To Love Again    (Photo Credit  :    Stately.multiply)

To Love Again (Photo Credit : Stately.multiply)

Matagal na akong hiwalay sa asawa, dalawang anak na babae ay binuhay ko nang mag-isa. Doble kayod sa trabaho at asikaso pa sa mga anak ko. Ang kasabihang “bawal magkasakit”, sa akin ay saktong sakto. Sa awa naman ng Diyos, kami naman ay nakakaraos. Ang mga anak ko ngayon ay malalaki na at maaayos. Ang aking panganay ay nakapagtapos sa tulong ng financial scholarship sa isang ekslusibong paaralan na kilala sa kursong Journalism. At sa ngayon ay nagtatarabaho bilang Marketing Manager sa isa sa pinakasikat na beauty products store. Ang bunso ko naman ay nag-aaral ng Dentistry. Nasa Dental Proper na siya at dalawang taon na lamang ay magtatapos na.

Sa edad kong 49, masasabi kong ang buong buhay ko ay umiikot na lamang sa dalawa kong anak. Hindi naman ako kapangitan, madami nga ang nagsasabi na mukha akong bata sa edad ko. Tsinita, tamang hugis ng ilong, makipot na labi, makinis ang kutis, at balingkinitan ang aking katawan. Kaya’t madalas ang laging naitatanong sa akin ay, “Kailan ka ba iibig muli”?

Hindi naman ako Santa, nagkaroon din ako ng mga karelasyon. Ngunit sadyang, hindi ako nakatagpo ng katuwang ng aking puso. Marahil ay sa kadahilanang mas matimbang sa akin ang pagiging ina kaysa pagiging partner. Bukod sa pangako sa sarili na, kahit ano’ng mangyari, ang mga anak ko muna bago ang lahat.

Kaya naman, saksi ang mga anak ko sa lahat ng pinagdaanan ko sa buhay, sa lahat ng mga pagsubok, sa lahat ng kabiguan. Sila ang aking naging inspirasyon upang lumaban, upang maging matatag. Karamay ko sila sa pagsagwan sa agos ng buhay.

Sa kabila ng mabigat na responsibilidad na nakaatang sa aking balikat, naging mabuti naman pagkaminsan ang tadhana. Sabi nila, pag malas ka sa isang bagay, suwerte ka naman sa iba. Kung hindi man ako pinalad sa pag-ibig, naging maamo naman sa akin ang trabaho.

Sa tindi ng pangarap kong magandang buhay para sa dalawa kong anak, pinagbuti ko ang aking pagtatrabaho. Naging Operations Manager ako sa isang napakalaki at napakaraming sangay ng isang Chinese Fastfood chain. At doon unti-unting gumaan ang buhay. Hindi man nakaririwasa, hindi din naman nagkukulang. Sa panahong iyon, nakapagtapos ang aking Panganay, at sa panahon din na iyon, magkokolehiyo na ang aking bunso.

Nang sinabi ni Bunso na gusto niyang maging Dentista, ni hindi sumagi sa isip ko na mahal yun, na baka hindi ko kayanin ang gastusin. Ang alam ko lang, hindi ko puwedeng biguin ang kanyang pangarap. Unang semestre, sa unang taon, nagbayad ako ng unang installment ng tuition fee niya kahit hindi ko alam kung saan ko kukunin ang susunod na bayarin. Naisip ko, kung ibang kurso ang kinuha niya, magaan sana ang aming buhay. Kahit paano sana, mararanasan ko na makapag-ipon. Pero bakit ba ako ma-iipon? Hindi ba para na din sa kanila? Kaya’t inilagay ko sa isipan ko na tuwing bayarin ng tuition fee, libro at iba pa niyang pangangailangan, para na din akong nag-iipon.

Hindi naging madali, ang mga nagdaang taon. May pagkakataong naisip kong sumuko na, kausapin si Bunso na, hindi ko na kaya. Subali’t tuwing nakikita ko ang pagsisikap niya at pagsasakripisyo, ang gabi-gabing pagpupuyat sa pag- aaral, ang tiyaga at pagpupursigi, imbis na bumigay ako, lalo akong tumibay. Pag napapagod ako, lalapitan ko lamang siya habang nag-aaral, hahaplusin ko ang buhok niya, at hahalikan, sabay bulong, ”I love you”.

Ang pagsagot niya ng ”I love you, too, Mama”, ay sapat na  para maramdaman ko ang panibagong lakas, panibagong sigla.

Napakalaking tulong din sa akin ng aking panganay, si Ate. Simula nang nagka- trabaho siya ay inako na niya ang ibang bayarin sa bahay. Siya ang aking naging katuwang sa maraming bagay. Napakamaunawain, mapagbigay at mapagmahal na anak at kapatid. Masasabi kong ang isa sa mga namana niya sa akin ay ang unahin ang pamilya higit sa lahat.

