“Basta, wag kayong titingin sa camera. Galaw lang kayo kung saan kayo normal na pupunta, kung ano yung normal na ginagawa nyo. Basta susunod lang kami, wag ninyo kaming intindihin, basta pupunta kami kung saan kayo pupunta ha?”, medyo mahaba kong paliwanag.

Tumango naman sila. Isang batang lalaki at isang babae na kaedad lang namin. Mabaho sila, yun ang totoo, amoy itlog na bulok. Maiitim ang mahabang kuko, malagkit ang buhol-buhol na buhok, madumi, madungis, punong-puno ng grasa. Sa unang tingin, ididikta ng isip mong isipin na magkapatid sila, dahil lagi silang magkasama. Sa karamihan marahil, tatawagin silang taong-grasa, sa iba palaboy, basurero, sa karamihan tawag natin sa kanila pulubi. Sa ngayon, kailangan naming malaman kung ano ang buhay nila.

 Yung batang lalaki ang nakausap kong una, madalas ko siyang makita na palaboy-laboy sa isang park malapit sa school na pinasukan ko nung high school. Madalas siyang mamulot ng basura, mga bote ng C2, lata ng softdrinks in can, minsan kahit styro. Una ko siyang nakita ng tinanong niya kung pwede bang akin na lang yung bote ng C2 pagkaubos. Tinanong ko kung anong gagawin niya, alam kong obvious na ibebenta, pero naawa kasi ako sa bata, kaya sinubukan ko pa siyang kausapin. Mukha naman siyang mabait, naupos siya malapit sa inuupuan ko. Sabi nya ibebenta nga daw niya, para daw may makain sila. Usual na tanong, tinanong ko yung magulang niya, yung kapatid niya, yung pag-aaral. Naawa ako sa bata, nagkataon talaga na napunta siya sa hindi ganun kagandang sitwasyon. Nang maubos ko yung C2, sabi ko intayin niya ko sandali, binilan ko siya ng isang boteng C2 at maliit na siopao. Ngumiti siya at nagpasalamat.

 Ngayon nga, pagkatapos ng ilang taon, nagkita ulit kami, kailangan kasi naming gumawa ng documentary tungkol sa buhay ng tinatawag nating “pulubi” para sa isang subject sa curriculum namin. Sabi ng instructor ko, “you will understand a tree if you become a tree”, kaya para mas maintindihan yung buhay nila, naisip ko na documentary ang gawin kaysa tipikal na report.

 “Saan ba tayo unang pupunta, tolits?” tanong ng kasama ko. Hindi Tolits ang pangalan niya, hindi nga namin alam, pero binigyan na lang namin siya ng palayaw. Lima kami sa grupo, yung kasama ko ang may hawak ng camera, palihim niyang kinukunan yung galaw ng dalawang basurero.  Balak naming maghiwa-hiwalay at kumalat sa paligid nila sa oras na kukuhanan na namin sila ng video.

 “Ganitong oras po, mangungulekta muna ako ng mga bote dun sa park.” Tumango ako, nagsimula na yung dalawang maglakad, sumunod na kami.

 Ilang oras na namin silang tinitingnan. Kinakabahan ako kaya di ko inaalis yung tingin sa kanila habang nasa malayo ako. Wala namang pumapansin dun sa dalawa, karamihan titingin lang kapag nakitang kinakalkal nila yung basura. Walang hihinto para alamin kung anong ginagawa nila. Di ko tuloy alam kung maganda ba yun o pangit, walang pumapansin dahil takot sila na baka saktan sila nung dalawa, o walang pumapansin kasi wala silang pakialam. Maya-maya, nakakita kami ng dalawa kabataan na lalaki, may bitbit itong sako at mabilis na sumusugod sa kinaroroonan nila Tolits. Mabilis nila hinila yung babaeng kasama ni Tolits, habang si Tolits ay tinulak ng walang abog kaya bumagsak sa tabi ng mga nakasakong basura.

 Nagulat kami, natingin ako sa dalawang kasama ko. Tumango ako at lumapit sa dalawa, habang yung isa ay patuloy na nagvideo sa medyo malayo. Tinanong namin kung anong problema, sabi nung dalawang kabataan, sa kanila daw yung lugar na yun. Nang-aagaw daw sila Tolits. Sabi ni Tolits, hindi daw totoo, matagal na daw siyang namumulot sa lugar na yun. Nang akmang susugudin ng dalawang bata si Tolits, pinigil ko yung dalawa at sinabing aalis na yung dalawa. Di pa kami pinaalis at kinuha yung mga napulot na bote nila Tolits, kahit na yung di nakuha sa sinasabing teritoryo nila. Nangilid yung luha ni Tolits, sabi ko hayaan na niya.

 Bago kami lumipat, kinausap muna namin yung dalawa habang nakavideo. Tinanong namin sila nung ibang bagay.

