Inspiration  (Photo Credit      Truhealthquest)

Inspiration (Photo Credit Truhealthquest)

Ito ang una at pinakamahabang sulat na mababasa mo galing sa kin(sa ngayon). Pasensya na at sa email ko ginawa. Hindi pa tayo masyado nagka-usap. Actually, hindi pa naman talaga tayo totoong nakapag-usap kong tutuusin. Pero gusto kitang makilala. Marami akong tanong sa ‘yo. Maraming mga  bagay na gusto kung malaman sa ‘yo.

Marami na kasi tayong sinayang na pagkakataon e. Yan tuloy naku-konsensya ako. Dapat matagal ko na ring sinabi ito sa ‘yo. Bakit ko pa ba kasi hindi ginawa at pinaabot pa nang ganito katagal para sabihin sa ‘yo lahat. Parati mo na lang sinasabi na ok ka, and somehow masaya at ok ang lahat. Pero alam ko na alam mo, na hindi yun totoo. Napakadali lang kasing sabihin yun e. Tipong yun ang pinakanatural at automatic na sagot ng tao. Na OK LANG SIYA. Sa dami ng gusto kong malaman sa ‘yo, hindi ko tuloy alam kung paano at saan mag-uumpisa.

Minsan naman magkaroon ka ng panahon para mag-open sa kin. Para kasing napakahirap para sa yong magsabi ng mga problema mo na ni sa sarili mong magulang, kapatid at matalik na kaibigan e hindi mo magawang sabihan. Alam naman nating dalawa na simula’t sapul hindi pa tayo nakaka-usap nang masinsinan, pero malay mo sa katagalan, may madiskubre ka.  Magkasundo pala tayo sa mga ilang bagay. May isa lang akong puwedeng panghawakan, asahan mong walang lalabas at walang pangungutya kong pakikinggan ang bawat detalye ng  kwento mo.

Hindi dahil sa yun ang nararapat na gawin. Sa akin kasi, napakahalaga ang hindi lang basta nakinig at napagsabihan ng kwento at problema ng tao, ang maibahagi sa akin ang parte ng kanilang mga buhay gaano man ito kaliit, mga hinaing at reklamo man yan na pinagdadaanan nila, napakalaking bagay yun para sa akin. Walang keme at wala pag aalinlangan nilang nasasabi ang mga yun, tanda ng buong pagtitiwala.

 Sa mga magkakapatid, magkadugo’t hindi, taong simpleng natignan lang pansumandali o taong ilang minuto mo lang naka-usap, kaibigan man yan o simpleng kakilala lang meron at merong mga bagay at pagkakataon na may matututunan ka sa mga taong yun. Hindi mo man maintindihan lahat sa ngayon pero darating yung panahon na mapapa-isip ka bigla…at bigla mong maaalala. Naniniwala akong sa bawat taong makikilala mo at some point of your life, ay may purpose. Na hindi mo lang basta nakilala, ipinakilala at makikilala. Gusto kong malaman mo na ngayon palang “Isa ka sa mga taong malaki ang impluwensiya sa akin, marami akong matututunan sa ‘yo”.

Ikaw yung taong hangga’t kaya, kakayanin. Bihirang uminda ng mga sakit at problema. Pero hindi mo naman dapat kailangang gawin yun ng mag-isa kasi may mga tao pa din namang hindi lang basta nagmamalasakit sayo, mamahalin at pagkakatiwalaan ka din ng totoo. Sa kahit na anung oras mo kailanganin andyan. Hindi man sa pisikal pero andyan na nagbibigay ng walang kapagurang suporta. Huwag mong iisiping nag-iisa ka. Hindi ako masaya na marinig galing sa’yo na talunan ka, na parating nasa hulian ka ng linya pagdating sa atensyon, pagmamahal at kalinga. Kailangan mo rin ng mag-aalaga sa’yo.

 Wag mong kalilimutang nandito pa ako. Wag mong iisiping balewala ka sa akin. Sa mga pag-uusap natin at sa mga darating pa, ang mga naririnig mo sa akin, I will mean all of those. Sasabihin ko lahat yun hindi para ipahiya ka, hindi para panghinaan ka ng loob, lalung lalo na hindi para talikuran ka at sabihang pasanin at problema ka. Sasabihin ko lahat yun para ma challenge ka. Para ipaalala sayo na sa mga panahong mararamdamang mong nag-iisa ka, na wala kang matakbuhan, yung mga salita kong yun ang pagkukuhanan mo ng lakas.

Ako ang kuhanan mo ng lakas ng loob sa mga panahong walang wala ka na. Ako ang sandalan mo sa mga panahong pagod ka. Ako ang balikat na iyakan mo sakaling puno ka na. Patawarin mo ako kung sakaling mang mamali ka ng akala na iiwan kita at pinabayaan. Patawarin mo ako sa mga mabibitawan kong mga salitang makakasakit sa’yo. Patawarin mo ako sa ilang taon kong hindi pagpaparamdam o mangumusta man lang. Marami ka ng pinagdaanan, hindi man ako naging saksi sa lahat ng mga yun, masaya naman ako at nakakaraos ka paunti unti. Wala man ako dyan sa tabi mo, ang suporta ko sayo at tiwala na kakayanin mo lahat hindi nawala. Hindi mawawala. May mga pagkakataong hindi ako makiki-ayon sa sentiments mo. Hindi mo ako maaasahang gagawin ko yun lalo na pag down ka. BAKIT? Tsaka ko na lang sasabihin pag nagka-usap na tayo( para may suspense kahit na kaunti).

 Kung anuman ang pinagdadaanan mo sa ngayon, hindi ko kailangang lumagay sa katayuan mo para maramdaman ko’t masabi na hindi  kita naiitindihan. Na madali lang para sa akin na magsalita at sabihing sa’yong OK lang yan. Hindi ako doktor, guru ng anumang asosasyon, lalo ng hindi ako eksperto pagdating sa mga problema. Pero may pwede tayong gawin para kahit papano maibsan ang problema at sakit na pinagdadaanan mo(kung anuman yan)…sasamahan kita hanggat sa kaya ko. I’M SO PROUD OF YOU. Naka survive ka. KINAYA MO yung mga dumating sayo. Kakayanin pa yan. And I know you’ve learned a lot. Hindi ko sasabihing pagkakamali yung mga dumating at mga nangyaring yun sa buhay mo kundi mga LESSONS IN LIFE yun na all your life dadalhin mo para ibahagi, inspirasyon at kuhanan mo ng lakas ng loob sa lahat at mga darating pang trials sa buhay.

 Habang andito pa ako, habang may pagkakataon pa, hindi ko man masabi sa yo araw-araw, ipapaalala ko naman sa yo sa mga pagkakataong makakalimutan mo at panghihinaan ka ng loob na, ANDITO AKO. At kahit na kailan hindi ka nag-iisa sa mga giyera sa buhay. Napakasaya ko at lubos akong nagpapasalamat sa Kanya na isa ka sa mga taong huhulma at bubumuo ng pagkatao ko. Isa ka sa mga taong habang buhay kong ipagpapasalamat at ipinagkaloob ka sa akin para maging bahagi ng buhay ko.

Hindi na ako makapag hintay na makilala ka. Na makilala kang lubusan.

Maraming salamat.

author:   meldea

p.e./kf