Patuloy na umikot ang mundo, patuloy ang buhay, kaming tatlo lamang, sa hirap at ginhawa. Sa bawat tagumpay, maliit man o malaki, ay nagsisilbing sinag ng araw tungo sa maliwanag at magandang buhay.

Nasa huling taon na ng Pre-Med si Bunso nang biglang dumating ang matinding pagsubok. Kinausap ako ng may-ari ng aking pinagtatrabahuhan at sinabing maayos na ang palakad ng kanyang kompanya, malaki daw ang pasasalamat niya sa aking mga kontribusyon sa ikabubuti nito. Napakasarap pang pakinggan ng kanyang mga sinasabi, subalit hindi ko makuhang ngumiti, bagkus nanlalamig ako at natatakot sa maaaring susunod na mangyayari. Kahit ano pang maganda pa niyang sabihin, iisa lamang ang patutunguhan nito. Mawawalan na ako ng trabaho.

”Diyos ko”, yun lamang ang dalawang salitang bumaon sa isipan ko, parang nakapako ang katawan ko sa silyang inuupuan ko, parang ayaw ko nang kumilos. Diyos ko.

Tatlong taon pa bago makatapos ng Dentistry si Bunso. Taon-taon ay tumataas ang tuition, mga kailangang libro, mga equipments at materyales. Diyos ko. Gusto kong maiyak, subalit nagpakatatag ako. Kailangan kong maging matigas dahil yun lang ang naisip ko para hindi ako tuluyang mabaliw.

Umuwi ako nang araw na iyon na mabigat ang kalooban at dala-dala ang tseke ng huli kong sahod at dagdag na halaga na ayon sa sinasabi niya ay “token of appreciation,” pero ang totoo ay pampalubag-loob.

Nang gabi ding iyon ay kinausap ko ang dalawa kong mga anak. Wala akong inililihim sa kanila. At ang bagay na ito ay isa doon. Habang kinukuwento ko ang nangyari, matiim silang nakinig. At doon ko naramdaman kung gaano hinubog ng katatagan ang aking mga anak. Hindi takot ang bumakas sa kanilang mga mukha, bagkus ay pag-aalala sa kung ano ang aking nararamdaman. Nilapitan nila ako at niyakap. Sabay sabi ni Ate, ”Okey lang po Ma, kakayanin natin, wala po tayong hindi makakaya basta’t sama sama.”

May luha subali’t may kahalong, tapang, tapang na handang lumaban. Magkayakap kaming tatlo na parang animo’y isang bangka na nasa gitna ng dagat, hinahampas ng bagyo, at ang aming lakas ng loob ang nagsisilbing sagwan upang piliting makarating sa dalampasigan.

Nagdasal kami nang gabing iyon, isang mataimtim na dasal na gabayan kami at patuloy na ituro sa landas na naaayon sa Kanya. Sa sandaling iyon, mayroon akong sariling idinasal, na higit sa lahat Panginoon, ngayon mo ako tulungan. Para kay Bunso. Tanging hiling ko na matupad ang pangarap niya, maging isang ganap na Dentista.

Pagkatapos naming magdasal, anupa’t gumaan ang lahat, parang biglang kumalma ang bagyo. Namayani sa akin ang pakiramdam na payapa. Ngumiti ako sa mga anak ko, at nagpasalamat. Nagpasalamat ako sa kanilang pang- unawa, sa kanilang suporta at higit sa lahat sa kanilang pagmamahal.

Ang aking bahay ay tamang laki lamang na minana ko sa aking mga magulang. May dalawang kuwarto ito sa itaas, at sa ibaba naman ay ang kusina, banyo, maliit na sala at kainan. Sa iisang kuwarto lamang kami natutulog, ang isang kuwarto ay inilaan talaga namin ni ate para silid-aralan ni Bunso.

Nakahiga na kami sa isang malaking kama, ako ang nasa gitna, nang dumantay sa akin si Bunso at biglang nagsalita ng malambing. “Ma, puwede naman po akong huminto muna pagkatapos ng taon na ito. Para na din naman akong nakatapos na ng apat na taong kurso at makakahanap naman po ako ng trabaho, at nang sa gayon makatulong ako na mag-ipon, para maituloy ko po ulit ang kurso ko”.

Halos sabay kami ng Ate niya na napasigaw. ”No way!” At sa sandaling iyon, nawala ang drama, at nakatulog kaming may mga ngiti sa labi.

Kinabukasan, gaya ng nakagawian ko magmula nang nag-umpisa silang magsipag-aral, madaling araw pa lamang ay gising na ako. Hinahanda ko na ang babaunin nilang pagkain. Si Ate, kahit maganda na ang katungkulan sa opisina niya at kaya naman na kumain sa labas ay mas gustong magbaon. Ang katwiran niya, luho lang daw iyon, at bukod doon, hindi na siya mag-iisip pa kung ano ang kakainin niya sa araw araw. Pero ang pinakadahilan daw niya ay masarap daw akong magluto, at tuwing tanghalian na sa opisina at bubuksan na niya ang kanyang baunan, tuwang tuwa siya pag nakikitang nakaabang ang kanyang mga kasabay para malaman kung ano ang ulam niya. Lagi niyang sinasabi na noon pa man daw kahit sa eskwelahan at ngayon sa trabaho, laging may nagsasabing, napakasuwerte niya at pinagbabaon pa siya ng nanay niya.