“Anong naramdaman nyo kanina nung sinugod nila kayo?” tanong ko sa kanya. Nangingilid din yung luha nung babae. Si Tolits, tumigil na sa pag-iyak.

 “Natakot. Kahit naman siguro matatakot, kaya nilang manakit para lang sa ilang pirasong plastic.” sabi ng babae. Tumingin ako kay Tolits.

 “Hindi ako natakot. Mas nagalit ako, ilang araw na kasi nilang inaagaw yung nakukuha ko” medyo nanginginig pa yung boses ni Tolits.

 “Gaano ba kahalaga sa ’yo yung mga basyo ng C2? Napansin ko kasi napansin ko kasi handa kang makipag-away para sa botetanong ko ulit kay Tolits.

“Sobrang halaga. Doon nakasalalay buhay ng pamilya ko. Dahil yun lang ang dahilan para makabili ako ng bigas.

 Natahimik kaming lahat. Noon ko narealize na yung basurang itinatapon ko pala ay dahilan na para mabuhay ang iba. Alam ko naman yun, nakikita ko naman na pinupulot talaga ito ng iba, peo iba pala ang pakiramdam kapag nakikita mo ito nang malapitan.

Sumunod naming ginawa ay isang eksperimento. Tinanong namin si Tolits kung nasubukan na niyang mamalimos. Tumango yung bata at sinabi na kapag daw hapon na at wala talaga siyang napulot na maibebenta, namamalimos siya. Tinanong ko kung may nagbibigay, sabi niya, mayroon naman daw. Sabi ko, subukan niyang mamalimos. Pumayag naman yung dalawa. Nakarating kami sa palengke.

 Ilang minuto kaming sumunod sa kanilang dalawa. Sabay silang namamalimos. Karamihan nagbibigay, pero kapag kinakalabit sila, humihiyaw ng malakas, may nagmumura, yung isang mama binatukan pa nga si Tolits nung kinalabit niya para mamalimos. May isang babae na nag-abot ng tinapay kay tolits, may lalaki namang nagbigay ng bente pesos sa kasamang babae niya. Pero ang pinakatumatak sa amin eh yung ale na malakas na sumigaw.

“Ano ba naman kayo! Wala ba kayong mga magulang! Ang tatanda nyo na ah, pumasok kayong katulong. Ikaw bata eh magtinda ka. Abay magbanat kayo ng buto, hingi kayo ng hingi. Sarap ng buhay nyo ah, namumulot lang kayong pera!”

Tumalikod na lang yung dalawa. Tahimik yung ibang nasa paligid nila, yung iba tumatawa. Muli, pinakiramdaman ko yung sarili ko, ano nga ba ang gagawin ko o ginagawa ko kapag may lumalapit sa akin para mamalimos. Nang makalayo na kami sa karamihan ng tao, kinausap ulit namin sila.

 “Anong naramdaman nyo nung namamalimos kayo?”

“Sa una po nahihiya, alam ko naman po kasi na hindi lahat maiintindihan yung kalagayan namin.” Sabi ni Tolits.

 “Naiiyak, yun ang totoo. Kanina parang madudurog na ko nung sinisigawan ng babae. Para kasing nung oras na namalimos kami, nabili na niya yung pagkatao namin.” Sabi naman nung kasama niyang babae.

 “Totoo po yun. Minsan po nanliliit talaga ko, pero wala kasi ako magawa. Sinasabi nila maghanap daw ako ng trabaho, wala naman magtiwala sa akin kasi dhini po ako marunong bumasa at sumulat. Di po ako nakapag-aral. Kaya kahit araw-araw ako nasisigawan, bumabalik pa din ako sa pamamasura o kaya sa pamamalimos”, dugtong pa ni Tolits.

Namalimos pa sila ng ilang minuto, at bago magtanghalian, nakakuha sila dalawa ng trenta pesos. Bilang panghuling social experiment namin, sinabihan namin sila na subukang ibili ng tanghalian yung nakuha nilang pera. Ayaw pa nga ni Tolits, sabi niya, pambili daw nila mamaya ng bigas yun. Sabi namin, ‘wag siya mag-alala, pasasalubungan namin ng masarap na pagkain ang pamilya niya. Ngumiti yung bata, at pumayag na. Naglakad-lakad sila sa kahabaan ng kalsada habang nakasunod kami. Sinimulan nilang tumapat sa mga tindahan.

 Tulad ng dapat asahan, hindi pa sila nakakapamili ng bibilhin, tinataboy na sila. May mama pa nga na lumabas at may dalang pamalo, sumigaw na, “mga tarantado kayong yagit kayo ha, magnanakaw na naman kayo dito!!!”. Tumakbo na lang yung dalawa habang nakasunod kami. Isang tindahan, dalawa, tatlo. Hindi pa sila nakakapimili ng bibilin, tinataboy na, parang mga galising aso na makakahawa pag nadikit sa kanila. May babae pa nga na isinara ng literal ang tindahan.

