinanghahawakang katotohanan, parang kang bumabato ng marshmallow sa kalaban mo. Napagod ka na, hindi pa nasasaktan ang binabato mo at higit sa lahat, mukha kang tanga dahil walang bilang ang ginawa mo.

 Sana dumating din ang punto ang mundo na wala nang babaeng naagrabyado, wala nang babaeng namatay dahil pagdudugo sanhi ng aborsyon, wala nang durog na sanggol na makikita sa basurahan. Sana dumating ang punto na lahat ng pagbubuntis ay napaghandaan, sana dumating ang panahon na matutong maging responsable ang bawat tao sa desisyon nilang bibitawan. Wala magpapakasal dahil napilitan, wala nang lalaking magsasamantala sa bawat babae, wala nang magulang, kapatid o kamag-anak na makukulong dahil sa panggagahasa. May batas man o wala, dapat bilang tao, alam natin kung paano lumugar, madaling maging tao, pero mahirap magpakatao.

Sex is an essential need to survive, but respect and patience are essential as well. Sa bawat babaeng  minamahal nang totoo at lalaking marunong magmahal nang walang halong ibang hidden agenda, hindi magiging problema ang paghihintay. Minsan ka lang naman na mabubuhay sa mundo, at siguro sa minsan na yun, maganda kung gawin mo na yung best mo.   ^__^

author:  mga_sulat_kamay

p.e./mj

Enhanced by Zemanta