Emo-Love     (Photo Credit:    Fabionxe.blogspot)

Emo-Love (Photo Credit: Fabionxe.blogspot)

Paano mo masasabing mahal mo na ang isang tao?

Paano ko nga kaya nasabi na mahal ko na ang isang tao?

Nang dahil sa aking kababawan at sa laki ng aking “Curiosity” tungkol sa bagay na ito, eh talagang nag survey ako. Mga kaibigan, textmate, kapatid, kamag-anak — Lahat sila tinanong ko. At ang sagot ng ilan ay narito.

Paano mo nasasabing mahal mo na ang isang tao:

  • Kapag umiyak ka na nang dahil sa kanya?
  • Kapag hindi ka makatulog dahil siya lang ang iniisip mo?
  • Kapag napapangiti ka niya kahit na malungkot ka?
  • Kapag nasaktan ka niya pero tiniis mo ‘yon.
  • Kapag napatawad mo siya sa kabila ng napakalaking kasalanan na nagawa niya sa iyo?
  • Kapag nakagawa ka ng katangahan ng ang dahilan ay siya?
  • Kapag ibinigay mo na ang lahat lahat sa kanya maski ang sarili mong kaligayahan?
  • Kapag nariyan ka pa din para sa kanya kahit na nakalimutan ka na niya?
  • Kapag hindi mo na kayang magbiro sa kung ano man ang meron kayo.
  • Kapag tumigil ka na sa katatanong?

Yan yung mga sagot nila nung tinanong ko sila kung paano nila nasasabing mahal na nila ang isang tao. Maski sila hindi sigurado kasi halos lahat may question mark. Patanong lahat kung sumagot. Pero paano mo nga ba masasabing mahal mo na ang isang tao? Kapag ba nagawa mo na ang isa sa mga nasa itaas eh mahal mo na siya? Sigurado ka bang mahal na ang nararamdaman mo at hindi lang likha ng pansamantalang ugong ng damdamin?

“Mahal ko na yata siya…” palagi na lang nating sinasabi. Naririnig ko din sa mga kaibigan kong may lovelife. Eh paano ba malalaman? Bakit natin nasasabi na mahal na natin ang tao na iyon? Naguguluhan ako, sa totoo lang. Ako, tinanong ko din ang sarili ko tungkol sa bagay na iyon. Alam ko nagmahal na ako, pero hindi ko alam kung ‘pagmamahal’ na nga ba ang naramdaman ko. Pero kahit na hindi ako sigurado, narinig ko ang sarili kong sumagot sa tanong na sa akin mismo nanggaling.

“Siguro… Masasabi kong mahal ko na ang isang tao kapag hindi ako nawawalan ng pag-asa sa kanya at kapag alam kong masaya ako.  Yung tipong kahit na pakiramdam mo eh wala nang pag-asa, eh umaasa pa din ako at sa kabila ng kalungkutang ibinibigay niya sa akin ay nakakangiti pa din ako.”

Ang korni, naisip ko. Hindi ko alam kung saan nanggaling yung sagot ko na iyon. Ito siguro para sa akin ang pagmamahal. Yung tipong kapag naramdaman ko na ‘yon, masasabi kong mahal ko na siya. Isa pa, marami naman kasing klase ng pagmamahal hindi ba? Hindi din natin masasabi kung anong klase ito at kung para kanino, kung sobra-sobra na ba o sakto lang. Hindi mo din alam kung ano ang dahilan… Siguro, masabi mo man ang dahilan oh hindi, ang mahalaga nagmamahal ka. Huwag mo na lang itanong kung paano… at bakit. Kasi panigurado malilito ka lang. Katulad ko, kinontra ko lahat ng sinabi ko dito pagdating sa dulo.

author:   rizzamaruja

p.e./mj