 Hanggang makarating sila sa isang tindahan na may matandang babae. Tinanong sila kung anong gusto nila. Maliit lang ang tindahan, hindi nga kalabisang sabihin na kung may 300 pesos ka, mabibili mo na lahat ng tinda ni lola. Lumapit ako at kunyari ay bumili ng softdrinks, kasama ko yung isang kaklase namin na may hawak ng video cam. Walang kaalam-alam si lola na may camera kaming dala.

 “Eto lang bang biscuit? Wala na kayong gusto?” tanong ni lola, tumango naman yung dalawa.

“Magkano po?”

 “Dose lang, teka, ‘di ba kayo bibili ng inumin?”, umiling yung dalawa. “Kulang ba yung pera n’yo? Teka lang sandali…..”. Habang kunyari kaming umiinom ng softdrinks sa gilid ng tindahan ni lola, nakita namin na lumapit siya sa ice box at nagbukas ng dalawang maliit na softdrinks. Limang piraso lang yata yung tinda ng matanda na softdrinks, binawasan pa niya ng dalawa.

 “Eto oh, inumin n’yo ha, wag n’yo nang bayaran. Ok lang. Mukhang hindi pa kayo nagtatanghalian.” Umiiling yung babaeng kasama ni Tolits, pero mapilit si lola. Nakangiti pa ito at sinesenyasan na lumakad na yung dalawa. Napilitan yung dalawa na kunin. Nang makaalis yung dalawa, kinausap namin yung matanda.

“Lola, kabait nyo naman po, nilibre n’yo pa yung dalawa?” tanong ko.

 “Naku, hindi naman. Naawa kasi ako dun sa bata, lalo dun sa babae. Mukhang hirap na hirap na.” nakangiti yung matanda.

 “May kinikita pa ba kayo, lola? Binibigay n’yo yata sa mga bata yung tinda n’yo?” tanong ng kasama ko.

  “Hindi naman ako nakakaluwag, sapat lang sa akin yung kinikita ko. Pero, di ko kasi natitiis yung kagaya nila na hindi gaanong pinagpala. Tumutulong ako sa abot ng makakaya ko, maliit man, may bilang pa din naman ito. Kahit paano, may nagawa ako para sa iba kahit maliit lang.”

Tandang-tanda ko yung sinabi ng matanda. Kung miyembro lang ako ng programa ng GMA 7 na “Wish ko lang”, baka ipinagkaloob ko na lahat ng klase ng “showcase” kay lola.

 Bilang panghuli naming social experiment ng araw na yun, susubukan naming pumasok sa isang fast food. Pumuwesto kami sa malayo habang yung dalawa ay naghahanda nang pumasok. Binigyan pa namin sila ng dagdag na pera, para ipakita sa guard na may pera sila kung sakaling sisitahin sila. Tatlong sikat na fastfood ang pinuntahan namin. Sa dalawa hindi sila nakapasok, katwiran ng guard, manggugulo lang daw sila. Sabi pa, maligo daw muna sila. Pinipilit sana nung dalawa, sabi nila may pera naman sila, pero ayaw talaga.

 Yung isang fastfood chain, pinapasok sila, pero maya-maya, bigla silang binitbit palabas. Umiiyak na yung babae, nasaktan daw siya sa paghila ng guard. Naawa kami sa dalawa kaya lumapit na kami, at tinanong kung bakit naman binitbit palabas yung dalawa na pinapasok naman nila kanina. Sabi, nanggugulo daw sa loob, pero kitang-kita naman namin na nakaupo lang sila, nag-uusap kung ano ang orderin nila. Ang nakita naming dahilan, may isang babaeng lumapit sa manager ng fastfood chain at tila galit na itinuro yung dalawa. Kaya binitbit sila ng guard at crew nang walang sabi-sabi. Naialis namin yung dalawa,  umiiyak pa din yung babae habang inaalo ng kasama namin.

Muli, nang panahon na yun, nag-isip ako, ano nga bang reaksyon ko kapag nakakita ng maduming tao sa loob ng food chain na kinakainan ko. Habang kumakagat ako ng burger o nagsasawsaw ng french fries, kampante ba ako. Siguro nga hindi, hindi ako ipokrito, ganun nga ako, hindi ako napapakali. Pero nang napanood ko na ito na ginawa ng ibang tao, iba nga pala. Iba.

