Kasalukuyan akong nag-oonline marketing. Oh di ba, sosyal ang lola mo, paupoupo lang sa umaandar na silya.  Pero sa likod ng aking pagkata oay naroon ang katotohanang isa akong taga-bukid at madalas akong tawaging ‘probinsyana’, so what? Ang kuwento ko ay tungkol sa kung paano simulan ang pagpapa-unlad sa sarili.

Makailang beses ko nang sinabi na lumaki ako sa bulubundukin ng Bukidnon na kung saan ito ay malayo sa kabihasnan. Aaminin ko na, sekreto lang natin ito ha, hindi naman talaga ako nakapagtapos ng pag-aaral, drama ko lang ang pagtatapos sa college. Ilang linggo lang yata ako nakatuntong sa University eh, ultimo pamasahe kasi mula bukid namin hanggang paaralan ay hindi talaga kinaya ng tatay ko. Hindi ko naman puwedeng isangla o ibenta ang scholarship ko. Kaya naman three weeks lang ay nag-drop out na ako.

Taong 2008, nagsimula akong makipagsapalaran, namasukan akong tagahugas ng pinggan sa isang karinderya sa aming probinsya, 500 pesos ang sahod ko kada buwan. Kahit papaano may naiaabot ako sa nanay ko pambili ng bigas at gaas pangreload sa aming lampara sa kubo. Pero hindi ko kinaya nang matagl ang pagiging tagahugas dahil nagkasugat sugat ang aking mga kamay.

Napadpad ako sa Maynila, sa tiyahin kong kuripot ako nakituloy, limitado ang pagkain, ginawa rin akong alipin. Nagpursige ako sa paghahanap ng trabaho. Sa awa ng Diyos ay nakapasok ako bilang ‘janitress’ sa LRT. Hmmm, totoo ang nabasa mo, ako, as in ako, nagkuskos ako ng hagdanan ng LRT, nagwalis ako ng kalat ng mga walang disiplinang kababayan ko.

Malamang kung tatanungin mo ang mga janitor at janitress ng LRT line 1 at line 2 ay kilala nila ako. Hindi ko malimutan ang araw na naaapakan ng mga pasaherong nagmamadali ang kamay ko habang inii-scrub ko ang hagdanan ng Edsa Station, maluhaluha ako noon sa sakit at dala na rin ng pagod. Isang lalaki noon ang nakapansin sa akin, sinabi niyang ‘Miss, sayang naman ang ganda mo kung nagkukuskos ka lang dyan’. Aaminin kong nahiya ako, at ang sinabi niyang iyon ay tumatak talaga sa bungo ko.

Sinubukan kong mag-apply sa Qatar noon, bilang Domestic helper kasi nga wala naman akong pinag-aralan. Pero dahil 18 pa lang ako noon, hindi ako natanggap. Nag-apply ulit ako bilang waitress sa Saudi, bumagsak naman ako sa interview sa tanong na ’ What will you do if your costumer didn’t like your service?’ Sinagot ko ay ‘’ I don’t care, customer wouldn’t give me salary’’ hehehe. Kaya naman, denied ang application ko. *sigh*

 2009, nakilala ko ang isang kaibigan sa LRT, nagtatrabaho siya bilang ‘therapist’ sa isang kilalang tao sa showbiz na may beauty clinic sa Libis Quezon. Nirekomenda niya ako, and with God’s grace ay natanggap naman ako, kaya agad-agad akong nagresign sa pagiging janitress ng LRT.

Dahil nature ko na (raw, sabi ng CEO) ang pakikipagsales talk, pinadala niya ako sa Bangladesh,  Thailand (hindi ko na iis- isahin ang mga bansa) para ipromote ang aming cosmetic products. At my age, kahit tourist visa lang ako, kinaya ko ang pagtravel mag-isa, gamit ang map ng bansang pupuntahan ko at hotel na tutuluyan ko. Likas akong palaban at matapang sa buhay, nais ko kasing tulungan ang pamilya ko, ayoko nang nakikita ang tatay kong maghapon sa bukid na  uugod-ugod at minsan ay nadarapa sa batuhan naming bukirin, ngunit kulang pa rin.

Habang nasa ibang daigdig ako, unti-unti akong namulat sa makabagong mundo, nahasa ang aking talento, at natuto sa buhay. Doon na rin ako natuto sa larangan ng madugong pakikipag-English-san. Sa tuwing wala akong ginagawa ay nag-aaral ako online, nagbabasa, at nagreresearch.

Umuwi ako sa Pilipinas bitbit ang mga bagong kaalaman at karanasan. Nagtayo ng bagong branch sa Sta. Lucia ang kompanya at nais ng CEO na gawin akong manager doon (peksman).  Pero tumanggi ako at sa halip ay nag-resign. Puwera biro, nagresign ako, dahil gusto kong magtrabaho sa ibang bansa. Sa ibang bansa kasi mas malaki ang kita, mas maraming oportunidad, mas matutupad ang pangarap ko. I am still thankful to that company, I owe them an experienced.

I contacted my foreigner friend in Dubai, nakilala ko siya sa isang conference sa Thailand, natutuwa siya sa akin, sobrang talino ko raw kasi sa mura kong edad. Nagpatulong ako sa kanya hinggil sa visa patungong Dubai and finally, he provided me. Wala akong kahit isanga certificate, kaya ang hirap humanap ng trabaho. Naging cashier ako sa isang Chinese supermarket, at dahil nga mahusay ako makipagtalastasan, nadiscover ako ng isa naming regular Chinese costumer sa supermarket na may-ari ng katabing Real Estate. Binigyan niya ako ng ‘Job offer letter’ at 3 days free training. I got my certificate and licence.

 Doon na nag-umpisang nagbago ang buhay ko, ang dami kong natutunan. At dumami rin ang kaibigan ko at tinatawag ko silang ‘sponsors’ dahil utang ko sa kanila kung anong mayroon ako ngayon. Walang monkey business, professional sila at alam nila ang istorya ng buhay ko kaya bukas ang palad nila. I respect myself so they respect me that way too.

 Here I am, kasalukuyang ngumangatngat ng dulo ng lapis kasi naubos na ang eraser, habang ina-update ang property list at naghihintay ng tawag mula sa aming mga kliyente. Pero sa kabila ng lahat ng ito, proud bisaya ako, proud probinsyana, at proud sa pamilya kong magbubukid. I never changed and never will, pag-uwi ko sa amin, tutulong pa rin ako sa tatay ko magtanim ng mais, palay at magbunot ng damo, magpapayong nga lang ako.

Isa sa aral na aking natutunan ay hindi porket ipinanganak kang dukha o lumaki kang pulubi ay hahayaan mo nalang na ganun ka habang buhay. Mangarap ka ng malaki samahan mo ng dasal at sikapin mong abutin kung maari ay sungkitin mo. Walang kabuluhan kahit nag-aaral ka sa pinakamahal na eskwelahan kung wala ka namang pangarap na gusting tuparin at wala kang lakas ng loob sumubok sa isang bagay. Walang imposible. Wala ring mawawala kung iyong susubukan.

I made my tatay and nanay proud of me. Kung bakit? Dahil, isa lang naman akong hamak na magbubukid sa aming probinsya, walang tinapos kumpara sa mga kapitbahay naming graduate ng kolehiyo pero nasa bukid sila nagtatanim. Nasayang ang mga taon na ginugol sa koliheyo at pera na ginastos.  Ang aral higit sa lahat, ilang beses man akong nabigo at nadapa , I never lose hope. I believe in God.

author:    aimeeindubai

p.e./mj