Askal    (Photo Credit  :    Philippinepethaven)

Askal (Photo Credit : Philippinepethaven)

Suklam na suklam ka bang tumigil sa bahay?  Inip na inip ka at walang magawa. At kung mayroon ka mang gustong gawin, nag-aalala kang mapagalitan o’ matanong ng tatay mo, nanay mo o’ ng iyong mga kapatid, kung ano ang nakain mo? Kapag nasa bahay ka, ikaw lagi ang nakikita, nasisisi, at laging ikaw ang may kasalanan.  Subalit madalas na napapansin mo naman na hangang-hanga sa iyo ang mga kapitbahay ninyo,  kaiskuwela, maging ang iyong teacher at mga kaibigan sa husay mong umawit, magdrowing, sumulat ng tula, o’ iba pang mga bagay na hindi pangkaraniwan.  Subalit sa bahay, walang pumapansin sa talento mo at hinahanapan ka ng iba pang katangian na wala naman sa iyo.

Huwag kayong malungkot, mga dudes, hindi kayo nag-iisa.  Maraming kabataan at maging katandaan ang katulad ninyo.  Hindi ‘yan namumukod-tanging sakit.  Pangkaraniwan ‘yan sa isang tahanan na ang mga naninirahan ay nakikibaka sa masalimuot na takbo ng buhay. Walang pakialam sa mga tanawin sa paligid, katulad ng mga kabayong may takip ang mga mata at walang nakikita kun’di ang patutunguhan nila.

Nalulungkot ba kayo, naiinis, ‘o namimighati? Para sa inyo ang kuwentong ito.

Si Ka Eduardo ay nagtitinda ng karne sa palengke, katulong niya sa pagtitinda ang kanyang asawa na si Aling Nemesia.  Isang araw, may isang asong lumapit sa kanilang puwesto.  Noong una itinataboy niya ito.  Ngunit, napansin niyang may kagat-kagat  itong sulat na pilit iniaabot sa kanya.  Natatakot si Ka Eduardo na kunin ang sulat at baka siya kagatin, subalit napansin niya ang mga mata ng aso na nakatingin sa kanyang animo nakikiusap. Maingat na kinuha ni Ka Eduardo ang sulat at binasa niya ito, “Paki-bigyan ninyo ang aso ng isang kilong karneng baka, ‘yung sirloin. Mayroong pera sa purse na nakakabit sa kolyar ng aso, pakikuha na lang po ninyo ang bayad.  Maraming salamat.” Namangha si Ka Eduardo, at iniabot ang sulat kay Aling Nemesia.  Napanganga si Aling Nemesia sa pagkaka-mangha. Sinilip niya ang aso at dalawang ulit na tumahol ito ng marahan na parang sinasangayunan ang sinasabi ng liham na iniabot ng lalaking magkakarne.

Matapos ihanda ang karne, inilagay ni Ka Eduardo ito sa isang supot na plastic.  Iniabot niya iyon sa aso para kagatin, subalit ipinilit ng aso na isuot ang kanyang ulo sa hawakan ng sando bag hanggang mapasabit ang supot sa kanyang leeg. Kinuha ni Ka Eduardo ang bayad sa purse na nakakabit sa kolyar ng aso.  Kasama ang resibo, ibinalik niya ang sukli.  Halos himatayin si Ka Eduardo sa sobrang pagkakamangha.

Napagpasiyahan niyang sundan ang aso. Nagpaalam siya kay Aling Nemesia at inihabilin ang tindahan sa kanya.  Naiwang humahalakhak si Aling Nemesia.

Nagulat si Ka Eduardo, kilala ng lahat sa paradahan ng tricycle ang aso.  Sabi noong isang magta-tricycle, “Oy Tigre, sa akin ka na sumakay.” Sa katabing tricycle sumakay si Tigre. Humalakhak ang isa pang tricycle driver na siyang sinakyan ng aso. Ang sabi niya, “Ha-ha-ha, ayaw sa iyo ni Tigre, dinadaya mo kasi sa sukli,

Sumakay si Ka Eduardo sa tricycle ng unang nag-alok sa aso.  Tanong ni Ka Eduardo, “Matagal na ba ninyong Kilala ang asong iyon?”  “Opo,” sagot ng magta-tricycle, “Madalas po ‘yang namamalengke.  Napakatalinong aso.  Suwerte ang amo niyan.” “Sundan mo, papanoorin ko,” Sabi ni Ka Eduardo.

Pagkaraan ng hindi katagalang paglalakbay, huminto ang tricycle na sinasakyan ng aso sa isang kanto.  Kinuha ng tricycle driver ang bayad sa purse na nakakabit sa kolyar ng aso. Pagkatapos, tumalon na ang aso at tinahak ang may 20 metrong eskinita. Sumunod si Ka Eduardo, nakangiti subalit takang-taka, gulat na gulat, hangang-hanga.

Pagdating ng aso sa isang pulang gate, patayo nitong binuksan ito at pumasok sa loob.  Sumilip sa gate si Ka Eduardo, pinapanood ang aso.  Sa pamamagitan ng bibig, binubuksan ng aso ang door knob ng pinto, subalit tila naka-lock.  Tumakbo ang aso sa garden, nagpaikot-ikot, tumahol, tumayo sa may tapat ng bintana at kumatok.  Pagkatapos bumalik sa harapan ng pinto at padapang naghintay.

Pagbukas ng pinto, may lalaking lumabas at sinipa ang aso.  Napa-igik ang aso sa sakit.  Hinugot ng lalaki ang sinturon sa kanyang baywang at hinataw ang aso.  Naguumiyak ang aso at sumiksik sa sulok.  Takbo si Ka Eduardo, at inawat ang lalaki, “Huwag, huwag! Henyo ang asong ‘yan. Huwag mong saktan.”  “Ano bang henyo ang sinasabi mo?” Pasigaw na tanong ng lalaki. “Aba! Puwede yan sa reality show sa TV. Pambihira ang asong ganyan,” sagot ni Ka Eduardo. “Ako ang binilihan niya ng karne at manghang-mangha ako sa katalinuhan niya,” pagpapakilala ni Ka Eduardo. “Matalino, matalino ba  ang gagong asong ‘yan?  Tatlong beses nang sinabi ko sa kanya sa linggong ito na huwag niyang kalilimutan ang susi.  Kinalimutan na naman!” Matalino ba ‘yan?”  Muntik nang mahimatay si Ka Eduardo sa narinig.

Ganyan mga dudes ang buhay natin. Napapansin ng iba ang ating karunungan, kapogian o’ kagandahan, talento, at kahusayan sa maraming bagay. Subalit, kulang at kulang pa rin ‘yan sa ating mga kapamilya. Isang mali mong ginawa, wala ka nang kuwenta.  Ang marami mong ginawang mabuti, nakalimutan na.  Iyong wala ka, ‘yon ang hinahanap nila.

Maging sa trabaho, ganoon din.  Nakikita ng iba ang sipag at talino mo, pero hindi ng amo mo.

He-he-he, wala tayong magagawa mga dudes, ganyan ang buhay eh. Unawain na lang natin.

Author: Gilbert Miranda

p../mj