Forgiveness      (Photo Credit      Cheriparisedwards.blogspot)

Forgiveness (Photo Credit Cheriparisedwards.blogspot)

“Paano naman kita papayuhan kung hindi ko pa nararanasan ‘yang problema mo?” “yan ang sagot ko sa kanya noong humingi s’ya ng tulong sa ‘kin tungkol sa problema n’ya. Wala din naman akong nagawa nang sabihin n’yang “pakinggan mo na lang ako, p’wede ba?” “ok, sige” sabi ko. Baka kailangan lang talaga n’ya ng makakasama at makakausap sa mga oras na ‘yon kahit pa sa taong hindi eksperiyensado sa ganoong kwento. Tumahimik lang ako at nagpatuloy s’ya. Magaling naman akong tagapakinig eh, sapat na siguro ‘yon para magkaintindihan kaming dalawa.”

 “Ayos na sana ‘yong ginawa n’yang pag-iwan sa akin at sa anak ko e, natanggap ko na buhat nang mawala s’ya ng ilang taon. Parang bumalik na ang lahat lahat. Malaya na ulit ako, single at nakahanap na ng magandang trabaho kahit sa malayong lugar nang sa ganoon ay mabigyan ko ng magandang buhay ang aking matalinong anak. Ang anak na. . . . . . . . . regalo n’ya sa akin noong mga panahong masaya pa kami sa isat isa, noong mga panahong iisa pa ang aming layunin para sa pagdating ng hinaharap at noong mga panahong baliw na baliw pa ako sa kanya. Nakapag-move on narin ako, nakalimutan ko na ‘yong mukha n’yang nagpapalindol ng mundo ko, nakalimutan ko na ang tono ng pananalita n’ya, ang mga kilos n’ya, porma, amoy at ang kabuuan n’ya. Lahat lahat, nawala na sa isip ko. Ang tanging naaalala ko na lamang sa kanya ay ang kanyang pangalan, at higit sa lahat. . . . . . . ang masasakit na nagawa n’ya sa akin.”

 “Ah! ‘yan pala ang problema mo, ganoon naman talaga siguro ‘yon. Tapos ano pang nagyari?” tanong ko

 “Hanep na tadhana talaga! Hindi ko alam kong mapaglaro ito o mapagbiro. Matatanggap ko pang mapaglaro e, pero ‘yong mapagbiro? Hindi. Ang sama kasing biro nang nangyari sa akin eh. Naturingan kasi na isa akong guro, pero mismong sarili ko hindi ko naturuang mag-ingat. Alam ko namang maliit talaga ang mundo para pagtagpuin kaming muli, pero bakit hindi ko man lang nagawang magalit sa kanya noong muli kaming magkita? Napaniwala n’ya ako sa mga matatamis na kasinungalingan n’ya, muli n’ya akong nabola ng mga bulok n’yang pick-up lines, muling lumambot ang puso ko’t nahulog ako sa kanya at muli n’ya akong ginamit, at nagpagamit naman ako. Hindi n’yo naman ako masisisi kung muli akong nagpakatanga sa kanya. Isa lamang naman akong inang umaasa at naghahangad na muling mabuo ang aming pamilya. ‘Yong may isang ama na naghahanapbuhay para sa pamilya, ‘yong may isang inang nag-aaruga sa mga anak at nagsisilbi sa asawa, at ‘yong may mga anak na sabik na nag-aabang ng pasalubong kong dala. Hindi ‘yong pamilyang makikita mo sa family tree na walang tatay o nanay, hindi ‘yong wala si tatay o si nanay sa family picture at lalong hindi ‘yong nag-iisa si bunso tuwing oras ng pagkain kasi walang tatay at nasa trabaho si nanay. Kulang e, ang hangad ko’y kompleto na matatawag talagang isang masayang pamilya.”

