Parental Love  (Photo Credit :  Gogoblogs)

Parental Love (Photo Credit : Gogoblogs)

Hindi na bago sa ating mga pinoy, lalo na sa isang anak, ang makarinig ng pagkukumpara sa ibang mga bata galing sa kanilang mga magulang. Lumaki ako na walang ibang nadinig sa nanay ko kund, pagkumpara sa amin ng mga kapatid ko sa mga pinsan namin o mga kapitbahay naming mga bata.

Buti pa siya, ang sipag-sipag niya! Tignan mo siya, bata pa lang marunong na sa buhay, naglalaba, nagluluto, nagsasampay, nagpa-plantsa! Eh Ikaw!?!?

Ako!?!? Ano nga ginagawa ko? Naghuhugas ako ng pinggan, nag-aalaga ako ng mas bata kong kapatid at minsan naglilinis, nag-aaral din ako nang mabuti. Yun lang ang alam ko. Kung anong klase akong tao? Hindi ko alam. Hindi ko rin alam kung anong klase akong anak o kapatid. Mapagmahal ba ko? Masipag? Mabait? Masunurin? Nung bata ako, ang pagkakakilala ko lang sa sarili ko ay yung mga bagay na nadidinig ko sa tao. Mga opinyon na hindi naman naging mahalaga nung tumanda na ko.

Ngayong matanda na ko, hindi ako naging sobrang talino or sobrang successful tulad ng iba. Hindi ako valedictorian, summa cum-laude or nasa kahit anong list ng honors, pero nakagraduate ako na may salitang “scholar” sa pangalan ko.  Hindi naman naging ganoon kalayo ang narating ko sa buhay tulad ng iba na nakapagwork sa ibang bansa, nakakuha ng mataas na sahod or napunta sa field na talagang gusto nila, naging masaya naman ako.

Sa tuwing may bonus or nakakakuha ko ng malaki sa kaka OT ko, binabahaginan ko ang pamilya ko, kumakain kami sa labas, nagbibigay din ako ng bonus bukod pa sa monthly na binibigay ko sa nanay ko. Hindi ako kailanman nanumbat sa pamilya ko lalong lalo na sa nanay ko. Ni hindi ko nga sinabi na – tignan mo yung mga taong kinumpara mo sa amin nung bata pa kami, hindi ko sila minamaliit pero halos lahat sila ay hindi nakapagtapos at nabuntis nang maaga.

Hindi rin ako kagandahan, at lumaking iba sa mga kapatid ko. Mahilig sila sa mga dress at sa heels, hilig ko ay rubber shoes/sneakers and shorts. Hindi ako tomboy, pero hindi ako tipikal na babae, boyish ako. Sa tuwing nakikita ako ng nanay ko, walang ibang napapansin kundi itsura ko at pananamit ko. Naiintindihan ko naman, 24 na ko pero hindi daw ako nannaamit nang naaayon sa edad ko. Para daw akong gusgusing bata kahit na ngayon na nagte-take na ko ng master’s degree.

Minsan, nagbigay ako ng bag nung minsan na kaarawan ng nanay ko, imbis na magpasalamat nakarinig ako na – sana, pera na lang!

Naintindihan ko din naman kung hindi niya nagustuhan at bilang ina, siya ang nagba-budget ng lahat sa bahay namin kaya naiintindihan ko. Ang hindi ko lang maintindihan sa lahat ng nangyayari at mga sinasabi ng nanay ko ay yung mga katagang – dapat nga ngayon, magpapakasaya na lang ako at kayo na bubuhay sa akin!

O kaya naman ito – magwork ka na lang sa Singapore para mas malaki sahod at makapagtravel tayo!  Di naman ako nangangarap magpunta sa ibang bansa, gusto ko lang makapunta ng Hongkong!

Mga pahaging ng nanay ko na minsan ay hindi ko na kinatutuwa at kailan man ayhin di ko maiintindihan ang mga salitang – wala kang utang na loob!

Ano ba ang utang na loob? Yun ba yung tipong, pinanganak kita at binuhay kaya dapat buhayin mo din ako? Naging mabuti ako sa ‘yo kaya dapat maging mabuti ka din, Eh panu kung hindi ka naman naging mabuting ina?

Ano ba ang dapat na  relasyon ng isang ina at isang anak? Yun ba ay yung tulungan ka ng anak mo sa lahat ng bagay na ginagawa mo? Bakit ba na- aanak ang isang babae or isang ma- asawa? Para may ma-aalaga sa kanila pag tumanda sila? Para may mauutusan sila bumili ng pagkain sa tindahan? Para may tagalaba, tag plantsa, tag saing at tagatupad ng mga pangarap nila?

Ano nga ba kaming mga anak? Ano nga ba tayong mga anak? Para saan ba tayo? Hindi ako naniniwala sa salitang utang na loob, pero naniniwala ako sa salitang obligasyon. Obligasyon ng mga magulang ang kanilang mga anak pero naniniwala din ako na hindi obligasyon ng anak ang kanilang mga magulang.

Choice na ng mga anak kung paano nila pupunuan o ibabalik ang mga naibigay sa kanila ng kanilang mga magulang. Naaawa lang ako sa pag-iisip na nag-anak ka para may bumuhay sa ‘yo, hindi pa nga nararanasan ng mga batang magsaya, binigyan mo na agad sila ng malaking responsibilidad na sundin lahat ng gusto mo. Wala pa sila halos kamuwang-muwang sa mundo, tinanggalan na sila ng karapatan maging masaya at magkaroon ng sariling desisyon.

Para sa akin, pagmamahal at suporta lang ng mga magulang ang mahalaga. Doon lang masaya na ko, kasi para sa akin, nag-anak ka kasi gusto mo, kung hindi mo man plinano, dapat tanggapin mo at mahalin mo ang anak mo nang walang kapalit. Yun ang pagiging isang ina at isang magulang. Kung sa sarili mismong mga magulang, hindi mo nararanasan ang tinatawag na unconditional love, saan pa? at sino pa magpaparanas sa ‘yo nito?

Pag ako naging ina, MAMAHALIN KO at BIBIGAY KO LAHAT ng KAYA KO sa mga anak ko, wala nang iba.  Tatanggapin ko sila nang buo. Mahalin man nila ako o hindi, maging mabuti man sila o hindi.

Ngayon, para sa mga anak, nasa inyo na yun kung paano n’yo susuklian lahat-lahat, magiging mabuti ba kayong anak? o pababayaan n’yo ang mga magulang n’yo pag tumanda na sila? Mamahalin n’yo din ba sila unconditionally kung sila naman ang hindi naging mabuti?

Hindi ako mahilig ma compare pero sa  utwing babalikan ko ang nakaraan at ang pagkukumpara, naiisip ko, buti pa ang ibang ina, TANGGAP at MAHAL ang mga anak nila, eh ikaw!?!

author: curiousmandz