Childhood Friend    (Photo Credit      Nopybot)

Childhood Friend (Photo Credit Nopybot)

Nakatanaw ako noon kay Mommy, sa loob ko, may isang pakiramdam na hindi maganda. Parang ayaw ko nang bumitaw sa kamay niya. Parang natunaw na lahat ng excitement ko nung nakaraang gabi.

Kagabi, tuwang-tuwa pa akong pinagmamasdan yung gamit ko, kumpleto at nakaayos sa harap ko. Ako pa ang isa-isang naglagay sa bag ko ng nakaplastic pa na papel, mga notebooks, isang “Voltes V” inspired na pencil case na may lamang ruler, pencil, eraser at sharpener.

“Hintayin kita sa labas ng room mo ha, mamayang uwian, huwag ka lang lalabas dito sa gate ha?” nakangiting sabi ni Mommy, na wari pilit pinapalakas yung loob ko.

“Mommy… hindi ka ba puwede sa loob ng school?” ayan na nga, nagsisimula na kong magparamdam na ayaw kong magpaiwan.

“Eh bakit? Di ba sabi mo mag-school ka na mag-isa? Di ako puwede magstay, walang kasama yung kapatid mo?” mahinahong paliwanag ni Mommy, tantiya niya siguro na bibigay na ang maskara ng katapangan na ginagamit ko, lalo na at nagsisimula nang umiyak ang ibang bata na pilit iniiwan ng nanay nila.

 Di ba puwede… bukas na lang ako pumasok?” ngumiti si Mommy. Kinurot yung pising ko, naupo at inayos yung kuwelyo ng maliit kong polo. Inayos ang buhok ko at hinagod pakaliwa.

“Natatakot ka ba, Kuya?” simula nang magkaroon ako ng kapatid, “kuya” na ang tawag sa akin ng lahat sa pamilya. Tumango ako, may ilang luha na nagbabadyang tumulo.

“Bakit ka natatakot?” buong seryosong tanong ni Mommy.

“Kasi, wala akong kakilala eh. Paano ako makikipag-usap, hindi ko naman sila kilala?” nakausli yung labi. Ngumiti si Mommy, tinapik yung nguso kong nakatulis na.

“Eh sila din naman, wala silang kilala sa school, pero papasok pa din sila. ‘Wag kang mag-alala, magkakaroon ka din ng kalaro diyan. Makakakita ka din ng kaibigan.  Dala mo ba yung toys mo? Mamaya, pag nag-break na kayo, puwede daw maglaro ng toys.” bumilog yung mata ko, sa pagkadinig ng salitang maglalaro, nabuhayan ako ng loob.

 Mahirap yung first week ng pagiging kinder. Nung una, ayaw ko pang masyadong makipag-usap. Sa napakabatang edad, marahil dala ng hiya, tahimik ako. May mga batang maaga pa lang kakakitaan mo ng ng pagiging bully, parang pinamanahan talaga sila ng “fairy god mother” nila na taga-bilibid ng angas at kagaspangan ng ugali. Mayroon ding kagaya ko na parang pinitpit na luya, hindi man lang gumalaw o kumibo pag hindi inutusan.

Nung first week, hindi ko pa siya napapansin, halos hindi ko nga alam na classmate ko pala siya. Hanggang isang araw, na-late yata ng sundo sa akin si Mommy, kaya ilang minuto na ko sa gate, ako na lang ang nandoon. Nakauwi na lahat para sa lunch maliban sa guard, malapit na nga akong umiyak at isipin na kinalimutan na akong ng nanay ko. Gusto ko na nga magwala dun at magtantrums.

 Malapit nang mangilid ang luha ko nang biglang may lumapit sa akin. Babae, na pagkakatanda ko ay kaklase, pero bata pa lang yata, amag na ako, kaya di ko alam ang pangalan niya.

“Wala ka pang service?”

“Ha?”

“Service mo, hindi pa dumadating?”

“Anong service?”

 “Sundo.”

“Ah, wala naman ako ganun-ganun.”

“Eh sino’ng sundo mo?”

