Pag-ibig      (Photo Credit:    Mheansblog.wordpress)

Pag-ibig (Photo Credit: Mheansblog.wordpress)

Pag-ibig.

Ang sabi ng iba, puwedeng isa daw ito sa pinakamasayang mararamdaman ng isang tao. Kulang ang iyong buhay pag hindi mo naramdaman ito. Ngunit para sa iba ay, isa din sa pinakamasakit.

Hindi man ako eksperto pagdating sa pagibig eh, syempre, Hindi naman ako ignorante. Oo, tama, masarap at masaya ang umibig, ngunit sa kabila noon, sabihin nating palaging mayroong mahirap na parte. Lahat naman siguro tayo ay nasa parehong pahina pag ito ang pinag-uusapan.

Natatandaan mo pa ba kung sino yung first crush mo? Nakakatawang isipin pero ako, oo.

Grade 3? Hindi ko pa alam ang ibig sabihin ng salitang yon. Crush. Nagulat na lang ako yung tinanong ng kaklase ko.

Classmate: Ui, sinong crush mo dito?
Ako: Ano? Crush? Ano yun?
Classmate: Hindi mo alam yun?
Ako: Hindi.

Grade 3? Ignorante, inosente.

Isa-isahin natin: Ano ano nga ba ang ibig sabihin ng pag-ibig sa bawat sitwasyon. First crush, first love, at syempre, ang true love. Mahirap mang sabihin ang eksaktong kahulugan ng bawat isa, ay, sigurado namang kaya nating ipaliwanag ang ating nararamdaman.

First crush. (Naaalala ko, ganito yung pakiramdam na yun)

Masarap lang sa pakiramdam na titigan mo siya oras oras. Yung tipong magkakasalubungan kayo ng tingin tapos kunwari sa iba ka nakatingin. Mahihiya ka pero gusto mong maulit. Yung gustong gusto mong mapansin ka, kahit “hi” lang. Dito mo din mae-experience yung akala mo sa yo siya nakatingin, yun pala sa taong nasa likuran mo, pero pagpipilitan mo sa sarili mong sa yo nga. Yung gustong gusto mong laging mataas yung score na makuha sa quizzes at exams mo para mapansin ka niya.Yung tipong lahat ng petsa tungkol sa kanya tandang tanda mo, may listahan ka pa. Lalo na yung petsang tinawag ka niya sa first name mo.

Kung maiisip mo ngayon eh, napakaaga pa noon. Napakaaga pa.

First love. (Kung ako ang tatanungin)

Ito yung mga oras na natututo ka nang gumamit ng cellphone. Yung pakiramdam na gusto mong bumili ng slum note at pasagutan lahat ng tanong dun sa taong yun dahil gusto mong makuha ang number niya para makausap siya, pero hindi mo naman matext-text kasi hindi mo naman kayang kausapin, hindi nga kasi kayo close at hindi mo alam ang sasabihin. Gusto malaman kung sino ang “first crush o first love” niya. Yung tipong naiinggit ka sa iba dahil nakakausap nila at nakikipagtawanan sa kanila. Yung pakiramdam na gustong gusto mo siya makausap pero pag oras na nandiyan na siya eh, wala ka nang masabi at hindi ka makagalaw. Yung tipong pag nagkakasalubong kayo ay biglang nararamdaman mong tumatalon ang puso mo sa tuwa, gusto mong huminto ang oras para mas matagal mo siyang matitigan. Yung tipong lahat ng bagay na mahahawakan niya eh espesyal para sa yo at gusto mong ikahon, at oras na mahawakan niya ang isa sa mga gamit mo eh ayaw mo nang palabhan at palitan.

Plus, eto na rin yung oras na makita mong marami siyang kausap ay nagseselos ka at naiisip mong ikaw na lang sana yun. Oras na nagkaroon siya ng commitment sa iba eh, ikukumpara mo ang sarili mo at iisa-isahin ang mga positibong katangian mo. At oras na nasasaktan ka, pag nag-iisa ay saka ka iiyak. Saka mo maiisip na, ganito pala yun.

True Love. (Yung time na you are in to a serious relationship na. Sabi nga nung iba “this is it”.)

Yung feeling na makita mo lang siya, kahit walang masyadong gastos at mkapaglibot-libot lang sa isang lugar, kumpleto na araw mo.Tuwing nalulungkot ka, tumawag o magtext lang siya, ayos ka na. Sabihan ka lang ng “I love you” lahat ng problema gagaan na, parang nakainom ka na ng energy drink.  Sabihin nya lang na maganda ka, confident ka na agad. Pakiramdam mo din eh, kahit ilang away at pagtatalo pa ang pagdaan ninyo ay hindi nawawala yung pagmamahal mo sa kanya. Eto rin yung time na pag iniimagine mo yung future eh, wala ka nang ibang nakikitang kasama mo sa isang tahanan kundi siya at ang inyong mga malulusog na anak.

Pag-ibig nga naman, puno ng pag-asa.

Syempre, para kumpleto, isama na din natin ang nakakalungkot na parte.

Break-Up. Ang magpapatunay na ang pag-ibig ay maaaring isa sa pinakamasakit na mararamdaman ng isang tao.

Yung tipong nakakulong ka lang sa kuwarto at ang gusto mo ay umiyak lang nang umiyak. Walang pakialam kahit makita ng lahat ng tao sa bahay na namamaga ang mga mata mo. Binabasa ang mga text niya kahit kabisado mo na. Walang gana kumain. Pipiliting lumabas para malibang pero parang zombie maglakad sa sobrang bagal. Tulala. Eto yung time na, lahat ng tao eh sasabihing kalimutan mo na, mag move-on ka na at marami diyang iba.

Ngunit, Paano nga ba mag move-on? Paano nga ba makalimot kung bawat detalye ng mukha niya, bawat tono, salita,bawat kilos at reaksyon niya ay kabisado mo na. Paano nga ba makalimot kung lahat ng bagay na makikita mo, lahat ng lugar na pupuntahan, at lahat ng kantang maririnig mo ay nagpapaalala sa kanya.  Paano nga ba?

Lahat tayo ay may kanya-kanyang karanasan pagdating sa pag-ibig. May masaya at malungkot na parte. Madali at mahirap. Pero sa lahat nang iyon ay mayroong iba’t ibang bagay na madadala at matututunan.

Ang tunay na pag-ibig ay dakila, wagas, at banal. Tulad ng pag-ibig na minsang nagligtas sa mundo, sa akin at sa yo. Ano man ang kalabasan ng lahat, laging isiping mayroong isang tapat na naghihintay.

Kaya kung nasang sitwasyon ka man ngayon, lahat ay dapat ipagpasalamat. Ang maramdaman ang isa sa mga pinaka espesyal na bagay sa mundo, ang pinakamaganda sa kahit ano mang bagay.

Pag-ibig.

author:  anne