(Photo credit dorcenmm)

If I had my child to raise all over again,
I’d build self-esteem first, and the house later.
I’d finger-paint more, and point the finger less.
I would do less correcting and more connecting.
I’d take my eyes off my watch, and watch with my eyes.
I’d take more hikes and fly more kites.
I’d stop playing serious, and seriously play.
I would run through more fields and gaze at more stars.
I’d do more hugging and less tugging.

~Diane Loomans,

“Oo nga pala, malapit na pala ang birthday ng 3tatlong lalaking pinakamalalapit sa puso ko!”. 

Sa kabila ng aking sobrang pagkaabala sa pang araw- araw kong buhay at sa ibang bagay; hindi ko maaaring kalimutan ang nalalapit na mga mahahalagang araw ng tatlong lalaki sa aking buhay.  Ang mahal kong asawa, ang aking panganay at ang aking magli-limang taong gulang na anak.  Sa buwan ng Mayo, Hulyo at Hunyo.

Maraming plano kung ano ang lulutuin. Hindi puwede na wala kahit simple lang, dahil ito ay nakaugalian na.  Andiyan ‘yong ipaghanda kahit pansit, cake at may kasamang juice at softdrinks;  at siyempre mayroong ice cream pa.  Ang pansit, ‘di puwedeng mawala. Kasabihan ng matatanda na “longlife” daw ang meaning nito, at kapag niluto mo ito ay ‘wag na huwag puputulin.  Hmmm….wala naman mawawala kapag sinunod, di ba?

Ang bunso ko, number one fanatic ni Jollibee umpisa nang siya ay nagkaisip.  Laging mataas ang exam niya, dahil alam niya na ang premyo niya ay “fries at hamburger”. Mayroon pang hirit na sundae o ‘di kaya’y chicken joy. Siguro kung bangko lang ang jollibee, ang dami na siguro niyang savings.  Pero yong eldest ko, ayaw ng handa o Jollibee.   Kailangang ako na lamang ang magkusa kung ano ang aking ihahanda sa araw ng “birthday” niya.  Hindi kasi sanay, dahil noong bata pa siya at kasing edad ng bunso ko ngayon, wala pa akong pambili ng Jollibee.

Sobrang hirap pa kasi kaming mag-ina noon, ang suweldo ko P 125.00 isang araw.  Pinagkakasya ko lang para sa gatas niya na “Bearbrand”, diaper na “huggies, pamasahe ko at pangkain namin pati na rin upa sa yaya.  Salamat sa aking tiya at tiyo libre ang tirahan naming mag-ina sa isang bakanteng kuwarto nila.  Lumaki ang panganay ko na kuntento na siya kung ano ang kaya kong ibigay. Kabaliktaran nitong bunso ko, walang bukambibig kundi Jollibee, at ngayon ay nadagdagan pa! coke float ng Macdo!.  “Hayy….. naku, bakit ba kasi nauso si Bee at si Mac.

Ang hindi ko makalimutan bago dumating ang ika-limang taon gulang kaarawan ng bunso ko.  Hindi sumagi sa isip ko nang bigla kong marinig sa kanya,  “Mama, gusto ko sa squatter ako magbirthday”

“Bakit naman gusto mo doon?” 

“Kasi, mama, kawawa naman sila,  mahirap lang eh!”

“At paano mo naman nasabi na mahirap lang? Di ba, mahirap lang din tayo? 

“Kasi po, mama,  ‘yon bata don,  laging humihingi ng food sa tindahan natin”. At dagdag pa niyang sinabi, “Iyong bata po, mama, itatapon ‘yong basura natin sa tindahan.  Saka, mama, bibigyan siya ni ate Aiza ng bayad, five pesos”.

Nakikinig lang ako sa mga sinasabi niya,  habang kami ay nakahiga; at patuloy siya sa kanyang pagkukuwento.  “

Pero mama, ayaw niyang bigyan siya ng pera”. 

“Bakit”, ang tanong ko sa kanya. 

“Ang gusto niya kasi, mama, food na lang daw, kasi iuuwi po niya sa bahay nila.  Marami daw po kasi siyang sister eh.”

