Destiny (Photo credit: blogspot)

Destiny (Photo credit: blogspot)

Hindi mo malalaman ang mangyayari kinabukasan dahil sa isang sigundo lamang ay nagbabago na ang takbo ng buhay ng isang nilalang“.

Tawagin niyo na lang ako sa pangalang Inay Viña. Matanda na ako ngayon. Apat sa anim kong anak ay kagaya ng ilan sa inyo, sila ay OFW. Ang ikukuwento ko sa inyo ay ang naging karanasan ko sa buhay pag-ibig na ikinuwento ko sa aking mga apo.

Walo kaming magkakapatid. Lima ang babae at tatlong lalaki. Noong ako ay nasa kabataan pa, mayroon akong matalik na kaibigan. Ang pangalan nyia ay Rufino. Mula pa ng maliliit pa lang kami, pinagtatambal na kami ng aming mga magulang. Ngunit sadyang kaibigan lang ang turing ko sa kanya. Nag-edad ako at sa edad na dise-otso nang magsimula akong m’in-love sa isang lalaki na kapit-barangay namin, siya si Moming. Ngunit wala ni isa ang nakaaalam sa aming relasyon kundi kaming dalawa lang. Lihim man ang aming pagkikita, nagagawa naming masaya ang bawat sandali namin “Ikaw ang gusto kong makasama hanggang sa huli kong hininga“, yan ang katagang labis na nagpapakilig sa akin. Akala ko aynsiya na talaga. Ngunit sinubok ang aming pagmamahalan ng mga pangyayari na ‘di namin inaasahan.

Kasagsagan ng World War ll, boluntaryong pumunta ng Bataan si Moming dahil doon ang training nila sa pagka-sundalo. Masama man ang loob ko ay wala akong nagawa at hindi ko siya napigilan. Wala na akong naging balita mula ng lisanin niya ang kanilang lugar. Tanging dasal ko lang na nawa ay iligtas siya sa kapahamakan. Lumipas ang dalawang taon ngunit sadya yatang ako’y nalimot na ng aking kasintahan.

Nag-edad ako ng bente anyos nang malaman kong may pagtingin ang matalik kong kaibigan sa akin. Ngunit hindi niya nagawang ipagtapat sa akin kaya ginamit niya ang tulong ng kanyang mga magulang. Laking gulat ko ng bigla na lang namanhikan sila sa amin. Dahil sa kapanahunan namin, bawal ang kumontra sa desisyon ng aming mga magulang kaya naiplano ang arranged marriage. Labag man sa kalooban ko, tinanggap ko ang pamamanhikan ng aking matalik na kaibigan. Pagkatapos nun, pinagtapat ko sa kanya ang tungkol kay Moming na labis niyang ikinagulat. Makaraan ng dalawang buwan, nalaman ko na lang na umalis si Rufino papuntang Davao sa tito niya sa di ko malamang kadahilanan. Pinag-usapan kami sa aming buong barangay dahil nga sa ako ay ikakasal na dapat. Hiyang-hiya ang aking mga magulang lalo ang aking ama na siyang unang kapitan sa aming lugar.

Lumipas ang tatlong taon, nakilala ko si Justiniano. Sa simbahan sa lugar namin, doon ko sya unang nakita. Boy sa gilingan ng palay sa lungsod, doon siya nagtatrabaho. Hinatid niya ako sa bahay at ‘yun na ang umpisa. Mga ilang buwan lang, hindi ko man siya kasintahan ay namanhikan siya. Kasama ang mga amo niya na tumayong kanyang mga magulang, kinuha nya ang kamay ko sa aking ama. Dahil sa nakikitang determinasyon kay Justiniano, napapayag nito ang pihikan kong ama. Lumipas pa ang ilang buwan, ako’y kinasal sa kanya.

Tumira kami sa bukid. Biniyayaan kami ng pitong anak subalit ang ikalawa ay namatay noong ito’y sampung buwan pa lamang. Mabait ang aking asawa pero lasenggero. Magkaganun man, ‘di kami nya pinabayaan. Bumalik lang kami sa lugar ng aking ama nang kami ay masunugan. Doon ko nalaman na bumalik na si Moming pagkalipas ng dalawampu’t tatlong taon na wala akong naging balita sa kanya. Naging magka-barangay kami pati ng asawa at pitong anak nya. Maayos naman ang pakikitungo nila. Ang mga anak niya at mga anak ko ay naging magkakaibigan din. Pagkalipas ng tatlong taon, isang trahedya ang nangyari…

Magaling magluto ng putahe ang asawa ko kaya siya ang nakuha sa kasal ng pamangkin ko bilang cook. Lasing siya at kinabukasan ay nabalitaan naming namatay siya. May haka-haka na siya ay nilason. Napakahirap sa akin dahil wala na akong magiging katuwang sa pagpapalaki ng mga anak ko. Pagkalipas naman ng mahigit isang taon, namatay naman ang asawa ni Moming sa sakit na leukemia.

Ang kapalaran nga naman ng tao, sa dalawampu’t anim na taon ng pagkakawalay sa dating kasintahan, ako’y kanyang niligawan ulit dahil kami naman ay kapwa naging balo. Naging usap-usapan man kami dahil sa aming edad, hindi yun naging hadlang para hindi naman pagbigyan ang naudlot naming pagmamahalan noon. Sinagot ko siya na para bang bumalik kami sa dating panahon na kami ay lovers. At ako’y ikinasal sa ikalawang pagkakataon.

Doon kami tumira sa bahay ko. Ang aking mga anak at kanyang mga anak ay parang aso’t pusa sa munti naming tahanan. Maraming pagsubok na akala ko ay ‘di namin malalampasan pero ‘di kami sumuko. Naging masaya naman ako sa piling niya. Umabot ng sampung taon ang pagsasama namin hanggang sa araw na ako’y kanyang nilisan. Hindi man ako ang unang pamilya niya, tinupad niya pa rin ang sinabi nyang “Ikaw ang gusto kong makasama hanggang sa huli kong hininga” dahil ng mamatay siya, ako’y nasa kanyang tabi at hawak niya ang aking kamay. Masakit man ang kanyang paglisan ngunit tinitiyak ko na dito sa puso ko ay mananatili ang kanyang presensya.

At umaasa ako na sa kabilang buhay kami ay magsasama at ako’y kanyang aantayin. Mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas pero sariwa pa rin sa aking alaala ang kuwento ng aking buhay pag-ibig sa lalaking aking minahal noon. Nagpapasalamat ako dahil sa kabila ng lahat, nakapiling ko siya. Ako, higit kanino man, ay magpapatotoo sa inyo na ‘di sumasablay ang tinatawag na destiny.

author:Ma Joy Clarizza Alberio

p.e./kf