Color Game   (Photo Credit      3rdworldturista.blogspot)

Color Game (Photo Credit 3rdworldturista.blogspot)

Color Game: Isang laro/sugal sa perya, kung saan may hihilahin kang tali upang malaglag ang tatlong makukulay na dice. Pag lumabas ang kulay na tinayaan mo, panalo ka.

Gabi-gabi dati, 5 piso ang nauubos ko sa larong ito. Pwede pa kasi tumaya ng piso dati, ngayon ata dalawang piso na, at hindi pa uso dati ang mga perya na nire-reyd ng mga pulis kaya okay lang tumaya ang mga batang tulad ko. Isa lang ang ang tinatayaan kong kulay – RED. Ito daw ang pinaka malabas na kulay sa lahat. Parang hindi naman totoo, dahil malimit umuuwi akong talunan. (Ang tatay ko pala ang talunan, sa kanya galing ang pera.hehe.)

Sa aking pagkakatanda, 240.00 ang pinakamalaki kong napanalunan nung bata pa ko (1,500.00 nung high school na)…At sa tuwing nanalo ako, tiyak kukulitin ako ng mga kapatid ko na mag pa soft drinks kinabukasan.

Pag natalo na ang dala kong 5.00, nakikipaglaro na lang ako sa mga anak ng peryantes. Uuwi lang ako pag hingal kabayo na at puro putik na ang damit. Hikain ako nung bata, kaya alam ko na sa bawat pag uwi ko na ganun ang itsura, isang mahapdi hapding kurot mula kay Nanay ang matitikman ng isa sa pisngi ng puwet ko. Pero ayos lang, kaya kong tiisin yun kapalit ng ilang oras na pakikipag habulan at pakikipaglaro sa mga kaibigan ko.

Tuwing gabi lang ang perya, kaya dito ako nadiretso pagka galing sa eskwelahan. Nagiging maghapon lang ito sa araw ng kapiyestahan ng aming Patron.

Masaya kapag araw ng Piyesta, bukod sa mga betobeto, bingo, at color game – may mga sumusulpot na nagpapalabunutan ng mga makukulay na sisiw, seho (duckling), laruan, at pera. Masaya ang lahat, ngunit hindi ako. Alam ko na ang kapiyestahan ay senyales ng pag alis ng aking “paraiso”, ang perya… kasabay ng mga kaibigan ko na dito nagtatrabaho ang mga magulang. Ito yung part ng summer na pinakaayaw ko nung bata pa ako.

“Next year ulit mga kaibigan ko…”

author:   merlinremetio

p.e./kf