“Si Mommy, wala pa.” (Nagsimula na naman ang tila luha na nangingilid sa gilid ng mata ko).

“Eh bakit iiyak ka?” (Pagkarinig ko nun, umalma ang kakapiraso kong pride at hiya)

“Bakit ako iiyak, hihintayin ko lang naman.” (Pinatigas ko pa yung boses ko, ayaw ko kasing mapahiya sa kanya. Kasi sabi ng mga kalaro ko, bawal daw umiyak ang lalaki, babae lang daw ang umiiyak, bakla daw yung iiyak na boy).

 Ngumiti siya sa akin. Sa ngiti niya na yun, parang hudyat na pinapapasok niya ako sa buhay niya bilang kaibigan. Ngumiti din ako. Nakalma ako dahil sa pagkukwentuhan naming dalawa. Cartoons ang pinagkukwentuhan namin nun. Si Sarah at si Becky, si Cedie, si Voltes V, Goku, Ghosf Fighter at Robert Akasuki (Masked Rider Black).

Puro kami tawa, hanggang dumating si Mommy na humahangos, patakbo akong sumalubong sa kanya at yumakap, gusto kong umiyak at magalit sa kanya, magmaktol dahil kinalimutan niya ako. Pero naisip ko na makikita ako ng bago kong kaibigan, ewan kung bakit agad-agad ay naisip ko na kaibigan ko na siya.

Lumingon ako sa kanya, tumayo na siya sa kinauupuan namin, pinagpag ang palda niya at kumaway sa akin. Ngumiti ako at kumaway sa kanya na medyo nahihiya. Ewan ko kung bakit ako nahihiya.

 Lumipas ang mga linggo, at lagi na kaming nagkukwentuhan kapag naghihintay ng sundo. Madalas ginagaya ko pa ang mga fight scenes ni “Masked Rider Black” habang may imaginary akong kalaban. Buong atensyon siyang nakikinig, pumapalakpak pa minsan. Tuwing nanonood ako ng palabas na yun, tinatandaan ko pa yung kuwento, kasi ikukuwento ko yun sa kanya. Siya naman, ang kinukuwento niya madalas yung tungkol sa aso niya. Nakikinig din ako, pero pag naiinip na ako, iniiba ko na yung topic. Ayaw ko kasi sa aso noon.

 Sa umaga, iniintay pa niya ako bago pumasok ng room namin. Mas nauuna siya laging dumating sa akin. Nagrequest na din yung mommy niya na maging seatmates kami. Hindi nga ako bumibili ng gamit noon, tanda ko pag mayroon siyang bagong gamit, mayroon din ako. Sabi ni Mommy, mag-thank you daw ako sa Mama niya kasi binibilan din ako ng gamit kapag bumibili sila.

 Minsan, pag kami naman ang nasa mall, bumibili din si Mommy ng pangbabae na gamit. Nagtataka ako kung bakit bumibili siya nun, sabi ko pareho naman kaming boy ng kapatid ko. Sabi nya, ibigay ko daw sa kanya, kasi ang dami na daw nabili ng mama niya para sa akin. Hindi ko naintindihan yun, pero sumunod ako kay Mommy. Kinabukasan, binigay ko sa kanya, tuwang-tuwa siya. Niyakap niya ako, tapos nagsabi ng “thank you”. Unang beses na may yumakap sa aking babae na hindi ko kamag-anak, at nung punto na yun, ‘di ko alam kung anong pakiramdam yun.

 Sabay kaming kumakain, madalas pa nga niya akong ilibre, nauubos kasi yung pera ko sa pagbili ng “teks”, “pogs” at holen.  Pag nakikita niya akong walang kinakain, nililibre niya ko. Hindi iilang beses na hinahati niya yung baon niyang tinapay para ibigay sa akin. Alam niyang mahilig ako sa chocolates, kaya kapag may padala yung Papa niya, panigurado may supot na nakalaan para sa akin.

