Withered promises (Photo credit: experienceproject)

Withered promises (Photo credit: experienceproject)

Para sa mga babaeng  nasaktan, pinangakuan, pinaasa at umasa.

Masakit ang maiwan at masaktan ng taong minahal mo, ng taong hinayaan mong mahalin ka, kilalanin ka at ng taong binigyan mo ng pagkakataon na paniwalaan ang bawat salitang binibigkas nito.

Lalaking kusang lumapit at hindi mo pinilit na pukawin niya ang natutulog mong puso at guluhin ang nanahimik mong pag-iisip. Kusa siyang lumapit at minsan kang sinuyo, pinakilig, pinatawa at pinaligaya. Lalaking nagbigay ng mga bagay na hindi mo naman hiniling, sinambit ang mga pangakong hindi mo naman hiningi. Lalaking pilit mo mang iniiwasan sa umpisa dahil ayaw mong gambalain niya ang katahimikan na iyong tinatamasa pero naging mapilit siya at patuloy ka pa ring pinapaasa.

May pagkakataon na nagpapakitang gilas para humanga ka. Lalaieng minsan mo na rin pinagdudahan ang kanyang pagkatao. Tinatanong mo ang iyong sarili kung tapat ba talaga ang isang katulad niya. Dahil gusto mong unawain ang tulad niya, binigyan mo ng sapat na panahon upang kilalanin siya at makilala ka niya.

Lalaki na binigyan mo ng pag-asa na maipadama niya sayo ang tunay na ligaya. Nagdaan ang mga araw, naramdaman mo sa iyong sarili na nahuhulog na ang loob mo sa kanya at ito na ang naging hudyat upang tanggapin siya, mahalin siya, at pagkatiwalaan. Iyong ipinadama ang sapat na pagmamahal, na nauukol lamang sa lahat ng kabutihang ipinakita niya.

At dumating ang araw na nasambit mo ang mga katagang ”I LOVE YOU” at sinagot ka ng ”I LOVE YOU TOO‘.’ Umaapaw ang kaligayahan na inyong naramdaman at nalunod kayo sa umaapaw na kaligayahan.

Dahil mahal mo siya at mahal ka rin niya,  sinuko mo ang iyong sarili ng walang pag-aalinlangan. Hinayaan mong gawin niya sayo ang lahat ng gusto niyang gawin dahil umaasa ka na sa takdang panahon,  ihaharap ka sa dambana at nakahanda siyang ibigay ang lahat ng mayroon siya. Kailanman ay hindi ka nagduda.

Pinaniwalaan mo ang mga pangako niya dahil matalinhaga ang bawat katagang lumalabas sa bibig niya.  Pinaniwalaan mo ang lahat ng sinasabi niya. Bumuo kayo ng mga pangarap at kapwa niyo hinagkan ang BUKAS upang magkaroon ng saysay ang NGAYON.

Sa kanya mo binuhos ang iyong atensyon, at nasilaw ka sa kinang ng kanyang busilak na puso. Sinakripisyo mo ang lahat at binalewala mo ang iyong mga pangarap dahil sa kanya mo binuhos ang lahat. Wala ka nang nakikita pa kundi siya at wala ng iba pa. Ikaw ay nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan dahil hawak niya ang iyong kapalaran.

Hindi mo namalayan na ikaw pala ay nabulag ng katotohanan. Ang taong inakala mo na sayo’y umiibig ng lubusan at nangako na dadalhin ka sa paraiso at kung saan doon kayo’y manirahan, ay isang lalakeng mapagkunwari, dahil sa kanya ay mayroon nang nagmamay-ari.

Siya ang lalaking sa unang tingin ay simpatiko, romantiko at gwapo. Nakatutunaw na titig at nakauuhaw na pag-ibig. Masakit malaman na ikaw pala ay isang parausan at ginawa niyang laruan. Dahil siya ay mapusok at ikaw naman ay marupok,  nadaig niya ang iyong kahinaan.

Akala mo,  ikaw ang totoo, yun pala, isa ka lang sa mga babae na nais niyang matikman. Kay sakit ng iyong naging kapalaran sa kamay ng lalakeng inibig mo ng tapat, subalit siya pala ay naging madaya at sa simula pa lang ay hindi niya ipinagtapat na pag-aari na pala siya ng iba at mayroon na siyang pananagutan.

Sa mga gabing siya ang iyong katabi,  niyayapos ka man ng mahigpit at hinahalikan ng pa-ulit ulit, nahahati pala ang kanyang isip. Mayroon man siyang kakayanan na timbangin ang pagmamahal na sa yo’y kanyang nararamdaman.

Sa bandang huli ay naiwan kang luhaan dahil siya ay bumalik sa tunay niyang mahal, ang kanyang asawa na sa kanya’y naghihintay.

Kay sakit isipin na naging biktima ka ng hilaw na pag-ibig. Para kang DVD na naging biktima ng piracy. Akala mo ikaw ang original,  isa ka lang pala sa mga pirated at mumurahing DVD na nabebenta sa tabi-tabi. Malas mo at hindi naging matalas ang iyong pang-amoy. ‘Yan tuloy, nadungisan ang iyong pagkatao at nawasak ang iyong pangarap sa ngalan ng pag-ibig.

Isa kang KABIT na kailanman ay hindi niya maaaring pakasalan. Ngayon ikaw ay nag-iisa at nanunumbalik ang kanyang mga alaala. Kung paano ito nag-umpisa at kung paano ka nadaig ng tukso at naging isang biktima ng  isang lalaking mapanlinlang.

author: mjsweetcarreon

p.e./kf