Ako ay ina ng dalawang munting angel.  21years old ako ng unang mapadpad sa dayuhang bansa. Five months pa lang ang bunso ko at ang panganay naman ay three years old. Nasa eroplano pa lang ako, drum na ng luha ang naiyak ko. Tumutulo pa ang gatas sa dede ko, pero sumige pa rin ako, kailangan kong maka-abroad. Kailangan kong makalayo.

Isa sa pangunahing dahilan kaya gustong makipagsapalaran sa ibang bansa ng mga OFW ay dahil sa kahirapan. Pero sa istorya ko, pride ang naging rason kung bakit ako nangibang-bansa. Itago n’yo na lang ako sa pangalang Nene.

Mama’s boy ang asawa ko. Walang matinong trabaho dahil umaasa lang sa biyaya ng kanyang Ina. Kaka-graduate lang namin sa highschool nang itanan niya ako at nabuntis sa murang edad. Against man ang mama niya, napilitan pa rin siyang tanggapin ako lalo’t buntis nga ako that time. Pero ginawa niyang impyerno ang buhay ko.   Siya ang laging dahilan kung bakit lagi kaming nagtatalo ng asawa ko. Hindi naman ako makabalik sa amin dahil tinakwil ako ng papa ko at lalong hindi ko kayang bumukod dahil hindi papayag ang asawa ko.

Tiniis ko ang tatlong taon sa poder ng biyenan ko. Minsan ang pagtatalo namin ng asawa ko ay nauuwi sa sakitan..andiyan yung magka-black eye ako o ‘di kaya’y pumutok ang labi ko. Binalak kong lumayas, pero hindi ko magawa dahil sa anak ko at dahil wala din akong income. Kaya sabi ko sa sarili ko, gusto kong maka-abroad para di na ako maliitin ng biyenan ko. Kaya kahit illegal, nag-apply ako nang palihim para lang makaalis. Kahit kapapanganak ko pa lang sa bunso ko at nang ma-approbahan, wala nang dalawang isip na bumiyahe ako.

Lingid yun sa kaalaman ng asawa ko kaya nag-iwan na lang ako ng note na aalis na ako. Iniwan ko ang wedding ring ko at cellphone dahil takot ako na baka kumpiskahin ng magiging employer ko. Nakiusap ako sa pinsan ko na imonitor ang mga bata at sinabi kong susulatan ko na lang sila kung ako’y makarating na. Bitbit ang mga pangarap at pride ko, dumating ako sa bansang dayuhan na siyang naging pangalawang impiyerno ng buhay ko.

Mag-asawa ang naging employer ko, malalaki na ang mga anak nila na naka-base sa America. Matanda na ang lalaki, nag-retiro na at bingi. Ang babae naman ay ubod ng taba at parang dragon ang bunganga. Unang araw pa lang ako sa bahay nila, lasap ko na ang ka-demonyohan ng babae kong amo. Ni hindi pa nga ako tinatanong kung nakakain na ba ako, pinalinis niya agad ang buong kusina na parang nanikit na ang dumi sa tagal ng panahong walang naglilinis.

Hating gabi na nang matapos ako, tubig at tinapay na may amag na ang binigay niya sa akin. Hilong-hilo na ako nun kaya kinain ko yun habang isa-isa kong tinitingnan ang photo album na dala ko. Lahat ng picture ng mag-ama ko na mayroon ako, dinala ko lahat yun at yun ang tinitingnan ko tuwing gabi.

Pangalawang linggo ko pa lang dun, bumagsak na ang pangangatawan ko. Nalalagas na ang mga buhok ko dahil ang shampoo ko ay sabon panlaba. Ang ngipin ko nangingilo na dahil ang toothpaste ko ay asin. Ang kinakain ko lang ay tinapay o tira-tira nilang pagkain na kahit ang aso tatanggihan yun pero dahil kailangan kong maka-survive pikit mata kong sinusubo ang mga yun.

Hindi ako makakupit ng kahit prutas dahil bantay-sarado ako ng amo ko at de padlock ang refrigerator. Lahat ng kilos ko alam niya, ultimo oras ng pag-si C.R dapat alam niya. Grabe talaga. Tiniis ko yun, yung ituring niya akong parang robot. Yung ituring niya akong parang hayop. Sige lang, ginusto ko naman ito, ang mag-abroad.

Gabi gabi ang iyak ko na parang di ako marunong magsawang iluha lahat. Miss na miss ko na ang mga anak ko at ang asawa ko. Ni di pa ako nakakasulat sa kanila, ni di ko na alam kong anong kalagayan nila. Tanging mga larawan lang nila ang nagbibigay sa akin ng lakas. Yun ang inspirasyon ko para wag sumuko. Alam ng Dyos kung pano ako magdasal na sana wag akong mabinat. Kailangan ko magpakatatag. Kailangan ko magsakripisyo para sa akin at para sa pamilya ko.

Patagal nang patagal, pabagal nang pabagal ang bawat sigundo.. minuto.. oras.. araw. At nang dumating din ang hinihintay kong ika-tatlong buwan, buwan para sa unang sahod ko…dito ko natikman ang pang-aabusong brutal ng amo kong babae.

Nang kausapin ko siya tungkol sa sahod ko ay bigla na lang siyang nagalit. Pinangungunahan ko daw siya. Yun lang naman ang sinabi ko at hindi naman ako umimik dahil ninerbyos ako, bigla na lang niyang hinila ang buhok ko. Pinag-hahampas ang braso ko at ang ulo ko. Hindi ako marunong lumaban dahil takot ako. Dahil may nerbyos ako. Kaya hanggang pakiusap lang ako that time sa kanya. pero hindi niya ako pinakinggan.

