Meant to Be?     (Photo Credit:    Whatsyourbirthday.blogspot)

Meant to Be? (Photo Credit: Whatsyourbirthday.blogspot)

Tulad ng love story ng ibang tao, paborito rin kaming paghiwalayin ng panahon.

Ako at si Krizzy. Kami ang bida, kami ang magka-love theme. ‘Di tulad sa mga kunyari’y patok na teleserye at pelikula na pinapaganda at binibigyang kulay ang kwento ng mga mapanghamak na kontrabida, sa kwentong ‘to, walang killjoy, walang agaw eksena, walang mapang-api sa aming dalawa. Sadyang panahon na lang ang s’yang gumagawa ng dahilan para mapahaba ang aming istorya. Upang magkaroon siguro ng kapanapanabik o kaabang-abang at komplikadong daloy ng telesinefantaseryenobela.

 Noong magkakilala kami, may spark (huminto ‘yong mundo, nagkaroon ng background music na nakakakilig, may mga talulot ng bulaklak na dahan dahang naglaglagan sa aming dalawa, nag-zoom-in ‘yong camera, namula ang aming mga pisngi, may biglang lumabas na dalawang pusong kulay rosas sa aming dalawang mata, nagkatitigan habang papalapit sa isa’t isa, unti unting naglalapit ang aming mga labi, nakapikit, sabay biglang imahinasyon ko lang pala) ‘yong tulad nga sa pelikula? Comedy/love story ba. (‘yong mukhang tanga lang lagi sa umpisa ‘yong babae. Nakasalamin ng malaki, walang make-up, dry, may wet-look na bangs at hindi marunong maglakad kapag naka-heels. Pero sa huli’y biglang gaganda matapos mawala ng ilang buwan dahil nasaktan ng bidang lalaki. Nawala para mag-aral ng English, modeling, fashion at kung paano maligo at magmake-up ng tama. Nang sa kanyang pagbabalik ay kaya na n’yang karatehin ang lalaking nagpaluha sa kanya. Pero sa kalaunan, magkakabati ulit sila dahil mahal naman talaga nila ang isa’t isa. Kinailangan lang talagang magkatampuhan para kapag muli silang magkita at nagkabati, sobrang matatouch ang mga viewers. Lahat sila’y sisipunin sa kakaiyak). Pero sa aming dalawa ni krizzy, wala namang kwentong tulad ng love story ng mga Anime. Mahal namin ang isa’t isa at may respeto kami sa isa’t isa. Medyo may kulang nga lang talaga, ano ba ‘yon?

Lumipas ang limang buwan, kinailangan ko s’yang iwan. Kailangan kong magpatuloy ng pag-aaral sa malayong lugar. Walang iyakang nangyari noong umalis ako, hindi naman kasi ako nagpaalam sa kanya. Bigla bigla na lang akong nag-impake at hindi na nagpakita. Nagpaalam lamang ako sa text noon . . . . .  noong nasa Maynila na ako. Ok naman sa kanya, natanggap n’yang mawawala ako ng matagal, nainis lang daw talaga s’ya kasi hindi man lang ako nagpaalam sa kanya. wala man lang daw goodbye kiss o goodbye hug.

Masyado kong na-enjoy ang buhay sa Maynila, mabilis ko s’yang nakalimutan. Nawalan kami ng komunikasyon, hindi na ako nagtetext sa kanya at hindi narin s’ya nagtetext sa akin. Patas lang kami. Ngunit makalipas ang apat na taon, nagkaroon ako ng problema sa isang babae (bago). Sabihin na nating girlfriend ko s’ya, pero ex na lang. Noong masyado akong na-up set sa break-up naming dalawa, muli kong naalala si Krizzy. “Nasaan na kaya s’ya?  Kamusta na nga ba s’ya? Ano na kayang balita sa kanya?” sambit ko. Sinearch ko s’ya sa Facebook, sakto namang meron s’yang account dito. In-add ko s’ya at in-accept n’ya ako.

Noong magkachat na kami, hiningi ko ang cp number n’ya at binigay ko ang cp number ko kahit hindi n’ya hinihingi. Nagkita kami, Feb. 15, 2010 (katatapos lang ng Valentine’s Day). Isinama ko s’ya sa mga tropa ko at ipinakilala. Hmmmmmmmm, parang date narin. Kinantahan namin s’ya, kinakantahan ko habang unti unti akong lumalapit sa kanyang kinauupuan. nakatago ang kanang kamay  ko sa likod at dahan dahang inilabas ang isang rosas upang ibigay sa kanya. Nakakakilig ang nangyari noon, hindi nga lang ako nakakakilig magkuwento.

