White Lady     (Photo Credit      Daekazu.deviantart)

White Lady (Photo Credit Daekazu.deviantart)

ANG KWENTO NI JULIAN:

 Hindi naniniwala sa mga bagay na hindi maipaliwanag ng siyensya si Julian.

Naniniwala siya na ang mga multong anemic dahil laging kulang sa dugo ang itsura, kapreng nagka-cancer sa baga kakatabako, mga ufo na mukhang nagkatotoo lang sa tulong ng photoshop at kung anu-ano pang kyeme nang mga weirdo ay pawang imahinasyon lamang. Gawa-gawa lamang nang mga taong hanggang ngayon ay naniniwala na sasalbahin tayo kapag nakumpleto ang pitong dragon balls.

Hindi niya alam na darating ang panahon na kakainin niya na parang enseladang ampalaya lahat nang sinabi niya, kung saan pipilitin ng kanyang esophagus na lunukin ito diretso sa naghihintay niyang digestive system.

Pagkatapos nang isang araw sa eskwelahan, umuwi na siya.

Malamang, may choice ba siya?

Kadiliman ang sumalubong nang buksan niya ang pintuan. Nakakabinging katahimikan ang bumulaga sa buong lugar. Binuksan niya ang ilaw sa may kusina upang kahit papaano’y magkaroon ng liwanag ang lugar.

Pinilit din niyang buksan ang ilaw sa may hallway ngunit napundido na pala ito. Tinamad na raw magfunction ang bumbilya.

Pinakiramdaman niya ang nakalinyang mga pintuan sa kaliwa’t kanan.

Mayroon kasing anim na kwarto dito. Overall, mayroon siyang pitong mga kaboardmates dahil nagsama sa isang kwarto ang magkapatid na lalake. Oo, bromance. Nag-iisa lang ang kanyang boardmate na babae. At AKO yun.

“Mukhang walang tao,” nasabi niya sa sarili.

At naalala niya na sabado nga pala noon. Kapag papatak na ang sabado, kung nag-aaral ka sa Baguio City, malamang, uuwi ka pabalik sa iyong pinakamamahal na probinsya. Home sweet home. Pagkatapos ang mini segment nang kunwaring Detective Conanna palaisipan kung nasaan ang mga pasaway niyang mga kasama, pumasok na siya sa kwarto.

Dumaan ang ilang saglit ay pumunta siya sa banyo upang pawiin ang dagok sa kanyang pantog. Inshort, umihi. Ginawang makata lamang ang deskripsyon.

Muli niyang binuksan ang ilaw. At nadiscover niya na pati ang bumbilya sa banyo ay natapos na ang lifespan.

Ngunit kahit madilim ay sinuong niya alang-ala sa kanyang pananagutan na kahit kailan hindi siya magkakaroon ng sakit sa bato. Yun nga lang, binuksan niya pa rin ang pinto para kahit papano’y may pumasok na liwanag.

Bigla siyang nakarinig ng mga yabag na tila papunta sa kanyang kinaroonan.

Pero iniisip na lang niya na baka pinagtritripan siya nang kanyang pagod na utak. Pinagpatuloy niya ang kanyang gawaing pangtao.

Pagkatapos ng ilang saglit ay tila napahinto ang mga yabag.

Nakaramdam din siya na tila may sumisilip sa kanya.

Bigla tuloy siyang kinabahan at napalunok sa kaba. Mukhang totoo pala na mayroong nagmumultong kung anu man na tila pinaglihi sa mamboboso.

Pero napailing na lang siya. Guni-guni lang lahat. Tinatakot niya lang ang kanyang sarili.

Bigla tuloy nahiya yung “fountain of youth” na pinipilit niyang tanggalan ng uric acid. Pagkatapos ang ilang segundo, ay nakarinig siya ng sigaw. Sigaw na matinis at basag ear drums daig pa ang isang playlist ng metallica. Doon na talaga siya pinasukan ng takot sa balat.

Kaya napatingin siya sa direksyon ng multong bastos at nagulat siya…

Dahil wala namang nandoon.

Agad siyang humarurot sa kanyang kwarto at kinulong ang sarili. Nang mahimasmasan na siya, nanuot na ang paglandi sa kanya ni Sleeping Beauty. Kaya’t nahiga na siya at dumiresto sa Stage 4, REM.

Hindi pa man din natatapos ang isang episode ng Walang hanggan sa kanyang panaginip ay bigla siyang nagising sa amoy nang kandila. Lumabas siya sa kanyang kwarto ngunit ganoon pa rin ang estado ng bahay: walang tao. Sinampal na lang niya ang sarili para magising ang inaantok pa niyang brain cells. Kaya’t pumasok ulit siya sa kwarto.

Ikukulong na sana niya ang kanyang sarili sa yapos nang kanyang makapal na kumot na may design ni Sponge Bob  nang makarinig siya muli ng mga yabag.

At lalong tumindi ang amoy ng kandila.

Doon na talaga siya tuluyang nagising.

Nagsi-taasan na isa isa ang kanyang balahibo. Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso na abnormal sa usual heart rate. Bigla siyang nanlamig kahit matagal nang malamig dahil nasa Baguio nga siya.

Pero kahit ganun pa man, nilakasan niya ang kanyang loob. Tutal, ito na ang kanyang tyansa para matuklasan kung totoo nga bang mayroong mga kaluluwang sadyang hindi matahimik.

