Crying girl (Photo credit: photobucket)

Crying girl (Photo credit: photobucket)

Labing apat na taon na pala mula nppng huli kaming magkita. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin yung sugat na iniwan ng pagpanaw niya. Sabi nila madaming puwedeng mangyari at magbago sa isang taon pero sa kalagayan ko, sa tingin ko walang nagbago. Parehas pa rin yung sakit na nararamdaman ko kapag naalala ko siya, kapag may nakikita akong naka-uniform na pangsundalo, kapag nakakakita ako ng baril, kapag nakakakita ako mag-ama sa mall o kahit na mapadaan lang ako sa Crame. Siguro may diabetes yung feelings ko dahil hindi agad gumagaling yung sugat ng kawalan.

Hindi ko kasi inaasahan na uuwi na siyang walang buhay – na yung huling yakap niya ay isa na lamang alaala. Hindi ko pa rin matanggap na kinuha siya sa amin ng ganoon kaaga. Hindi man lang sulit yung mga araw na nasa bahay siya. Yun na yata yung pinakamasakit na joke ni Lord sa amin. Hindi nakatatawa at sa sobrang pag-iyak mo, yung tearglands mo na yung susuko. Habang umiiyak ka, ang dami mong naaalala pero nablablanko ka dahil alam mong hindi na yun mauulit, na wala ng second chance kahit na magdasal ka buong buhay mo. Na kahit na makiramay ang buong mundo, hindi nababawasan yung sakit na nararamdaman mo. Hindi gumagaan yung hinagpis mo; hindi nawawala yung luha sa mga mata mo.

Alam kong hindi lang ako ang nakararanas ng ganito at alam kong hindi ako ang may pinakamasaklap na pighati sa mundo pero ‘di maikakaila na hindi nito nababawasan yung sakit kahit na mahigit isang dekada na siyang wala. Iyak pa rin ako ng iyak kapag may nagpapaalala sa kanya sa akin.

Kinaiinggitan ko yung mga taong andyan pa ang mga tatay nila. Napakasuwerte nila dahil mayroon silang tagapagtanggol. May bubugbog sa nang-aapi sa kanila, may takbuhan kapag kailangan ng resbak at may kamay na gagabay at sasalo sakanila kapag ‘di na nila kaya.

Pa, kailan ka ba ulit uuwi? Alam kong hindi na… pero nami-miss pa rin kita.

author: PirmaAtPluma

p.e./kf