Eros  Book   (Photo Credit:    Visprintpub.blogspot)

It’s Not That Complicated Eros Atalia (Photo Credit: Visprintpub.blogspot)

Isang dahilan kung bakit masasabi ko na buhay pa rin ang “BEST SELLER” ng Panitikang Filipino ay dahil sa isang manunulat na “Seryosong maging hindi seryoso”. Patuloy akong humahanga sa mga libro ni Sir Eros Atalia dahil sa husay nitong mapukaw ang atensiyon ng mambabasa. Hanga ako sa kakulitan at paraan niya ng pagkukuwento.

Punong-puno ng kapilyuhan at kakulitan pero may kinahinatnan ang mga tauhan. Kung nabitin kayo sa istorya ni Intoy at Jen sa LIGO NA U, LAPIT NA ME. Tiyak na hindi kayo mabigo sa bago niyang librong IT’S NOT THAT COMPLICATED: BAKIT HINDI PA SASAKUPIN NG MGA ALIEN ANG DAIGDIG SA 2012.

Katunayan, mas inuna ko pa nga itong basahin kaysa sa FIFTY SHADES OF GREY Trilogy ni E L James. (Erotic tale-fan-fiction-inspired). Ito ang “Best Seller” ngayon sa U.S. pero siyempre doon na muna ako sa panulat ng aking naging guro (pwera bola!)

Kung sa Forrest gump movie “Life is like a box of chocolate, You never know what you gonna get”, kay Eros Atalia iba “Life is like a can of fruit cocktail. If you don’t like any of the fruit, at least you still have the syrup, Not good enough? Well the tin can is still recyclable. Malaya tayong makakapili ng gustuhin nating unahin gaya ng pagpili kong mas unahing basahin si Eros Atalia kaysa kay E L James na parehong “BEST SELLER” at “Erotic tale writer”.

Ang IT’S NOT THAT COMPLICATED ang huling installment ng Intoy series. Si Karl/Dude/Intoy ay niyanig ng dalwang alien sa katauhan ni Tina ang kanyang boss sa trabaho at ang nagbabalik na si Jen. Kung matatandaan natin na basta na lamang itong naglahong parang bula sa Ligo na U, Lapit na Me. Sinakop nila ang daigdig ni Intoy ng hindi inaasahan. Maliban sa kanila ay mayroon pang mga bagong tauhan gaya nina Benson (baliw o pilosopo?) Mang Andoy (walang Diyos o Natrauma lang?), Mang Pedro at ang kanyang bulag na pagtinging sa manok.

Sabi sa kanta ni Avril Lavigne “Why you’d have to go and make things so complicated?” Sa kaso ni Intoy mukhang mapapaisip ka kung simple, complicated or not that complicated talaga.  Akala natin tumigil na ang mundo ni Intoy nang mawala si Jen. Ang totoo nasakaibuturan pa rin ito nang kanyang isipan. Inakala ni Intoy na si Tina ang bagong pagbangon sa pagkakadapa niya sa kanyang nasawing pag-ibig sa nauna. Matalino, Maganda, Maalindog at Mataray iyan ang mga katangian na akala niyang magiging bagong simula niya ngunit may twist pala!

Naalala ko tuloy ang Oscar nominated na pelikulang “The Kids Are All Right” isang comedy-drama noong 2010. Ito ay tungkol sa Lesbian couple na si Nic ( played by Anette Bening) at Jules ( played by Julian Moore) na may third wheel na sperm donor, si Paul (played by Mark Ruffalo).  May pagkakahawig sa scenario ng relasyong Tina, Jen at Intoy. Dahil sa gusto niya si Tina at mahal niya si Jen kaya pumayag na rin si Intoy sa gusto nitong mamgayari, ang maging ama ng kanilang magiging anak.

Heto ang nagustuhan ko sa libro:

Mahusay ang pagkakasalaysay ng istorya. Magaan basahin at kUwela. May mga detalyeng Filipino gaya ng mga kaugalian, tradisyon at kulturang Pinoy. Masining ang pagkakalahad at pinakanagustuhan ko ang sentimode/reflection ni Intoy na “Siguro ganito talaga ang buhay. May mga taong dumarating at umaalis nang walang paalam. Hindi mo alam kung saan nanggaling at san papunta. Siguro sa lansangan ng pag-ibig, sapat na yung minsan ay nagkasabay o nakasalubong mo ang isang tao sa daan, pasalamat na lang at kahit minsan, nagtapat o nagpantay ang inyong mga hakbang”. Kaya It’s not really complicated. Para kay Intoy, tuloy ang buhay at hindi dapat mabuhay sa nakaraan o tumanaw na lang sa hinaharap, bagkus mamuhay sa kasalukauyan.

Hindi pa talaga sasakupin ng alien ang daigdig sa daming problema dito. Sila mismo alam ang kaguluhan ng mga tao at ang dami ng suliranin na kailangang bigyan ng solusyon. So why do they even bother?

Sa huli napaisip lamang ako. Paano kaya tatanggapin ni Intoy ang panibagong impormasyon na kanyang napag-alaman sa facebook private message ng lesbo couple, na ganap na siyang ama? Hudyat na naman kaya ito ng muling pagdalaw ng mga alien sa kanyang mundo? Ang tanong magpapasakop ba siya o siya na ang sasakop sa pagkakataong ito? Palaisipan sa akin ito.

author:   maningning

p.e./mj