At si Bunso naman, mas gusto niya din ang magbaon, dahil imbis na pumila siya sa canteen, ilalaan na lang niya sa pagbabasa. Ang mga kaklase niya ay napansin niyang nagbabaon na din.

Sa araw na ito ay sabay silang aalis at maghihiwalay na lamang sa sakayan. Nakalagay na sa lamesa ang dalawang baunan at nakahain na ang simpleng almusal. Naririnig ko na ang ingay nila, nagbibiruan. Masayahin sila kahit sila lamang dalawa ang laging magkasama. Dinig na dinig ko sa mga salita nila ang lambing sa isa’t isa, ramdam ko sa bawa’t kataga ang pagmamahal. Alam ko, na kahit ano pa man ang mangyari, hindi nila pababayaan ang isa’t isa.

Maya-maya lamang ay magkasabay na silang bumaba at sabay-sabay kaming nag-almusal. Panay pa din ang biro ni Bunso kay Ate, dahil iniba ni Ate ang ayos ng kanyang buhok, mukha daw manang, subalit alam naman namin ni Bunso na kahit anong ayos ni Ate, ay napakaganda pa din niya. Pareho sila ni Bunso.

Hindi naman sa pagmamayabang, magaganda ang mga anak ko, mana sa Chinese nilang ama ang kanilang kutis, at mana naman sa akin ang hubog ng mga katawan. Mahahaba, makintab at tuwid ang kanilang mga buhok, chinita at mapupulang labi. Sa tuwing maglalakad nga sila dalawang kanto ang layo sa sakayan, lagi nilang biruan, na ang dami na daw nilang boyfriend, kasi tinatawag daw silang, babe, sweetheart, honey at beh ng mga nakatambay.

Hindi na lang daw nila pinapansin, ngunit hindi naman din sila nagpapakita ng kasupladhan. Kunyari na lang daw, hindi nila naririnig. Nakakatuwa din dahil sa dami ng mga manliligaw, wala pa silang sinasagot. Si Bunso, dahil sa sobrang hirap ng kurso niya, alam na daw niya ang kapalit noon, zero lovelife. At si Ate naman ay sa sobrang demanding ng trabaho. Siyempre, para sa isang magulang, masarap sa pakiramdam na hindi pa muna sila magboyfriend.

Sa kalagitnaan ng almusal, at pagbibiruan, bigla kong naalala ang nangyari kahapon. Oo nga pala, isang linggo na lang at wala na talaga akong trabaho. Nanahimik ako bigla. Napatingin sila sa akin, nasakyan agad nila ang nasa isip ko. Biglang sabi ni Ate, ”Hayaan mo, Ma, may isang linggo pa po tayo upang mag-isip kung ano ang susunod nating gagawin. Basta po kung anuman ang maisip n’yo at madesisyunan, nandito kami ni Bunso, suporta sa inyo.

Sabay banggit ni Bunso, ”Ma, bakit ‘di na lang po tayo magnegosyo, eh kasi naisip ko lang po, kung yung ibang kumpanya, naaayos n’yo, napapalaki n’yo, yung sarili n’yo pa kayang negosyo pag nagtayo kayo? Di po ba, Ma?” Napatawa kaming tatlo, ngunit sa kabila ng tawang iyon, alam naming may bahid ng katwiran at katotohanan. Oo nga naman. Bakit nga ba hindi. Ang tseke na natanggap ko ang pupuhunanin ko upang makapagsimula ng isang maliit na negosyo. At pagyayamanin namin iyon. Umaliwalas muli ang aking mukha, dumaloy muli ang ngiti at masaya nang muling hinarap ang aming almusal.

Hinatid ko sila sa may pintuan palabas. Ang bagay na ito ay nakaugalian ko na din tuwing may pagkakataon, hinahatid ko sila sa may pintuan, at hindi ako umaalis hangga’t natatanaw ko sila, habang sila naman ay lilingon-lingon, ngingiti at kakaway. Habang papalayo sila ay ipinagdadasal ko ang kanilang kaligtasan habang wala ako sa piling nila.

Ngayon, habang nakikita ko silang papalayo, papaliit nang papaliit na parang kasinlaki muli noong sila ay mga bata pa, hawak-kamay, lilingon, kakaway, nagbalik muli ang kakaibang sigla sa aking puso, isang bagong panimula, isang bagong pag-asa. Walang takot, at kayang gawin ang lahat para sa pamilya. At nagbalik muli sa aking isipan ang madalas na tanong, ”Kailan ka ba iibig muli?”. Ahhh, ang tanong palang iyon ay matagal nang nasagot.

author:   Eagle

p.e./mj