 Hanggang isang araw, may nangyari sa school. Napatawag yung parents ko at nung kaklase ko na bully. Binira ko sa panga yung kaklase ko, paano, naglalaro kami nung break nang biglang agawin yung “teks” ko. Nagalit ako at hinablot yung “teks” ko mula sa kanya, kaso napunit. Sa halip na mag-sorry, mukhang nature na ng mga bully ang lalong mang-inis, pinagtawanan pa ako at initsa sa mukha ko yung punit na “teks”, nandoon siya noon.  At tanda ko na pinipigil niya yung bully at pinapaaalis na, nanonood kasi siya habang nakikipaglaro ako ng “teks”.

Inaawat niya kami, pero wala siyang nagawa, sinapak ko yung kaklase ko. Umiyak, at sinapak din ako. Batang-bata ako noon, nakikipagrambol ako. Sa dulo, wasak yung polo ng kaklase ko, umiyak at nagsumbong sa teacher, sa tangkad ko ba naman, paniguradong dehado siya sa akin. Tinawag yung magulang namin, tinawag din siya para ikuwento yung nangyari. Nang tinanong kung sino ang unang nanapak, sinabi niyang ako, pero sinabi niya din na una kaming ginulo ng bully. Nagalit ako sa kanya, hindi niya ako pinagtakpan.

 Pag-uwi ng bahay, sinunog lahat ng Daddy ko yung “teks” ko, siya pa ang naglagay ng posporo, iyak ako nang iyak, habang iniisip ko siya, siya ang sinisisi ko, dapat pinagtakpan niya ako kasi kaibigan niya ako. Pinalo pa ako noon dahil ayaw kong sunugin lahat ng “teks”, napagalitan ako dahil sa “teks” lang daw eh mangbabasag ako ng mukha. Naaayos naman ang gulo, at muli kaming pumasok, hindi na lang kami nagpapansinan ng kaklase ko, at ako, bawal nang bumili ng “teks”.

 Pagpasok ko, nandoon siya naghihintay sa dating puwesto. Dumaan ako sa kanya na parang walang nakita. Humabol siya sa akin, humawak sa kamay ko tulad ng normal na ginagawa namin dati, pero padabog na binawi ko ang kamay ko. Nagtataka marahil siya, dahil dati, magkahawak-kamay kami na papasok sa room habang hila-hila niya ang bag niyang may gulong. Umupo siya sa dati naming puwesto, pero lumipat ako ng upuan, galit ako sa kanya, napalo ako at sinunog ang “teks” ko dahil sinabi niya na ako ang naunang nanuntok.

Nagtataka pa din siya, pero pinabayaan niya ako. Nag-check na ng attendance ang teacher, nagtataka siya dahil sa ibang table ako nakaupo. Pabiro pa siyang nagtanong ng, “oh bakit diyan ka nakaupo? Bakit ‘di ka sa tabi ng friend mo?”. Na padabog kong sinagot ng, “di ko naman po friend yan eh!”.

 Umiyak siya, tahimik lang siyang umiiyak na wala halos nakapansin, pero ako, kitang-kita ko ang ilang luha na mabilis na pumatak. Napakasakit yata ng sinabi ko. Para akong naguilty bigla, pero naiinis pa din ako sa kanya. Kaya patuloy ko siyang ‘di pinansin.

Recess nang muli siyang nagtangkang lapitan ako, pero gaya ng dati, matatalim na irap ang ibinigay ko sa kanya. Inaabutan niya ako ng chocolates na nasa supot ng yelo, nakatingin siya sa akin at sinabi na pinabibigay ng Mommy niya.

Hindi ko siya pinansin, sabi ko, ‘wag na siyang lalapit sa akin kahit kailan. Akala ko kasi kakampi ko siya, hindi pala. Umuwi ako na ‘di na ulit kami nag-usap, pagdating ko sa bahay, ibinaba ko yung bag sa mesa. Kinuha ni Mommy para itapon yung laman ng lunch box ko, nang sinabi ni Mommy na, “binigyan ka niya ulit ng chocolates, kuya?” Nagtataka ako sa sinasabi niya, kaya lumapit ako sa kanya. Noon ko nga nakita yung chocolates na nasa supot ng yelo. Nakalagay sa bag ko.