Napaisip ako bigla.  “Oo nga, anak, tingnan mo sila, walang makain; tapos ikaw, namimili ka ng kakainin”

“Hindi po, mama, siguro kasi walang pera ang mama at papa nila, walang work po”.  Patuloy pa niyang kuwento na pinakikinggan ko lamang kung gaano ba siya ka seryoso sa bagay na iyon.  “Kaya nga po, mama, doon na lang po ako magpakain sa squatter, bili tayo ng toys saka ballloons, saka luto ka pansit o  kaya, mama, spagheti”.

Sobra akong natuwa sa gesture ng anak ko,  at sabay paliwanag ko sa kanya; na ang mga batang iyon,  actually, ay hindi kawawa sana dahil mayroon pang mga magulang.  Napapabayaan nga lang ng magulang nila, kaya walang pagkain minsan o madalas pa nga.  Dahil maghapon nagsusugal sa kalye ang mga magulang, at abala din sa tsismisan; kung saan karaniwan nating nakikita sa mga squatters area.  Siguro, iyong iba, sadyang wala lang talagang makain na; dahil na rin sa kawalan ng trabaho ng magulang.

Ang nasabi ko na lang sa aking anak ay,  “Anak, kung gusto mo talaga mapasaya at magpakain ng totoong mahirap at kawawang mga bata,  dapat doon sa bahay ampunan”.  Dagdag na sinabi ko pa sa kanya, habang hinahawak-hawakan ‘nya ang aking buhok.  “Doon anak,  sila ‘yong mga batang walang magulang na nag-aalaga, iniwan o itinapon sa basurahan at kung saan man lugar.   Mayroong naawa na nakakita at nagmalasakit sa kanila,  at ito ay dinala sa bahay-ampunan”. 

At sinabi ko din sa kanya na, “O ‘di kaya,  ‘don tayo pumunta sa bahay-ampunan,  na mayroong mga kapansanan  ang mga bata”.  Naisip ko kasi, para makita niya kung gaano siya kasuwerte na ipinanganak ko siyang normal.  Kaya iyon ang hinalimbawa ko sa kanya na dapat naming puntahan.

Sumunod na mga araw, inumpisahan ko nang hanapin sa google ang kung alin ang malapit lang sa aming lugar.  Tatlo ang aking napili, ang isa ay sa Makati.  Pero naisip kong marami ang mga tumutulong doon, dahil mayaman ang lungsod ng Makati.  Sunod kong tinawagan ang isa pang institusyon, ngunit lumipat na pala ito.  Mayroon pa ulit, at sa aking pagtatanong, nalaman ko na eksakto sa aking sinabi na karamihan doon ay mayroong mga disabled children at mayroon may mga sakit din.  Napaisip ako, HIndi ako doon puwede, hindi ko kakayanin makita ang ganung sitwasyon ng mga bata.  Mahina ang dibdib ko sa mga ganun, lalo na mga bata ang makikita ko.  Makita ko nga lang iyong mga bata sa kalye na natutulog, naiiyak na ako. 

“Paano kung isa kami doon?   Paano kung isa sa mga batang iyon ay anak ko?”  Iniisip ko pa nga lang ay sumisikip na ang dibdib ko, paano na kaya kapag mismo dalawang mata ko, ang makasaksi sa kaawa-awang kalagayan ng mga bata.  HIndi ko kakayanin talaga!.  Hanap ako ulit, interbyu ko ulit ang namamahala.  Ayun,  dito na lang kami!  50 bata kasama na ang outsider na kinakalinga nila habang nasa trabaho ang mga magulang.  Sa pagkaalala ko nasa 20 ang inhouse nila, ibig sabihin nasa pangangalaga nila.  Umpisa 0 buwan hanggang bago mag-7 taong gulang.  Ayon sa kanila, kapag tumuntong na sa 7 taong gulang ito ay  turned- over na sa DSWD.

