PO RPG  (Photo Credit:  Facebook.com)

PO RPG (Photo Credit: Facebook.com)

Siya si Neil.  42, binata. Intel.

Nakilala ko siya nung medyo bata-bata pa siya sa kanyang edad. Unang kita ko sa kanya  ay disappointed ako. Siya ay nakausong kalbo, payat at tama siya sa sinabi niya na ‘di siya guwapo.

Halos hindi ako makapagsalita nun kaya ang kaibigan ko ang nag-entertain sa kanya. Niyaya niya kaming kumain. Noong una, ako ay nahihiya pa. Pagdating namin sa restaurant, upuan ko’y inayos niya muna, bago umupo sa katabi kong silya. Aba-aba at gentleman pala si kuya. Hmmm, puwde, naiiba nga ito, sa loob-loob ko.

Naging at ease ako sa kanya dahil natapos ang pagkain namin na halos tawanan lang ang ginawa. Di lang pala siya gentleman, may sense of humor din siya. Minsa’y muling nagyaya ang aking kaibigan. At siya pa ang nauna sa aming tagpuan. Tinitigan ko siya nang husto. ‘Di naman pala siya kapangitan.  Sa tanang buhay ko, nag-iba ang pananaw ko sa unipormadong tao na akala ko ay suplado.

Magiliw, magalang, mahilig magpatawa at responsableng kaibigan. Minsang ako’y naaksidente aking napatunayan, isang text lang rescue naman agad. Di lang yan; hindi ako iniwan hangga’t hindi maayos ang kalagayan ko. Bawat pabor na hilingin ko, walang reklamong sumusunod. Kaibigang walang sawang naglilingkod.

Habang tinititigan ko siya, nag-iiba ang kanyang itsura, dahil sa kabutihan niya ay lumalabas sa kanyang aura. Minsan ay nag-away kami dahil sa kasalanang aking ginawa ngunit wala akong maisip na masama na puwedeng isumbat sa kanya.

Ewan ko ba, ako’y napapabuntong-hininga. Di ko nga alam kung bakit ko ito sinulat para sa kanya. Para na nga akong tanga, sa tagal naming magkakilala ako ay humanga sa kanya. Di ko kasi makalimutan ang kabutihang pinunla niya, umusbong nang kusa, hindi ko sukat akalaing nag-ugat pa.

Sa aking panaginip sabihin mang ako ay martir at tanga.  Si Neil pa rin ang pinakaguwapo sa kanila. At sana kung may ihaharap siya sa dambana…ako na lang sana..

Hoy, Maria”, bigla kong narinig.

“Nag-de-day dream ka na naman!   Tama na nga yang pagbabasa mo nang paborito mong pocketbook”.

At ako ay natawa sabay iling at sara ng aking binabasa. Akala ko ay totoo na. Hay, panaginip lang pala…  Sana isang Neil din ang aking makilala na gaya niya.

author:  jessa maria

p.e./mj