 Ilang araw pa na tiniis ko siya, hanggang isang tanghali na uwian, nacorner niya ako, at napilitang makipag-usap sa kanya.

“Bakit ka ba kasi galit sa akin?”

“Kasi di mo kinampihan?”

 “Ha? Paano?”

“Sinumbong mo pa ako, na ako unang nanuntok!”

“Eh, nagsabi lang naman ako ng totoo, sabi ni teacher dapat daw di nagsisinungaling”

“Eh di ba sabi din ni teacher kapag friends dapat tinutulungan? Alam mo ba pinalo ako tapos sinunog lahat ng teks ko!” (Lumalakas yung boses ko, yumuko siya, alam ko umiiyak siya. Lalo noong sinabi ko na pinalo ako).

“Sorry, di ko kasi alam na ganun mangyayari.”

“Sorry-sorry… tapos sasabihin mo ngayon yan!”

Tumalikod ako at iniwan ko siya. Alam ko na umiyak siya, siguro pakiramdam niya napakalaking kasalanan ang ginawa niya. Amag akong mag-isip noon, totoo namang wala siyang kasalanan. Ilang araw pa, nagulat yung klase kasi sinabi na aalis na daw siya next week. Magkalayo pa din kami ng upuan kaya kahit na gustong-gusto ko siyang tanungin kung saan siya pupunta, ‘di ko magawa. Bigla akong naguilty, naisip ko, aalis siya sa school kasi inaaway ko.

Kaya kahit na hiyang-hiya ako, noong recess bumili ako ng dalawang ice drop na pinipig. Kabang-kaba ako na baka ‘di niya ako pansinin, pero lumapit pa din ako sa kanya, inabot ko yung pinipig. Nakatingin siya sa akin, na parang takang-taka.

 Pero inabot pa din niya, tapos umusog nang konti sa bench na inuupuan niya, hudyat yun sa akin na tumabi na sa kanya na maupo. Kumakain na kami, pero ‘di ko malaman kung paano ko sisimulang magsalita.

“Wag ka nang umalis, hindi na kita aawayin. Pramis”

 Tumawa siya.

“Pramis talaga, cross my heart (sabay lapit ng ice drop sa may bandang puso ko, natuluan tuloy ng ice drop yung polo ko)

“Ay, natuluan ka oh?” Tiningnan ko yung tinuro niya, oo nga, meron. Kinapa ko yung bulsa ko kung may panyo, wala akong makita. Inilabas niya yung panyo niya na maayos na nakatupi, pinunasan yung polo ko tapos yung sa may pisngi ko. Tumahimik na ulit siya at itinuloy yung pagkain ng ice drop.

“Di ka na aalis?” tumingin siya sa akin.

“Eh si Mama kasi, sabi sa Manila na kami titira. Ayaw kong maiwan nila Mama, kahit gusto ko dito kasi may mga friends ako dito.”

“Hindi ba pwede na huwag na kayong lumipat?”

“Eh sinabi ko nga kay Mama, di ko alam kung bakit hindi pwede.”

“Eh paano na yan, aalis ka na?”

“Wag ka na malungkot”, ngumiti siya, sa akin.

“Eh bakit hindi, aalis ka nga, di ba?”

“Di naman ngayon, sa isang Saturday pa yun, ‘di pa ngayong Saturday, madaming bukas pa yun, ‘di pa ngayon”  nakatawa pa din siya, parang sa sinabi niya ay nagbago ang daloy ng oras at mas tumagal ito.

“Ano ba pagkakaiba nun bukas at ng ngayon? Aalis ka din?”

 “Ngee.. pag ngayon, nakalulungkot na talaga, pag bukas ibig sabihin, pag gising ko, makikita pa din kita, maglalaro pa din tayo… kukwentuhan mo ulit ako tungkol kay Robert…”

“Sinong Robert?”