 Heto na naman, akala ko ok na ulit kami. S’ya naman ang paalis, s’ya naman ang mang-iiwan. “mukhang gumaganti lang to ah?” sa isip isip ko. Sa ibang bansa na s’ya magtratrabaho, dalawang taon s’yang mawawala at hindi magpapakita. “Ok lang” sabi ko. Basta ba babalik s’ya sa akin eh, walang problema. Maghihintay naman ako eh, hihintayin ko s’yang bumalik. Kaya lang, sana, makapaghintay din s’ya. Sana, kung may bagong lalaki man s’yang makikilala doon, eh hindi s’ya magkagusto dito. Sana pag-uwi n’ya ng Pilipinas, wala s’yang bagaheng lalaki at isang anak na ipapasalubong sa akin.

 Nang makatapos ako sa kolehiyo, binalak ko na ring mangibang bansa, hindi nga lang doon sa bansa kung saan s’ya naroroon. Matapos kong pag-isipan ‘to ng tatlong buwan at anim na araw at limang oras at apat-na-pong minuto at labing-isang Segundo nang hindi humihingi ng kung anong opinyon mula sa ibang tao tungkol sa aking biglaang pag-aalsa baluta. Heto na, ok na ang lahat. Flight ko na sa susunod na buwan, sa unang lingo ng July.

 Ibinalita ko sa kanya ang naging desisyon ko, ikinatuwa naman n’ya. Kaya lang, may “kaya lang” s’yang sinabi. Anak ng naiihing kambing talaga oh, ano ba talaga? Pinaglalaruan ba talaga kami ng di mapakaling tadhana o inililigaw lang ng di mapakaling tikbalang? Kung kelan handa na akong magpaalipin sa ibang lahi saka naman s’ya babalik ng Pilipinas, at sa last week pa ng July. Binati n’ya pa ako ng Congratulations! Eh hindi naman ako nanalo,, talo nga ako eh. Dahil gustong gusto ko na s’yang makitang muli at makasama. Kelan na ulit kami magkikita? After 4 years ulit? O doble na? 8 years naman? Hindi ko na ata kayang mabuhay ng walang krizzyng nakikita sa araw araw. Mahal ko s’ya, mahal n’ya ako at mahal namin ang isa’t isa, kaya dapat hindi nangyayari ang ganito sa aming dalawa. PAANO KUNG BIGLA N’YA AKONG MAKALIMUTAN? TAPOS AKO, HINDI KO S’YA MAKALIMUTAN? Lugi naman yata ako noon.

 Ano bang gagawin ko? I-cacancel ko ba ‘yong pag-alis ko? Hindi na ba ako tutuloy mangibang bansa? Para kahit sa huling pagkakataon sana eh muli kaming magkita, muling maulit ‘yong araw nang una naming pagkikita, muling maulit ‘yong spark na sinasabi ko kanina. Maraming nagpapayong HINTAYIN  ko daw, pero marami ding nagsasabing H’WAG na daw. PAANO BA AKO MAGDEDESISYON KUNG PANTAY ANG PAYO NG DALAWANG PANIG?

 Ah! Bahala na si Ironman (alam ko kasing pagod na pagod na si Batman), hintayin ko na lang siguro s’ya. Oo, tama ‘yon. Hindi na muna ako aalis, marami pa naman sigurong pagkakataon. Kailangan ko s’yang makita sa lalong madaling panahon (ito kasi ‘yong pagsisisihan ko ng maraming beses kapag hindi natuloy), para naman muli akong maging masaya (s’ya kaya?), para masabi kong mahal na mahal ko pa rin s’ya kahit napakatagal na naming hindi nagkikita, para malaman n’yang tapat ako sa kanya, para aminin ang aking nararamdaman, para magtapat sa kanya, para umamin ba. Kasi. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Hindi naman talaga kami eh, minamahal ko lang s’ya ng palihim at nag-a-assume na ganoon din ang nararamdaman n’ya para sa akin. Balak ko pa lang talagang magtapat sa kanya sa muli naming pagkikita. Para sana, kahit paghiwalayin ulit kami ng kontrabidang tadhana eh may pinanghahawakan na ako. May girlfriend ako kahit nasa malayo. May tatawagin akong MAHAL at may tatawag sa akin ng MAHAL. Hindi na baleng may kontrabida sa love story naming dalawa, ang importante KAMI. Ayaw ko na nang bida lang ang character sa pelikula. Wala ngang kontrabida, hindi naman masaya. Masaya nga, hindi naman kami talaga. Kami nga, pero imahinasyon lang pala ang lahat. Imahinasyon na nga lang, ‘yon pang hindi happy ang ending. Bakit ‘yon pang LUGI na nga ako. . . . . . . . . . . . . . . . .  Ako pa rin ‘yong NASASAKTAN.

 PARA BA TALAGA KAMI SA ISA’T ISA?