Friends  Only?   (Photo Credit      Daterobertpattinson)

Friends Only? (Photo Credit Daterobertpattinson)

Matagal-tagal na rin itong nararamdaman ko. Ganito pala yung sinasabi ng ibang tao. Mahirap magpakiramdaman. Mahirap umasa. Mahirap magdemand. Mahirap kasi wala kang karapatan.

We’re so close. Kulang na nga lang eh maging diary n’ya ako kasi halos lahat ng nangyayari sa kanya ay alam ko na.  Halos araw-araw kaming magkausap at nag-uupdate ng mga nangyari sa amin sa buong maghapon.

Nagkukwento tungkol sa trabaho at pamilya lalong-lalo na kung may problema at mga sama ng loob. Nagpapalitan ng kuru-kuro tungkol sa mga isyu at mga paniniwala sa buhay. Nagpapaalaman ng mga bagay na ginagawa at mga lugar na pinupuntahan. Nagsasabi ng dahilan kung bakit hindi nakareply kaagad sa text. Nagsasabi kung sino ang kasa-kasama. Alam ko na ang takbo ng utak niya dahil sa mga kuwento niya.

Ewan ko na rin lang kung hindi ka madevelop sa taong ‘yun kung ganyan. Pero pag lovelife na ang pag-uusapan, hindi ko alam pero mukhang hindi namin mapag-usapan nang maayos ang tungkol diyan. Oo, magkaibigan kami pero alam kong hindi naman s’ya ganun sa iba. Hmmm. Baka naman best friend ang tingin niya sa ’kin? Pero hindi rin. Can this be love? Sa parte ko, oo, pero sa kanya? Yan ang hindi ko alam.

Ang dami ko nang pinalampas na pagkakataon. Hindi ko kasi alam kung kailan ko seseryosohin ang mga sinasabi niya. Isang beses sabi niya ako ang isasama niya sa Oath taking nya bilang Engineer kung saan isa siya sa pinakamataas sa exam. When he told me na ako ang kasama n’ya, sinabi ko na nangjojoke time siya. Noong tinanong naman niya sa ’kin kung kailan ako puwedeng makipagdate sa kanya after kong makipagkita sa isang kaibigang lalaki, parehas lang ang response ko sa kanya. At sa lahat ng pagkakataon na yun, hindi naman sya nagrereply kapag sinasabi kong nangjojoketime lang siya.

Di ko tuloy alam kung talagang nagjojoke sya o nasaktan na sya dahil sa pag-aakala kong biro lang lahat ng sinasabi niya. Ayoko ring maniwala na nakamove on na siya sa paghihiwalay nila ng ex niya. Halos apat na taon na rin nang magbreak sila pero parang hanggang ngayon eh andun pa rin siya sa nakaraan. Mahirap para sa akin na paniwalaang lumipas na talaga ang dati niyang nararamdaman dahil nakita ko kung paano niya minahal ang babaeng yun. Nakita ko kung paano niyang binigyang halaga at ipinakita ang pagsinta niya sa kanya. Nakita ko rin kung paanong naging masakit para sa kanya ang paghihiwalay nila. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang dahilan ng break up nila. Wala akong alam.

Basta ang alam ko, masakit yun sa kanya at magmula noon ay hindi ko na nabalitaang may naging girlfriend siya o niligawan man lamang maliban sa sinabi ng kanyang kaibigan na nakipagdate siya dun sa isang babae. Ako naman, pinagtutulakan ko siya sa ex nya. Kasi ang alam ko dun siya magiging masaya. Kasi ang alam ko, siya ang mahal niya. May mga times na assuming ako pero pag ganitong mga pagkakataon na, hindi ko alam kung dapat ba akong mag-assume o magpakamanhid na lamang.

Kapag tungkol sa love life ang pag-uusapan, hindi ko maiwasang magselos. Pero bakit nga ba ako magseselos eh wala nga akong karapatan ‘di ba? Halos lahat na lang yata ng nagiging sagot ko sa mga tanong niya ay pabalang, walang kapupuntahan o puro pambabara lamang. May kakaiba akong nararamdaman kapag ganito na. iniisip ko na baka naman kaya lamang niya ako kinukwentuhan ay upang pagselosin lamang ako at hulihin ang aking nararamdaman – na hindi ko alam kung nahuli na ba niya at gusto lang niyang tiyakin o hanggang ngayon ay clueless pa rin sya.