Kaya kahit nanginginig ang kanyang mga kamay, binuksan niya muli ang pinto.

Nakita nya ang isang babaeng may mahabang buhok na nakaputi at may tangan nang kandila. Nanlaki ang kanyang mga mata. Bahagya siyang umalis sa pinto upang mas mapalapit sa itsura ng multo.

At unti-unti…

 Ay biglang…

 Pumihit…

 Ang ulo…

 Nito…

 Patungo…

 Sa kanyang….

 DIREKSYON.

 TININGNAN SIYA NG MULTO.

Wala itong halos puti sa mata at puro itim lamang ang umukupa sa kanyang eye sockets. Magulo din ang buhok nito na tila kailangan mong regaluhan ng suklay.

Napadasal sa takot si Julian. At iyon ay ang pamosong “ Holy Father.”

 Pero hindi siya nag-iisa.

Sumabay din sa kanya ang multo.

 Sabay na sila ngayong nagpra-prayer vigil.

Tila nanlambot na spaghetti pasta ang buong kalamnan ni Julian sa takot. Nilalamon na ang kanyang buong sistema nang hindi maipaliwanag na emosyon. Sa buong buhay niya, ngayon lang niya naranas ang ganitong klase ng pagkatakot. Kaya kahit wala na siyang natitirang lakas ay bigla niyang tinulak ang sarili sa nakabukas na pinto ng kanyang kwarto.

At saka na siya nawalan ng ulirat sa loob mismo ng kanyang kwarto.

ANG KWENTO  KO:

Kakatapos lang nang pambubuska sa amin ng professor sa thesis. Wala daw kwenta lahat ng ginawa namin. Kaya nagmukha tuloy kaming  parang isang koleksyon ng mga basura sa Smokey mountain, itinapon na lang at walang kwenta. Parangyung plagiarized thesis ko na halos lahat kinopya sa Wikipedia.

Pero kahit napagod din ang tenga ko sa mga masakit na katotohanan na talagang peke ang kunwaring thesis ko, tumambay ako sa library. Hindi para magresearch. Kundi lunurin ang utak ko sa kwento nang isang bampirang binuhusan ng glitters kapag nasisikatan ng araw na nagmahal nang isang masokistang babaeng bida.

Pagkatapos mapagod kakabasa, umuwi na rin ako.

Hindi ako dumaan sa mismong pintuan dahil hanggang noong araw na iyon ay hindi pa binabalik saken yung susi. Ipapaduplicate kasi ng boardmate ko. Kaya ang siste, dumaan ako sa likod bahay na madaling buksan basta wag lang ilo-lock ng todo.

Nakabukas na ang ilaw sa kusina. Pero walang ilaw sa hallway. Pundido kasi.

Nabahala naman ako dahil parang may gripong nakalimutang isarado sa may banyo. Pumunta ako sa may tapat. Walang ilaw pero nakabukas ang pinto ng bahagya. Nakaramdam ako na parang may tao sa loob. Pero para makasigurado, tiningnan ko pa rin.

At NAPASIGAW ako dahil totoo ngang may tao. At hindi gripo ang tumutulo kundi yung…alam na ng mga lalaki yun.

Nagkasala pa tuloy ako ng araw na iyon.

Kaya kinulong ko na lang ang sarili sa kwarto. Pagkatapos ng ilang saglit, nakatulog na rin ako sa pagod. Hindi ko na nga napalitan yung suot ko na mahabang PUTING DRESS.Pero isang oras pa lang ang nakakaraan ng magising ulit ako. Humihiyaw na kasi sa gutom ang nagrereklamo kong tyan. Kaya’t binuksan ko ang ilaw sa kwarto. Pero walang liwanag na bumulaga. Kahit madilim, pumunta ako sa kusina. Binuksan din ang ilaw. Dumungaw din ako sa labas. Madilim ang mga bahay.

Black Out.

Kaya kahit nangangapa ay bumalik ako sa kwarto para magsindi ng KANDILA.

Bumalik ako sa kusina. Pero papaalis pa lang ako ng kwarto nang maramdaman ko na tila may nakatingin sa akin. Nahintatakutan ako bigla.

Kaya…

 Unti-unti…

 Ay…

 TININGNAN KO SIYA.

Kahit na may kandila ay malabo pa rin yung nakikita ko. Kaya sa takot ay napadasal ako ng pamosong “Holy Father.”

Kaso, nagkasabay naman kami ng kung sino man. Pero wala pa sa kalahati ay sumuko na siya sa panalangin. Sabay pasok sa kwarto.

At doon ko lang narealize…

Na si JULIAN pala iyon.

Sa dulo kasi yung kwarto niya at namukhaan ko na rin siya pagktapos magbuffer ng utak ko for approximately 15  milliseconds.

 Kinuwento sa akin ni Julian ang nangyari kinabukasan. Halata sa kilos niya na tila may trauma siya sa nangyari. Kaso, dahil nanuot ang kamalditahan sa circulatory system ko, hindi ko pa rin nasasabi hanggang ngayon na grumaduate na ako at naka-alis na sa Baguio na AKO yung napagkamalan niyang MULTO.

 Wag ka nga lang magsusumbong.

author:   bangsoverload

p.e./mj

 

Enhanced by Zemanta