 “Nakakaiyak naman, huhuhu. Pero tama ka, mahirap talaga kapag kulang ang bahay mo. Lalo na kung walang kureyente saka tubig.” Sinubukan kong magbiro para naman mapangiti ko s’ya kahit papaano, pero nagkamali ako. Lalong bumalong ang mga luha n’ya, lumakas ang paghikbi at dumiin nang pagkakasubsob sa balikat ko.

 “Laking ligaya ko noong bumalik s’ya sa akin. Lahat naging ok ulit, naalala ko lahat ng nakalimutan ko sa kanya. Pati nararamdaman, pati ‘yong amoy n’ya kapag pinapawisan. Bigla ko ngang nasambit, wow, natupad na ‘yong gusto kong mangyari. Ang mabuong muli ang aming pamilya. Pero nagkamali na naman ako, dahil kasunod ng pagsasabi ko sa kanya na BUNTIS ulit ako sa kanya, bigla na naman s’yang naglaho, bigla na naman akong nanlumo, bigla na naman akong naloko, bigla na naman akong nalantang parang gulay na hindi mabenta benta sa palengke, bigla na naman akong nawalan ng pag-asa, bigla bigla. Pakiramdam ko, ako na ‘yong pinakatalo sa lahat ng talo o ‘yong pinaka-lowest sa lahat ng bagsak sa exam.”

 “Hindi ‘yan, basta pray ka lang kay God, alam n’ya ang makabubuti para sa’yo. Siguro kaya nangyari ‘yon kasi para matuto ka sa susunod, para mas maging malakas ka sa bawat pagsubok. Kaya mo ‘yan, h’wag mo s’yang iyakan, wala s’yang kwenta. Ituon mo na lang ang atensyon mo sa anak mo at sa baby mo d’yan sa mabilog mong tiyan. Magsikap ka para sa kinabukasan nila at ipakita mong kaya mong mabuhay kahit wala s’ya.” Wow, ako ba talaga ‘tong nagpapayo na ‘to? Parang sinapian ako bigla ni papajack ah.

 “Pagkatapos noon, minabuti ko na ulit mabuhay nang wala s’ya. Masakit man dahil muli n’ya akong naisahan at nag-iwan pa ng markang maaari ko bang tawaging pagmamahalan, pero kailangang magpatuloy ako at kailangan kong magpakatatag. Hindi kailangang huminto ang mundo dahil lang sa iniwan n’ya ulit ako. Nag-abroad ako pagkatapos kong maipanganak ang bunso ko, kahit mabigat sa pakiramdam, kahit walang kasiguraduhan, kahit wala ako sa tabi ng mga anak ko habang sila’y naglalakbay, kahit hindi nila ako makilala pag-uwi ko ng bahay, ang mahalaga’y ‘wag lang silang magutom at mawalan ng kinabukasan. Kaya kong magtiis para sa kanila, dahil sila na lang ang natitira sa buhay ko, sila na lang ‘yong dahilan kung bakit kahit nasasaktan ako eh nabubuhay parin ako. Kahit nahihirapan ako dito sa ibang bansa at pinipiraso-piraso ng inip ang aking diwa, ayos lang.

 “Oo, tama ‘yon, magsikap ka para sa mga anak mo. Astig naman ang mga single mom ngayon e, nanay na tatay pa. kayo ‘yong nagpapatunay na malalakas ang mga kababaihan. Ingatan mo lang lagi ‘yong sarili mo, syempre h’wag mong aabusuhin, nag-iisa lang ang katawan mo. Dapat alalay ka rin, isipin mo din ‘yong mga anak mo, hindi pwedeng pati ikaw ay mawawala rin.”

