Movie and Love     (Photo Credit  :    Thepapervariety.blogspot)

Movie and Love (Photo Credit : Thepapervariety.blogspot)

Madalas ay kailangan nating mamili ng isang pelikulang naaayon sa ’ting panlasa. tulad ng pagpili ng taong ating mamahalin.

Ngunit may ilang pagkakataon na bigla na lang nating gugustuhing mapanood ang isang iyon. Tila isang batobalaning humuhila sa ating puso papalapit sa isang lugar kung saan ang tanging magagawa mo na lamang ay titigan ang kagandahan at patuloy na mahulog sa katangian nito.
Ang pag-ibig, tulad ng pagkahilig sa pelikula ay isang bagay na mahirap alisin sa ating sistema. Kapag may bagong palabas na gawa ng ating paboritong manunulat, direktor o artista, gagawin natin ang lahat upang makapanood nito.
Titipirin ang baon, hindi gagastusin ang pera, mambuburaot sa barkada, maglalakad pauwi, titiisin ang humahalimuyak na amoy ng paboritong banana cue sa daan … kahit ano ay gagawin para sa hilig. Halintulad sa pag-ibig, maging ang butas ng karayom ay susuuingin, tatapak sa apoy, tutulay sa barb wire, haharangin ang jungle bolo, masunod lamang ang nais ng mahal mo. Masilayan ka lang. masulyapan lamang ang ngiting bihira magpakita.
Hindi sapat na makita lamang ang pelikula mula sa kanyang panlabas na anyo. Ang isang tunay na umiibig ay tumitingin sa kabuuan ng kanyang sinisinta. Kung paano siya makisalamuha sa iba, ang paraan ng kanyang pakikipag-usap ang siyang nagsisilbing diyalogo. Ang lugar, panahon at pagkakataon ang setting ng inyong istorya. Gayunpaman, ang lahat ng kwento ay may conflict, mga bagay , pangyayari at taong hahadlang sa magandang pagtitinginan.  Pero ang dapat pa ring manaig sa huli ay ang main characters – IKAW AT SIYA.
Ang pag-ibig ay parang pelikula.  Madalas ito ay madrama, mayroong puno ng katatawanan, nababalot ng matatamis na linya, minsan ay nagtatago mula sa mapanghusgang lipunan, nakakatakot man, kailangan mo pa ring harapin ang lahat nang sa huli ay maging happy ending.
Hindi man dumating ang aking prinsipe upang ako ay halikan mula sa mahabang pagkahimbing, hindi man maisoli sa akin ang naiwanang sapatos sa hagdan ng pangamba, wala mang prinsipe na sumaklolo sa akin mula sa Ursula ng aking buhay, handa ko pa ring ipaglaban ang aking pag-ibig tulad ni Mulan sa mga mananakop ng pag-asa, magiging kasing tapang ni Pocahontas na labanan ang lungkot ng pag-iisa at araw-araw ilalatag ang mahabang buhok ng pasensya hanggang sa ang minamahal ay matunton ang aking kinalalagyan.
  author:   yourANGEL
p.e./kf