“Magandang umaga” sabi ko sa sarili ko. Sabay pasok sa banyo at upo sa trono. Sipilyo sabay diskarga ng mga bagay na nagpaligaya sa akin. Pilit na ginagawang blangko ang isip. Ito yung oras na payapa at walang pasakit na maririnig.

Makalipas ang limang minuto, kailangan ko nang ma-impeach sa pagkakaupo at sumilong sa kanlungan ng aming shower. At muli kong binakante ang isip ko. Hindi ko inisip ang pamilya o ang trabaho. Akin itong oras na to. Masarap sa balat ang lagaslas ng maligamgam na tubig. Ngunit kailangan ko na rin magpaalam sa duyan ng aking payapang lugar.

“Magkikita ulit tayo mamaya,” sambit ko sa aking sarili.

At tuluyan ko nang sinuot ang aking baluti. Panglaban sa init ng araw at init ng ulo. “Siyam na oras na naman. Kaya ko to. Para kay junior!” habang pasakay ako sa service. At heto na, nandito nako sa lugar ng sagupaan. Malamig rito. Ang mga tao ay gawa sa resin. Napakasarap ng bawat minuto.

Yari, nauna na naman siya sa akin dumating. Panibagong armas na naman laban sa akin”. Ang kanyang kapangyarihan ay higit na malakas kaysa sa akin. Gamit niya ang kapangyarihan ng hangin. Napakabangis ng kanyang mga armas at nakakaya nitong guhitan ang aking dibdib.

“Syet! Ang lupit magpatama!” sa isip isip ko. “Sige lang, magpalipad hangin ka, may depensa ako dyan…”. Hindi ako gumagalaw o kumikilos at hinahayaan kong matapos ang unos. Sabi nga sa mga online forums “do not feed the trolls“. Sabi ng isa kong kaopisina, ituloy mo ang buhay mo at ‘wag mo sila pansinin. Hindi sila ang dahilan mo kung bakit nandito ka. May bahid ng katotohanan nga naman. Pumasok na rin sa isip ko na umalis, pero magmumukha akong talunan. Tuloy lang ang laban!

Ang hirap talaga pero kakayanin ko to. Matatag na pundasyon ang kailangan para sa unos. Para hindi ka matangay. Matatag na sandigan. Masasabi ko na dito sa ibayong dagat ay matindi talaga ang populasyon ng mga utak talangka. Nanaisin nila na ibagsak ka. Yung iba, ginagawa ito dahil gusto ka nilang angatan o kaya naman eh sadyang masaya lang sila na nakakapagpasama sila ng loob ng kanilang kapwa. Bully! Yun ang tawag sa kanila.

Maraming tao sa Pinas ang nagsasabi na ang mga OFW ang mga bagong bayani. Mali sila dun. Hindi lahat ay bayani. Mayroon ring kontrabida na nangingibang- bayan. Masarap makipagtunggali sa mga ibang lahi. Pero kung kapwa mo Pinoy ang sumisira sa ‘yo, para ka nang naglaro ng Diablo III sa Inferno level.

Nakabubuwisit. Nakaiinis. Nakasisira ng araw. “Pinoy ka ba?” karaniwang tanong ng mga kapwa ko Pinoy sa kalaban. Nakalulungkot isipin. Parang ang sarap nang umuwi ng Pinas kasi alam mo na nabawasan ang mga taong utak talangka, mga nasa abroad ang karamihan sa kanila.

Kapag umuwi ka naman ng Pinas, walang naghihintay na ginhawa. Baka maaaring break even lang rin ang pamumuhay. Malamang lugi ka pa. Salamat sa gobyerno natin. Laban sa Philippines 2000 Angat Pinoy Strong Republic daw sa Matuwid na Daan. Pweh!

Nakatapak lang sa semento, nag-iba na ugali” karaniwang hirit ng mga taga lungsod sa mga probinsyanong yumabang nang mapadpad sa Maynila. Totoo rin yan rito sa ibayong dagat. Maaaring nyebe, buhangin o kahit na ano mang sahig eh nakakapagbago ng ugali ng tao. O ‘di kaya ay nakalalagas ng mga balat- kayo at lumalabas ang natural na kulay. Umasenso lang ay hindi na marunong makipagkapwa tao.

Kaya sa mga nagbabalak mangibang-bayan, utang na loob, kung sablay ang ugali mo sa Pinas, diyan ka na lang. Pumapangit ang tingin ng mga ibang lahi sa atin dahil sa mga Pinoy na hindi naman pala Pinoy sa ibayong dagat.

 author:  Pepeng Manunulat

p.e./mj