 Nang tumahan yung babae, nagpasya na kaming umuwi kila Tolits. Sabi namin, pasasalubungan namin yung pamilya niya. Bumili kami ng tatlong letsong manok. Yung dalawa dinala namin kay Tolits para pagsaluhan. Nakita namin yung bahay nila Tolits, nasa gilid ng irrigation malapit sa terminal ng bus at jeep. Gawa sa kawayan at tagpi-tagping sako. Madami silang katabing bahay na ganun din ang yari at materyales na ginamit. Pinatuloy kami ng nanay ni Tolits na parang kasingpayat ng kawayan sa hagdan nila. Hiyang-hiya ito at abot ang alis ng mga nakakalat na mga damit. Nakahiga ang tatay niya sa isang sulok ng bahay nila. Sabi ng nanay nya, nabundol daw ito isang taon na ang nakakaraan at nabaldado. May dalawang kapatid si Tolits, dalawang musmos na babae. Pinaliwanag namin kung bakit namin kasama si Tolits, naintindihan naman ng nanay nya.

 Nilabas namin yung dala namin at kumain kasabay nila. Sabi namin, wag silang mahiya, kami pa nga ang dapat mahiya dahil nanghimasok kami sa bahay nila. Tuwang-tuwa yung kapatid niya. Kahit yung tatay niya ay nakakin daw ng maayos. Ilang minuto pa kaming nagkwentuhan, totoong – totoo yung tawa at ngiti na binibigay nila. Ilang sandali pa, naiyak na yung nanay ni Tolits, gusto daw niyang pag-aralin yung anak niya, kaso wala siyang magawa. Bago kami magpaalam, tinanong muna namin yung naramdaman nila kanina nung binitbit sila palabas ng fastfood chain.

 “Parang, nagalit po, kasi may pera naman kami. Pero wala kasi yatang bilang yung galit namin. Kasi ganito lang kami, sabi nga ng guard, sa carinderia na lang daw kami kumain para tipid. Nasasanay naman na po ako na sinisgawan, siguro ganun talaga yung trato sa amin” sabi ng bata.

 “Parang wala kaming kwenta. Basura. Yun siguro yung tingin sa amin, kaya walang abog na lang kami na binitbit palabas. Kahit pa may pambayad kami, kahit pa hindi naman kami magnanakaw. Dahil siguro nabubuhay kami sa basura, yun na din ang tingin sa amin,” sabi nung babae.

 Maya-maya pa nagpaalam na kami. Medyo pagabi na din kaya nagpasya na kaming umuwi. Dumiretso kami sa boarding house ng isa naming kaklase para makaligo. Maghapon kami sa kalsada. Nang makabihis na, bumalik kami sa matandang nagbigay ng softdrinks kila Tolits kanina, dala yung isang lechong manok. Ngayon, di na anmin itinatago ang camera. Nang tumapat kami sa tindahan niya, takang-takang siya.

 “Ano ho bang kailangan nila?” tanong ni lola.

 “Lola, ako ho yung binigyan nyo ng softdrinks kanina. Yung may kasamang batang lalaki”, sabi ng kaklase ko.

 “Ikaw, eh madungis yung babaeng yun ah?” pagtataka ni lola.

 “Opo, nagpanggap lang po ako na kasama nung batang lalaki, ang totoo po, estudyante ko. Project po namin yung ginawa kanina. Navideohan nga po kayo eh” pagpapaliwanag ng kaklase ko.

 Lumuwag yung ngiti ni lola. Nang iabot namin yung isang lechon manok, ang luwang-luwang ng ngiti niya. Sabi namin, kulang pa yun sa kabutihang ipinakita niya. Nagpaalam kami kay lola na napakadaming natutunan.

Nung araw na yun, mas naintindihan namin ang mundo, kung paano ba yun umiinog sa buhay ng isang basurero. Bumilib ako sa kaklase ko, lahat nagawa niya. Pero ang mas nakakabilib, yung narinig ko galing sa kanya nung pauwi na kami sa bahay-bahay namin.

 “Minsan, ang dali nating maghusga sa kapwa natin. Paulit-ulit naman nang ginamit yung ‘don’t judge a book by its cover’, pero di pa din natuto ang tao. Kung balikan ko kaya yung guard na bumitbit sa akin at sabihin ko na ako yung parang basura na inilabas niya, ano kayang reaskyon niya? Lagi natin sinasabi, nawiwili lang ng paghingi ang mga namamalimos pag binigyan natin, pero totoo nga kaya na yun ang dahilan natin kaya hindi tayo nagbibigay? May mga taong handang tumulong, wala sa laki o sa liit ang timbangan nito. Minsan, may mga paraan para makatulong, wag sana tayong humawak sa bulag na rason na hindi tayo nakakatulong. Dahil may mga taong, walang bahid pagpapanggap, na nangangailangan talaga nito. Sana, minsan huwag puro isip ang gamitin ng tao. Sa dami ng matalino sa mundo, nakalimutan na nating maawa.”

author: mga-sulat-kamay

p.e./kf