Boy and girl holding hands (Photo credit: blogspot)

Boy and girl holding hands (Photo credit: blogspot)

Isang gabi, hindi ako makatulog. May kung anong hiwaga para sa akin ang gabing iyon. Hanggang sa biglang pumasok sa isip ko, naalala ko bigla ang naging karanasan ko. Kasama ang lalaking kailanman ay hindi ko magagawang kalimutan.

Paano ko naman makalilimutan ang lalaking ‘yun?  Siya ang kasama ko noong gabi na nakaranas ako ng kakaibang experience sa buhay.

Tandang-tanda ko pa, piyesta sa amin, may lakad ang barkada. Nagpaalam ako sa nanay ko, pinayagan naman ako.

Nagkayayaan ang barkada. Kumain kami at nag-inuman. 16 years old ako noon.  Siguro sasabihin ng iba na masyadong maaga pero iba dito sa amin, maagang namumulat ang mga kababaihan at kalalakihan.  Madalas na nangyayari ito lalo na sa panahon ng kasiyahan. Sa totoo lang,  lahat ng barkada ko ay nakaranas na, ako na lang ang hindi pa.

Kaya nang malaman ng pinsan ng bestfriend ko na dayo sa amin,  naisipan niyang iparanas sa akin ito para naman daw hindi ako mapag-iwanan. Tinanong niya ako kung gusto ko daw maranasan ito pero ang sagot ko ay ayoko dahil natatakot ako. At sabi ko ay gabi na at baka hanapin ako sa bahay pero sabi niya e kill joy daw ako, huwag daw ako mag-alala at ihahatid niya ako pagkatapos.

Lasing na ang mga kasama ko kaya pumayag na lang ako sa gusto niyang mangyari. Siya si Mark. Mas matanda siya sa akin ng dalawang taon. Umalis kaming dalawa at nagpunta kami sa lugar kung saan ko daw mararanasan maging masaya sa unang pagkakataon na kasama siya. Dahil may tiwala ako sa kanya at laking Maynila siya, sumama ako.

Pagdating namin doon, nahihiya ako dahil pinagtitinginan kami ng mga tao.  Siguro akala nila ay magsyota kaming dalawa. Hinawakan ni Mark ang kamay ko at sinabi niyang ”Ano? Ready ka na?

Sagot ko naman ”Hindi pa.

Natatakot ako at parang gusto ko na ngang umuwi at umatras. Pero sabi niya huwag daw ako matakot at aalalayan niya ako, “Nandito na tayo,  sayang naman kung aayaw ka pa.” Pero kinakabahan talaga ako. Sabi  ko, uuwi na lang ako dahil  mag-11 PM na. Sa susunod na lang. Pero nagpumilit si Mark.  Pinilit niya ako.  Sabi niya dapat ko na daw maranasan ito, para sa susunod e ‘di na ako matatakot na gawin ito  ulit.

Dahil mapilit siya ay pumayag na rin ako. Bago kami pumasok, siniguro ni Mark na safe ito.  Sabi ko sa kanya “Sure ka at walang mangyayari sa akin?” Sabi naman niya ay safe daw,  kaya pagpasok namin, umupo kaming dalawa. Tinitigan ko siya at tininitigan niya rin ako. Bigla akong namutla at nakaramdam ng kaba. Mabilis ang pintig ng aking puso.  Pinagpawisan ako sa umpisa.  Dahan-dahan lang, hanggang sa pabilis ng pabilis na. Napapasigaw ako sa takot at nakayakap kay Mark.  Sabi ko “Tama na, dahil hindi ko na kaya.“  Pero si Mark ay tumatawa lang.  Sabi niya,“Kaya mo yan at ipikit mo ang iyong mga mata.

Pinikit ko naman pero pakiramdam ko, mabilis ang pag-ikot ng mundo.  Tuwing ididilat ko ang mata ko, nakakakita ako ng mga bituin. Para akong lumilipad hanggang sa nakaramdam ako ng panghihina.  Nahihilo ako at nasusuka. Sabi ni Mark, tiisin ko lang daw.  “Ganyan talaga dahil first time lang, sa susunod masasanay ka rin.

Tama siya.  Mahirap sa umpisa pero nang tumagal ay masarap na pala, parang ayoko nang tumigil pa. Nag-enjoy na ako na kasama siya. Pinunasan niya ang luha ko gamit ang mabango niyang panyo. Kinilig ako at nakaramdam ng ligaya dahil nasasarapan na ako.  Pumayag ako at nag-isang round pa. Tumagal ng halos sampung minuto. Pagkatapos, nagutom na ako at napagod at nakaramdam ng pagka-uhaw.

Kaya sabi ko kay Mark,  ihatid na niya ako pauwi.  Sabi niya “Ayaw mo na? Nag-eenjoy pa ako na kasama ka.

Sabi ko,  “Next time ulit.

Kaya sabi niya “Okay,  next time sa roller coaster naman.

Yun ang first time kong sumakay sa Ferris Wheel  kasama si Mark.  Hay, ang sarap talaga ng first time.  :)

author: mjsweetiecarreon

p.e./kf