image courtesy of http://definitelyfilipino.com/blog/wp-content/uploads/2012/07/538847_328991247166100_159270314138195_792924_1563506183_n1.jpg

Side ng Boys.

Babala: Ang mababasa n’yo po ay isang  akda na naglalaman ng napakasensitibong usapin at matitinding tirada. Wastong pang-unawa po ang kinakailangan.

And same goes sa mga babae. I mean, hindi rin lahat ng mga babae ay manloloko o kung ano pa man iyan na madalas na sinasabi ng iba. Mas nagfocus lang ako sa aspeto ng kalalakihan hindi dahil sa lalake po ang inyong lingkod, kundi mas napupuna kasi ang mga kalalakihan sa ganitong isyu. At hindi naman lahat ay kaya maging maboka. Echende?

Hay, naku. Sa kada pagkakataon na lang na nagbabasa ako ng mga posts sa news feeds ko sa Facebook, lagi na lang ang mga “patama-sa-lalakeng love quotes” na lang ang nakikita ko. Ang siste, pag nagbreak sila ng boyfriend niya (que pansamantala lang man yan o for good na nila) katakot-takot na sumpa na lang ang ibabato ng iilan sa kanila sa mga kalalakihan. Akala mo kung sinong malupit na ipinanganak sa mundo ang mga ‘to, e nadadala naman palagi ng bugso ng emosyon. Tsk.

Lalo na kapag sinabing “Pare-pareho lang naman ang mga lalaki e. Mga manloloko!”At minsan, sasabihin pa mismo sa harap mo yan. As in, “PARE-PAREHO LANG NAMAN KAYO E!”

Teka, teka, teka nga! Sigurado ka ba dyan sa sinasabi mo, ate? Kasi kapag sinabi mong manloloko, hindi ko alam kung joker ba yang okupasyon niya, kawatan sa lipunan o literal na niloko ka niya nung kayo pa. At sa totoo lang, sino ka ba para sabihin yan? Diyos ka ba para husgahan ang mga kapwa mo tao? Hindi naman, ‘di ba?

Alam ko na magtatatalak ang karamihan dyan at papayuhan na lang ako na manahimik na lang ako sa kinauupuan  ko dahil mahirap makipag-argumento sa mga ganitong klaseng usapan. E bago niyo ko birahin ng mga ganyan, bigyan niyo muna ako ng mga matitinding dahilan kung bakit ko dapat gawin yun, ano? Hindi sa pagiging ma-pride mga tsong at tsang, ha? Pero ang mali ay mananatiling mali  kahit ipangalandakan pa niya na tama lang na sabihin na ang mga lalake ay manloloko. Basta para sa akin, “hindi lahat ay ganyan!” Anak ng pating naman oh.

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO, ba e bakit? Hindi naman lahat ng mga lalake ay may trabaho ah. Oo, ba ang pagiging joker ay trabaho din ah kahit trip lang nila at hindi naman sila kumikita. At hindi naman lahat ng lalake ay mag kamag-anak na nagngangalang JOKER. Kung mas malalang pamimilospo pa ang usapan, e hindi naman talaga lahat ay joker.  Yun iba, Jack at King, pero tama na ang kakornihan, next.

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO, dahil hindi naman lahat ay mapagbiro, katulad ng inyong lingkod (napakaseryosong tao ko kaya, ‘no?). Lalo na sa aspeto ng pag-ibig, yung karamihan pa rin dyan e seryoso talaga kung magmahal. Hindi lang siguro halata.

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO, dahil yung iba kahit may kakayahan silang manloko ng babae (o sabihin na natin na kapwa tao na lang) e hindi nila gagawin yun. Pwedeng naniniwala sila sa karma o dahil sadyang maputi ang budhi nila.

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO, ba e bakit? Natikman mo na ba kami lahat? E ni anino mo nga nga hindi dumaplis sa paningin ko. At pambihira nga naman oh, paano ka makaktikim ng isa kung hindi mo pa naman labis na kikita, aber? Anong klaseng panghuhusga yan oh?! Kung paano magmahal ang isa sa amin? Ba, e di playgirl ka pala kung ganun. Mas malala, promiscuous pa kung sa kada lalaking pumapatol sa iyo e nakikipagtalik ka pa. May natitira pa ba sa iyo, kapatid?