 “Alam mo sa ngayon, may time na nagpaparamdam s’ya ulit sa akin. Hindi ko alam kong niloloko n’ya ulit ako o niloloko na n’ya ‘yong sarili n’ya. Kasi natuto na ako eh, sapat na ‘yong naging tanga ako sa pangalawang pagkakataon. Hindi na mahalaga kung walang haligi ang aming tahanan, kaya ko ding maging haligi at ilaw ng tahanan ng nag-iisa. Ang nakakainis lang, ayaw n’ya akong tantanan, pati ba naman ‘yong kabit n’ya nakisali narin. Parang pinapamukha pa sa akin ng kabit n’ya na nanalo s’ya sa paligsahan ng mga malalandi at malalansang isda sa palaisdaan. Wala naman akong pakialam sa kanya dahil kahit bumalik pa ang ikot ng mundo at lumindol dito sa kinatatayuan ko eh kabit parin s’ya at kahit magpakasal pa sila sa pinakamahabang simbahan sa ating bansa eh ako parin naman ang nauna.

 “Alam mo, h’wag mo nang planuhin pang muling mabubuo ang pamilya mo, kasi binalak mo na rin dati ‘yan, muntik lang mangyari pero hindi parin natuloy. Mag-asawa ka na lang ng iba, ‘yong hindi katulad n’ya. Marami n’yan sa paligid, bitter lang ang taong magsasabi na wala nang matinong lalaki sa mundo. Makakahanap ka rin balang araw, ipapakilala s’ya sa’yo ni God. Sa ngayon, h’wag mo na silang intindihin para hindi sila makaapekto sa trabaho mo at sa bagong buhay na kinakaharap mo ngayon. Pabayaan mo silang magsawa sa ginagawa nila. Sino bang nakakahiya? Hindi ba’t silang dalawa? Mukha ka lang nakakaawa pero kakampihan ka ng madla. Ikaw ‘yong bida eh, inaapi ka sa umpisa, tapos ang ending, nakatanga lang sila sa tagumpay mo, sa bago mong Prince Charming at sa nararamdaman mong kaligayahan na hindi nila kayang lampasan, kahit magsama pa silang dalawa.”

 “Oo nga, ganun lang talaga siguro ang buhay ko. Kailangan kong dumaan sa hirap at pighati para makamit ko balang araw ang aking mga minimithi. Alam mo tama ka e, hindi ko dapat ipilit ang sarili ko sa isang bagay na hindi ko na makukuha pa.”

 “Tama ‘yan, ikaw si DONNA na kilala kong hindi sumusuko sa anumang laban.”

 “Teka!, bakit mo ba sinasabi sa akin ang mga bagay na ‘yan? Hindi ka ba nahihirapan o nasasaktan sa mga sinasabi ko? Bakit ka nagpapayo ngayon? Hindi ba’t gusto ko lamang na  pakinggan mo ako? Bakit?”

 “Kasi, naiintindihan na kita ngayon, nagkamali ako sa panghuhusga ko sa’yo noon. Gusto ko lamang bumawi sa’yo. Gusto ko sanang maintindihan mo rin ako kahit sa huling pagkakataon. “

 “Hindi ko parin maintindihan hanggang ngayon e.”

 “Pero kung hihingi ba s’ya ng tawad sa’yo at taos pusong magsisisi sa lahat ng kanyang nagawa, mapapatawad mo pa ba s’ya? Bibigyan mo ba s’ya ng pagkakataong itama ang kanyang landas kapiling ang bago n’yang minamahal? Pababayaan mo na ba s’yang maging maligaya sa piling ng iba?”

 “Alam mo, hindi naman ako masamang tao para hindi magpatawad sa taong nagkasala sa akin e, at lalong hindi ako madamot para hindi ko s’ya hayaang lumigaya sa piling ng iba. Siguro’y iyon na talaga ang aming kabanata, hanggang doon na lamang ang aming kwento. Kaya wala nang dahilan para magalit pa ako sa kanya. Oo, mapapatawad ko s’ya kung magsisisi s’ya at hihingi ng kapatawaran. Patatawarin ko s’ya na hindi lubag sa aking kalooban, na galing sa aking puso at pawang katotohanan.”

 “Kung gayun. . . . . . . . . .”

 “Anong kung gayun?”

 “Sana. . . . . . . .”

 “Sana ano?”

 “Sana. . . . . . .  sana mapatawad mo ako, PATAWAD. :( 

author:   sherald salamat

p.e./mj