Bumaligtad pa man ang mundo, Pilipino Ako!

Bumaligtad pa man ang mundo, Pilipino Ako! (Photo credit: bcsia)

Bakit kaya may mga Pilipino na kapag nakapunta ng ibang bansa yumayabang? Hindi naman din lahat, dahil OFW naman din naman ako. Pero base sa aking nauulinigan sa aking paligid, base sa aking nakikita at base sa mga nakasasalamuha kong mga Pilipino, mapapansin mo talagang iba ang kilos at tono ng pananalita ng ilan kumpara sa ibang Pilipinong kilala ko.  Para bang may halong pagmamataas. Baka naman isipin ninyong na-iinggit lang ako, hindi ah.

May mga pagkakataon kasing nag-oover-acting si kabayan, katulad nitong isa na kaharap ko ngayon. Nasa office lang naman namin siya, naghihintay sa boss namin para raw sa tenancy contract niya. Eh puwede naman niyang sabihin sa akin, ang sabi, confidential daw. Ini-english pa ako. At nanlaki ang mga mata ko, nilabas ni kabayan ang laptop niya, pati i-pad at i-phone, nang sabay sabay ha. Sabay din tanong sa akin ng ‘Miss, anong password ng wifi n’yo’?

Gusto ko na siyang pandilatan kaso baka isampal sa akin yung mga gadgets niya. Ano yun, sabay sabay siyang mageFB sa tatlong gadgets? Or baka gusto niyang ipamukha sa akin na rich na siya? Pakialam ko naman noh.

Ilan sa mga ka-oa-han at at kaartehan ng ilan sa mga kababayan na madalas talagang magpapataas ng kilay mo ay ang mga sumusunod:

**Naka-short sa Disco o Mall— Alam naman nilang bawal ang short sa UAE, at alam nilang mga malilibog ang mga tao sa paligid nila, at alam nilang sa disco o mall ang destinasyon nila at ibinabandera pa talaga ang legs nila. Tapos kapag nabastos, tatawag ng pulis. Respetuhin mo kasi ang sarili mo ‘te. Isipin mo ang pamilya mong naiwan sa Pilipinas. At wala ka na sa Pilipinas, respetuhin mo rin sana ang customs at tradisyon ng mga Arabo.

**Kapag nakabunggo mo sa daan, parang hindi nakakikilala ng Pilipino. Isnab, ni hindi marunong mag-sorry.

**Kapag nasa mataas na antas ng trabaho—kung makakuwento tungkol sa trabaho niya, akala mo ilang libong derhams ang sahod niya. Kesyo gustong- gusto siya ng boss niya, kesyo ang galing-galing niya sa field na yon. Yayain ko kaya magsulat ng blog sa DF o kaya bakit di na lang sa MMK niya ikuwento?

**Kung magkuwentuhan daig pa ang may-ari ng United Arab Emirates. Naku po! Ang lalakas ng boses, parang nasa Pilipinas lang. Parang sila lang ang tao sa paligid, hindi nila alam, pinagtitinginan na sila ng mga ibang lahi.  Nagmumukha tuloy silang tanga.

**Ang suot—kahit sobrang init, na para na ngang hell, makikita mo si kabayan, naka-boots with leather jacket pa, hanep ang dating; malamang akala niya nasa London siya. Ibagay mo rin sana, kabayan, nasa gitnang silangan ka.

** Kung makipaglampungan sa ibang lahi—PDA, Minsan, este, madalas ang eksenang ganito; Pilipina sakay ng kotse ni foreigner. Makikita mo talaga sa itsura ni kabayan na sobrang haba ng hair niya, kapag nginitian mo, mapapahiya ka na lang dahil hindi ka papansinin. Todo kung makahawak sa braso ni foreigner, akala mo aagawan.  Bili mo ko nito, bili mo ko niyan. Buti sana kung hindi ipinanganak si foreigner noong 1965, malamang ma-iinggit ako.

**Hihiram ng pera—Ito talaga yong nagpapakulo ng luha ko. Si kabayan, nangutang sa akin, awang-awa naman ako kasi sabi niya, nasa hospital ang anak niya na naiwan sa Pilipinas. Nagmamakaawa rin kasi siya sa akin, sabi niya, sa sahod niya ako babayaran. Pumayag naman ako, kabayan eh, sino pa ba magtutulungan?  Anak ng bagoong, nakailang buwan na ng sahod, hindi man lang ako naaalalang bayaran, 500 Dirhams din yun. Nakasalubong ko minsan sa palengke, iniiwasan na ako. Mabansagan ngang ‘mandurugas’ .

**Balik-bayan– Balik sa bayan, natural naman siguro na dagsain ka ng mga magungungutang mong kapitbahay. Kumpare at lahat ng nakakakilala sa iyo kapag nabalitaang umuwi ka na galing ibang planeta. Pero ang ilan sa OFW, hindi na ang dating simpleng Pilipino na noon ay kilala mo. Ang tao talaga nagbabago. Minsan, parang hindi na kilala yung dati niyang kakilala, minsan pa nga isnab na.

Ewan ko kung bakit ang ilan ay may ganyang ugali, hindi naman kasi porke nasa ibang bansa ka ay nasa taas ka na at nakakalamang ka na sa kapwa. Hindi ganun yun, bawat tao ay pantay-pantay sa mata ng Diyos, kaya sana matuto tayong makibagay at rumespito sa ating kapwa at paligid.  Huwag mo laging iisiping mas nakakaangat ka sa kapwa mo.  Be fair, be humble, and stay the same. Nasaan na ang pagiging palakaibigan nating mga Pilipino kung kababayan mo hindi mo kayang suklian ng simpleng ngiti man lamang.

Ikaw, anong karanasan mo sa piling ng kapwa mo Pilipino?

author:   aimeeindubai

p.e./mj

Enhanced by Zemanta