Buti na lang nakita kami ng amo kong lalake kaya hininto niya ang pananakit sa akin. Tumakbo ako sa kuwarto ko. Dumudugo ang ilong ko. Naninilaw at umiikot ang paningin ko. Nagdasal ako kasama ang luha at dugo sa ilong ko,

Cruel Employer    (Photo Credit  :    Pandimasbox.wordpress)

Cruel Employer (Photo Credit : Pandimasbox.wordpress)

Panginoon ko, kilala mo ako bilang ako..wag po ninyo ako pababayaan” ..habang sinasambit ko ang mga katagang yun, naalala ko ang pananakit ng asawa ko. Pero kapag nasasaktan niya ako, nilalambing niya naman ako sa gabi. Tiningnan ko na naman ang mga larawan ng mag-ama ko. Sana di na lang ako umalis sa piling nila.

Wala akong ibang madaingan ng mga nangyayari sa akin. Wala akong cellphone. Wala kaming kapitbahay. Wala ni isang Pinay man lang akong nakita. Lalo nang wala akong lakas ng loob na tumakas man lang dahil laging nasa paligid ang amo kong babae. Tuloy, feeling ko para bang solo ako sa dayuhang bansa na pinuntahan ko. Tiniis ko ang lahat-lahat. Limang buwan na ako pero ni barya wala akong natatanggap. Bumagsak na nang tuluyan ang katawan ko. Nilalagnat ako, pero kinaladkad pa rin ako ng amo kong babae sa C.R at sapilitang pinaliligo ako..kahit nanginginig, namutawi pa rin sa bibig ko ang munting pakiusap “Madame, don’t hurt me please. I’m begging you, please have mercy.” pero tila wala siyang narinig. Hinahampas niya pa ako ng tabo. Awang-awa ako sa sarili ko, pakiramdam ko konti na lang kung hindi ako mamamatay ay baka mababaliw na ako nang tuluyan.

Pero hindi talaga natutulog ang Diyos, isang nilalang ang ginamit Niya para isalba ako sa nasadlakan kong kapalaran. Ang anak ng amo ko ay nagbakasyon galing sa America. Akala ko ay katulad siya ng Ina niya na malupit kaya mailap ako sa kanya, pero kabaliktaran pala. Napakabait niya. Nang malaman niya ang pang-aabuso sa akin ng sarili niyang Ina, inaway niya ito at kinausap.

Sa awa marahil sa nakikita niyang itsura ko, pinuntahan niya ako sa kuwarto at kinausap. Humingi siya ng tawad sa akin at niyakap niya ako. Yung mismong mga sandaling  yun, lumuhod ako sa harap niya at umiyak ako nang todo. “

Ma’am, please, can you buy me a ticket? I want to go back to Philippines, I want to go home to my family. I don’t want here anymore. I want to see my kids. Please.” Pumipiyok man ako, buong tatag kong binigkas ang mga katagang yun. Hinawakan niya ang kamay ko at nangako siyang bibilhan niya ako ng ticket. Sa tuwa ko, buong higpit ko siyang niyakap kasunod ang dasal na sana nga tuparin niya ang mga sinabi niya.

Pagkatapos ng dalawang araw, isang magandang balita. Dali-dali niya akong pina-empake ng mga gamit ko. Galit na galit ang amo kong babae. Hanggang sa kotse sinisigawan at dinuduro niya ako, pero ang anak niya, sabi sa akin na ‘wag ko na daw pansinin ang mother niya. Pagdating sa airport dumiretso kami sa may restroom. Doon binigay na niya ang ticket at isang bag ng pasalubong na puros chocolate na binili niya sa Duty Free. Inabot niya din ang isang sobre na dollars ang laman, sahod ko yun sa loob ng isang taon. Sabi ko sa kanya, sobra yun kasi 5 months pa lang ako kaya balak ko sana isauli, pero tinanggihan niya “Keep that money and please forgive what my mom did to you, I’m really sorry” hinalikan niya pa ako sa pisngi. Umiyak na naman ako. Mahal pa rin ako ng Diyos.

Normal lang ang biyahe pero pakiramdam ko napakatagal. Pagdating ko sa bahay ng asawa ko, nakita ko ang panganay kong anak. Kinakabahan ako sa magiging reaksyon ng asawa ko, pero sabi ko tatanggapin ko kahit pa bugbugin niya ako basta ang mahalaga makakasama ko na sila. Nang makita ko ang mister ko, hindi mapigil ang luha ko. Patakbo niya akong sinalubong. Mahigpit na yakap at mainit na halik ang binigay niya sa akin. Luhaan na siya nang magsalita “Miss na miss na kita..sorry hah..promise, hindi na kita sasaktan..promise bubukod na tayo..mahal na mahal kita”.

Wala akong naisagot kundi hagulgol na parang namatayan ako. Parang ayaw kong bumitaw sa pagkakayakap sa asawa ko. Feeling ko magko-collapse na ako lalo na nang makita ko ang panganay at ang bunso ko na mag-1 year na that time. Kahit nangingilala siya, kahit umiiyak siya..kinuha, kinarga at niyakap ko siya kasunod ang sumpang hindi na muling lalayo sa piling nila.

Hanggang sa kasalukuyan, walang naging idea ang pamilya ko sa naging kalagayan ko noon sa ibang bansa. At isa lang ang napatunayan ko, na ang lahat ng pagsubok ay may hangganan basta manalig lang at dasal dahil kay God walang imposible. Ito ay isa sa karanasang hinding hindi ko malilimutan, ang buhay ko sa kuko ng bruha kong amo.

author:  Ma Joiy Clarizza Alberio

p.e./mj