Excited na rin ako, sa unang pagkakataon, personal kami na makapagbabahagi ng kaunting blessings sa isang bahay-ampunan.  Dati ay ginagawa ko lamang sa mga bata at matanda na nasa kalye kapag aking nakikita.  Pagkain ang madalas kong iabot sa kanila.  Mahirap na kapag pera, baka ibili lang ng rugby ng magulang nila o mismo ng batang inabutan ko ng pera.  Namili ng mga mumurahing laruan, mga kendi at kung anu-ano pa.  Sinamahan ko na din ng isang sako ng bigas, mga diaper, sabong panlaba, biskwit, at kaunting grocery.  Natuwa ako ulit sa ginawa ng aking anak.  Lahat ng luma niyang sapatos na hindi na kasya at mga pinagliitang mga damit, ay kanya din itong itinabi at sinabi sa akin na gusto niya itong isama sa mga ibibigay niya.  Naging abala kaming mag-ina, kasama na din ang aking panganay na 16 taong gulang.  Tumulong ito sa pagbabalot ng mga ipamimigay namin sa araw ng pagpunta namin doon.

Dumating ang araw na iyon, excited kaming mag-ina, pati na rin ang aking isang kasamahan sa opisina; na ‘siyang magiging tagapamahala ng programa o mga palaro.  Dumating kami sa lugar na iyon.  Nagregister bilang isang panauhin na magcelebrate ng birthday doon. Isa-isang bumaba ang mga bata kasama ang in-house na tagapag-alaga nila.  Mga disiplinado, tahimik, pero mayroon mga ngiti sa labi.

Kinukurot na naman ang dibdib ko, pero hindi ako nagpatalo.  Inumpisahan na ang programa pagkatapos magpakilala sa isat-isa.  Excited! At nagulat ako sa aking anak, hawak ang micropono at siya ang nagsasalita kahit ito ay bulol.  Tumulong sa mga games, nakilaro at siya rin ang nagbibigay ng premyo.  Nakakatuwa, hindi ko maipaliwanag ang sayang naramdaman ko.  Mayroon din silang inihanda na mga sayaw para sa amin.  Oras ng kainan, masaya kong tinitignan ang aking dalawang anak.  Sobrang nag-eenjoy, pati na rin ang aking tatlo pang kasamahan.  Natapos ang hapon na iyon na wala kaming ibang naramdaman, kundi ang kakaibang saya.  At nakikita at nararamdaman ko iyon kapag tinitignan ko silang lahat.   Munti man ang dala namin pero sobrang pasasalamat pa rin ng mga namamahala doon.  Para sa kanila malaking tulong na ito para sa mga batang naroroon.

Noong nakaraang linggo, gusto ng anak ko sa Jollibee daw siya magbirthday.  Biglang nagbago, punta daw kami ulit sa bahay-ampunan.  Sabi ko naman, “ibahin naman natin ngayon, anak.  Puwede tayong magpakain sa mga batang squatter na malapit lamang dito”.  Pumayag naman siya. At malapit na ulit ang araw na ito, dalawang linggo na lang.

Minsan, sa buhay natin.  Lalo na tayo na dating dumaan din sa sobrang hirap ng buhay at nagkaroon ng pagkakataon na biyayaan nang kaunti.  Masarap sa pakiramdam na makapag- “share” tayo kung anuman ang mayroon tayo, iyong kaya lamang nating maibigay.  Hindi sa lahat ng oras ay kailangan natin ang “pera”  para tayo ay makatulong sa mga nangangailangan; o ‘di kaya sa ating kapwa.  Maraming paraan, tulad noon pangarap ko maging “social worker” para makatulong sa mga mahihirap lalo na iyong mga biktima ng sakuna.  Pero, kahit pala hindi natupad iyon, sa ibang paraan pala ako makakatulong sa aking kapwa. 

Tulad ng aking anak, sa mura niyang isip; namulat na siya sa kanyang nakikita sa kapaligiran niya.  At sana dalangin ko, hindi lamang dito magtatapos ang lahat, at dadalhin niya ito hanggang sa kanyang pagtanda. .. Ang makatulong sa kapwa at maging isang halimbawa sa isang tulad ko na kanyang ina at sa ibang kabataan na tulad niya.  Mura man ang pag-iisip niya, pero mulat ang kaisipan niya sa kanyang kapaligiran.

author:   dhors

p.e./mj

Enhanced by Zemanta