The Purúntong family pose for a portrait, circa 1975) (From top left: Matutína and Dely Atay-Atayan; bottom l-r: Maricel Soriano, Dolphy, Nida Blanca, and Rolly Quizon) (Photo credit: Wikipedia)

Napanood ko ang tribute program para kay Mang Dolphy (The King of Comedy) kanina. Mga ilang minuto lang ang nakalipas, at bago pa ko magkulong sa kwarto kung saan namumutakte ang lamok at mga gamit na hindi nagagamit, para ilabas ang kalungkutan at pag-apaw ng puso ko sa pagluluksa, ay nagpasya akong sumulat… Sumulat nitong note…

Hindi man ganoon kagarbo ang approach ko sa aking pagsusulat, pero naisip ko pa rin, na kung may maihahandog man lamang ako (heto na naman ang luha kong nais pumatak kanina pa…) ay ang pasasalamat (tumutulo na ang sipon ko sa oras na ito) sa Diyos na isang taong hindi ko man nakita ng personal, ay naging malaking parte ng buhay ko (sa oras na ito ay tumayo ako at nagtungo sa kuwarto ko upang punasan ang luha ko) bilang isang Pilipino…

Ako ay nagluluksa dahil sa pagkawala ng isa sa mga haligi ng entertainment industry. Pero ako din ay nagpapasalamat sa Diyos at biniyayaan N’ya tayo ng isang hari ng komedya upang sa mga panahong tayo ay nagpupumilit na umahon sa kalungkutan at kahirapan ay mayroon tayong dahilan upang tumawa at iwanan sandali ang kalungkutang nadarama…

Sa tuwing maaalala mo si Mang Dolphy, maaalala mo ang mga eksena, ang tawa niya, ang boses niya habang kinakanta niya ang kantang “Tatanda at lilipas din ako…”, ang mga maliligayang panahon na iyon na ibinigay niya sa pamamagitan lamang ng kanyang pagpapatawa. At naku, kay sarap talaga sa pakiramdam kapag ang isang bagay (at sa ating sitwasyon ay isang tao) ang nakapagpapaalis ng kalungkutan na dala-dala natin dahil sa hinampas na naman ng pinulupot na diyaryo ni Mang Pidol si Panchito.

Nakakapanghinayang. Pero hindi rin natin magawang patagalin ang ating kalungkutan dahil alam nating si Mang Dolphy ay hindi naman din ganoon ang approach sa buhay. Alam natin na sa bawat bigat ay may nakahanda siyang punchline na magiging handlang sa pagtagal ng kalungkutan…

May narinig akong isang celebrity na ang sinabi niya ay parang EDSA si Mang Dolphy na hindi malilimutan ng mga Pilipino…sa akin, parang isang panaginip si Mang Dolphy. Isang magandang panaginip na kailanman ay hindi ko malilumutan at hindi ko susubukang malimutan…

author:   persisness

p.e./kf

Unedited

Enhanced by Zemanta