Bilang babae, kahit na sabihing ipinapakita ko sa aking mga kilos ang aking affection towards him, nasa akin pa rin ang pride na hindi ako umamin at maunang magtapat ang lalaki sa akin. Pero ang tanong, may ipagtatapat nga ba siya? Mahirap umasa. Baka naghihintay lang pala ako sa wala. Kahit gustung-gusto ko na magmove-on, kalimutan ang nararamdaman ko at umasang baka naman para sa ibang lalaki ako nakalaan eh hindi ko magawa. Wala kasing closure yung sa amin. Meron ba o wala? Siyempre naman deep inside my heart eh maski papano ay may gatiting na pag-asang baka naman meron. At nakakahinayang na magmove on at humanap ng iba tapos bigla na lang siyang magtatapat sa akin at wala na akong ibang magagawa kundi ang ireject siya dahil na rin sa hiya sa kung sinuman ang ipapalit ko sa kanya. Hay.

Hanggang kailan nga ba ako aasa? Hanggang kailan ako maghihintay? Hanggang kailan ko makakaya ang lahat ng pag-iisip na ito at pakikiramdam sa mga bagay na walang kasiguraduhan? At bakit nga ba ako naghihintay sa posibleng kawalan? Ito ba ang napapala ng taong nagmamahal? Hmmm

Sa tingin ko, kapag nagmamahal ka, natututo kang mabuhay hindi lang para sa sarili mo. Natututo kang magpahalaga sa ibang tao, sa kanilang nararamdaman. Natututo kang magbahagi ng sarili mo sa iba, ng iyong mga karanasan, ng iyong mga paniniwala, ng iyong mga pangarap sa buhay hindi upang ipagmalaki ang mga ito ngunit marahil na rin ay upang malaman kung sino nga ba sa mga taong nasa paligid mo ang gugustuhing tahakin ang kanilang buhay nang kasama ka at tanggap ang isang ikaw kahit na sa mga puntong ikaw mismo sa sarili mo ay hindi na nagtitiwala. Kapag nagmahal ka, natututo kang maging malakas hindi lamang para sa sarili mo kundi para sa ibang tao. Kahit ikaw mismo sa sarili mo ay pinanghihinaan na, pipilitin mo pa ring magpakatatag alang-alang sa taong sa ’yo ay humuhugot din ng lakas. Kapag nagmahal ka, mas nanaisin mong mas maging mabuting tao upang maging karapat-dapat sa pagmamahal na ibinubuhos para sa iyo ng iba.

Hindi lamang magagandang pakiramdam ang naidudulot ng pagmamahal sa isang tao. “Love has many emotions. Be open to all of them.” Yan ang sabi ng batikang manunulat na si Ricky Lee. Ang pag-ibig ay parang pagdaan sa isang zigzag. May mga oras na nasa diretsong daanan lamang kayo ngunit madalas ay paliko-liko, baba-taas, biglang kabig at minsan pa nga ay posible kang malaglag. May kasiyahan, kaligayahan, kalungkutan, pagkalito, pagkawasak. Anumang emosyon ang idulot sayo ng pagmamahal, ang mahalaga ay may mga bagay kang natututunan. Ang loser mo naman kung nagmahal ka tapos wala ka ng ibang alam kundi ang sabihin na mahal mo siya. Baka naman mamaya eh hanggang ganun na lang ang pagkakaintindi mo sa pagmamahal at hindi ka na nagkakaroon ng pag-unlad sa iyong sarili bagkus ay naikulong mo na ito sa kahon at nalimitahan na sa mga bagay na maaari pa nitong gawin. Sayang naman.

Maski anupaman ang kahihinatnan ng iyong pagmamahal, mahalaga ay nagmahal ka. Makaranas ka man ng pagkasawi, alam mong magmamahal ka pa rin at pananatilihin ang iyong pagiging mabuting tao.

author:   wildeflower

p.e./mj