Ang Aming LoloLimang taon ka na palang wala lolo. Limang taon na pala ang nakalipas nang huli kong masulyapan ang iyong mga ngiti at marinig ang iyong mga tawa. Maraming beses kong napatunayan kung gaano mo kami kamahal ng tatlo ko pang mga kapatid. Dama ko iyon at kita ko ang inyong mga sakripisyo. Maaga man kaming naulila sa mga magulang, punong-puno naman kami ng inyong pagmamahal.

 Malimit ko noong itanong sa sarili ko kong bakit naiiba kami, kung bakit wala kaming nanay o tatay na tinatawag, pareho ng mga kalaro namin. Sa mura kong isipan noon ay balewala lang kayo. Yung feeling na ok lng, normal lang na alagaan n’yo kami. Hindi ko noon pinahalagahan ung paggising ninyo nang maaga ni lola para lang maihanda ang almusal namin bago pumasok sa eskwela, ang pagpipilit n’yo pa ring magsaka magkaroon lamang kami ng pang araw-araw na panggastos.

Tiniis n’yo ang matinding sikat ng araw para sa amin, di bale nang masunog ang inyong mga balat o sumakit man ang likod sa pagtatanim ng palay. Naaalala ko pa ang sinabi ninyo ni lola sa aming magkakapatid noon na pagbutihin namin ang aming pag-aaral pagkat yun lang ang tanging maipapamana n’yo sa amin na hindi puwedeng nakawin ninuman. Hindi ninyo kami hinayaan na lumabas sa matinding init ng araw para matuto ding magsaka bagkus ay sinuportahan ninyo kaming hasain ang aming sari-sariling kakayanan.

 Hindi ako naging huwarang apo sa inyo. Ni hindi ko nga yata nasabi sa inyo na mahal ko kayo. Hindi ko man lang kayo nayakap nang mahigpit. Tumatakbo pa ako noon sa inyo palayo pag naglalambing sa akin ng kiss. Nakakakiliti naman kasi ang balbas mo noon, lolo. Totoo pala talaga na marerealize mo lang ang kahalagahan ng isang tao kung mawala na siya nang tuluyan. Kung maibabalik ko nga lang ang panahon. Kung sana ay puwede, isang chance lang, isang araw, isa pang pagkakataon na maipakita ko sa inyo kung gaano ako nagpapasalamat na kayo ang lolo ko.

 Hindi mo man lang kasi, lolo, hinintay ung araw ng graduation ko. Alam kong proud ka sa akin. Alam kong isa ka sa mga taong maiiyak sa tuwa ng abutin ko ang diploma ng tagumpay natin. Kung sana nahintay mong naging nurse ako. Oo, lolo nurse na po ako. Naalagaan ko man lang sana kayo.

 Miss ko na po kayo. Ang lolo kong isang tingin pa lang sa akin ay alam na kung ano ang kailangan ko. Ang lolo kong ihahatid pa ako ng tanaw sa pagpasok ko sa eskwela at may payak na mga ngiti sa aking pagdating. Ang lolo kong ibibigay ang lahat para sa akin. Ang lolo kong matapang, masipag at maalalahanin.  Tinuruan mo akong maging matatag, masipag at magsumikap lolo. Dahil sa inyo kaya maayos ang buhay ko ngayon.

 Salamat po sa lahat ng pangaral, pag-unawa at hindi matatawarang pagmamahal. Salamat sa lahat ng inyong sakripisyo. Idol kita lolo. Happy Father’s day po sa inyo. Salamat sa pagtayo bilang pangalawa naming ama at pagbibigay sa akin ng lakas ng loob noong mga panahong nais ko nang sumuko, nung mga panahong pinanghihinaan na ako ng loob. Salamat sa tiwala ninyo sa akin. Mahal na mahal ko po kayo ni lola. Proud ako na ako ay inyong apo…

author:   ecargRN

p.e./mj