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO, sadyang malas ka lang sa napili mo. OO NGA NAMAN. Choice mo naman kasi kung sino mamahalin mo d’yan? (May padestiny-destiny pa kayong nalalaman. Destiny your face!) e kung alam mo na mahilig man-tsiks yang lalakeng minahal mo at ikaw naman ay sobrang selosa, e bakit kasi yan pa ang pinili. At ‘wag mong sisisihin ang pag-ibig. Tanggapin mo na lang ang katotohan. Tanga ka nung panahon na iyun.

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO, hindi ka lang marunong pumili. Basta guwapo, papatusin mo, hindi mo naman gusto ang ugali. Tama nga naman, ba e, kung sa itsura lang ang basehan mo ng pagpili ng taong mamahalin mo, e… naku. Ingat na lang. Kilalalnin mo kasi yung tao bago mo mahalin ang anuman sa kanya. At kung ayaw mong lokohin ka, e ‘di magpakatino ka bilang relationship partner niya. Dahil magloloko lang naman ang lalake kung hindi na siya nauunawaan ng girlfriend niya. At para magkaintindihan kayong dalawa, siyempre, mag-usap kayo.

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO dahil yung ibang lalake, naloloko o ‘di naman kaya’y naloko. O sa madaling salita, MAY MGA BABAE DIN NA MANLOLOKO! OO, dahil sadyang may mga babae na mahilig lang din mang-gago ng kapwa tao, kaibigan o karelasyon. Ba, may mga babae din naman kaya na sadyang mahilig mangloko sa mga partners at ex-parteners nila no.  Tanggapin nyo yan. Masyado naman kayong bias sa panghuhusga kung kaming mga lalake lang ang sasabihan nyo ng “cheater” ano?

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO dahil yung iba, sobrang MANLOLOKO. Well, reality bites. Sadyang may mga lalaki din naman na ganyan pero wag naman sana ilahat, ano? Kawawa naman yung iba na napakatino (at nagpapakamartir pa nga minsan) sa kanilang pagmamahal. Ehem!

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO, yung karamihan lang sa kanila ang ganoon. Ba, e kung napaliligiran ka ng mga lalake na ganyan ang gawain sa buhay, e sa malamang talagang masasabi mo yan. Pero hindi lahat ng mga lalakeng taga-Maynila ay sumasalamin na sa mga kalalakihan as a whole. Try mong magmahal ng Bulakenyo, Ilokano, Bisaya, Ilonggo, Kano, Intsek, Australyano  o kung ano pang lahi yan at pustahan, kahit may magloko man diyan e magkakaiba pa rin sila bilang mga lalake.

HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO dahil sadyang tanga ka lang. Que tanga ka lang pumili o nagpapadala  ka kaagad sa paningin at emosyon mo (palibhasa bitter ka as of the moment), o hindi naman kaya ay NAGPALOKO KA KASI. Alalahanin mo, hindi lahat ng babae kapag nasaktan ay katulad mo kung magsalita. At pustahan, mayroon at mayroong isang tao (o mga tao) na magpapatunay sa iyo na mali ka sa panghuhusga mo. Maaaring isa ako dun, pero kung hindi ka pa rin kumbinsido e ayos lang, pero mayroon pa rin yan. Pagdating ng panahon.

Huwag kasi magpadala sa mga bugso ng emosyon. Isipin muna kung ano ang sasabihin. Alalahanin mo, walang maidudulot na maganda ang isang salita na produkto ng galit ng isang tao.

Alam kong nasaktan ka nang husto sa sinumang luko-lukong yan, pero hindi ibig sabihin nun e ganun na kami lahat. Easy lang, mars.

At iwas-iwasan mo ang maggeneralize. Dahil hindi lahat ng lalake ay magkakatulad. Si Juan ay si Juan, si Pedro ay si Pedro at hindi siya kailanman magiging katulad ni Juan kahit may mga magkakaparehong bagay sa kanilang dalawa.

Uulitin ko, talagang-talaga. Sa ayaw o sa gusto mo, HINDI LAHAT NG MGA LALAKE AY MANLOLOKO. Palag?

 

author: slick master; date and time: 06.04.2011, 03:31 pm

© 2012 september twenty-eight productions

p.e./kf