“Si Akachuki… yung sumisigaw ng ‘rayder changeeee!’, di ba?” natawa ako sa kanya, ginaya niya yung paraan ko nang pagkukuwento, pati yung paghawak sa belt ni Masked Rider Black, tandang-tanda ko kung paano niya ginagaya.

 Ilang linggo nga ang mabilis na dumaan. Nung huling araw na pumasok siya, ‘di ko alam kung bakit ‘di ko mapigilan umiyak, Biyernes nun, at maghapon kami na nasa school, sinadya namin na huwag umuwi agad. Hapon na nang sinundo siya ng Mama niya, nung gabi din na yun yung biyahe nila papuntang Manila. Bago siya umuwi, niyakap niya ako. Ewan ko kung bakit ako umiiyak nun, sa bata kong katwiran, alam ko na daig ko pa ang naagawan ng laruan o ng teks.

Sabi niya ‘wag na akong mag-aaway, tumango ako. Bago siya tumalikod para puntahan yung Mama niya sa gate, may ginawa siya na nagpabigla din sa akin. Hinalikan niya ko sa pisngi, tsaka siya tumalikod at kumaway sa akin na nakangiti.

Tanda ko, ilang beses din kaming nagkapalitan ng sulat noon. Wala pang FB noon o Friendster, hindi pa din ganap na uso ang internet. Kahit nga cellphone na pangtext, wala pa noon. Hindi ko din alam kung ako ba o siya yung humintong sumagot sa mga sulat. Mabilis akong lumaki noon, nagkaroon ng mga bagong kaibigan at kalaro, mga bagong karanasan ng pagiging bata. Mga bagong alaala at ‘di sinasadya’y natabunan na ang alaala na ito.

Maniniwala ka ba na hindi ko nga matandaan ang pangalan niya, pero yung lahat ng alaala na nagkaroon ako kasama siya, hindi ko makalimutan.

 Lahat daw ng tao makakaranas magmahal, at lahat ng tao may kanya-kanyang panahon at pagkakataon. Minsan, hindi kasi sumasakto ang daloy at agos ng pangyayari, kaya madalas ang pinapangarap na love story ay nauuwi sa masaklap na horror at comedy. Minsan sa pagmamadali mo, hindi mo na nabibigyang halaga ang mgg simpleng pangyayari sa buhay mo.

Sa kahahanap mo, katatanaw sa hirap na hirap kang maabot, hindi mo napapansin, hawak mo na pala yung kamay niya. Hindi naman daw lahat ng magandang love story ay istorya ng dalawang tao na nagkatuluyan, nagpakasal at namatay na magkasama.

Ibig bang sabihin kapag naghiwalay kayo ng dati mong napili, hindi na yun magandang love story? Mali siguro, di man kayo nagtapos nang maganda, wag mong sasabihing naging pangit ang love story mo kasama niya, ang katotohanang nagmahal ka nang totoo ang isang napakabigat na sampal sa ’yo ng realidad, na kahit pa istoryang pangpelikula ang buhay pag-ibig mo kasama niya, nasaktan, umiyak at tumawa ka, walang makapagsasabing hindi ito maganda. Yun nga lang, iba-iba kasi ng ending ang bawat pelikula at nagkataon lang siguro na yung sa ’yo, wala nang sequel na kasama. May pagkakataon na, ang isang magandang love story ay nakakulong na lang sa isang napakagandang alaala na ang sarap ibahagi sa iba.

 Kung tatanungin mo ako kung hahanapin ko ba siya, isang malaking “hindi ko alam” ang makukuha mong sagot. Hahayaan ko na lang siguro yung tadhana ang magpasya. Siguro, kung magkikita man kami ulit, magpapasalamat ako, kasi hindi ko man alam noon kung ano ang ibig sabihin ng love, at least ngayon, pag binabalikan ko lahat ng alaala na mayroon ako tungkol sa kanya, tatango ako at sasabihin, “oo nga, siya nga, ang unang babaeng nagparamdam sa akin ng putragis na love na yan, kahit na nga huli ko nang nadama”.

author:   mga-sulat-kamay

p.e./mj