Angry nurse (Photo credit: blogspot)

Angry nurse (Photo credit: blogspot)

Ito ay hango lamang sa experience ko sa ospital dito sa aming probinsya. Walang balak manira kundi base lamang sa aking obserbasyon at sa mga salitang binitiwan sa’kin ng mga kawani doon.

———————————————-

Doktor ka ba? Bakit ikaw ay nawawala?

Nurse ka ba sa pampublikong ospital? Bakit wala ka ring pagpapahalaga? Ang suplada mo pa.

Sadyang ganoon nga ba dapat  ganoon talaga sila?“`

Ako’y kawani ng gobyerno

Tungkulin ko ang maglingkod ng tapat at mahusay,

Dahil dito,

Ako’y papasok ng maaga at magtratrabaho

Nang lampas sa takdang oras kung kinakailangan;

Magsisilbi ako ng magalang at mabilis

Sa lahat ng nangangailangan;

Pangangalagaan ko ang mga gamit, kasangkapan

At iba pang pag-aari ng pamahalaan;

Magiging pantay at makatarungan ang pakikitungo ko

Sa mga lumalapit sa aming tanggapan         

Magsasalita ako laban sa katiwalian at pagsasamantala;

Hindi ko gagamitin ang aking panunungkulan

Sa sarili kong kapakanan

Hindi ako hihingi o tatanggap ng suhol

Sisikapin kong madagdagan ang aking talino at kakayahan

Upang ang antas ng paglilingkod sa bayan ay patuloy na maitaas

Sapagkat ako’y kawani ng gobyerno

At tungkulin ko ang maglingkod nang tapat

At mahusay sa bayan ko at sa panahong ito;

Ako at ang aking kapwa kawani

Ay kailangan tungo sa isang maunlad,

Masagana at mapayapang Pilipinas,

Sa harap ninyong lahat;,

Ako’y taos-pusong nanunumpa.

Ito ay mga linya lamang naman sa panunumpa ng isang kawani ng gobyerno. Naalala ko lang naman ito dahil sa bawat umpisa ng school year sa unang pagtitipon namin, ito ay aming binibigkas. At lahat ng kawani ng gobyerno ay dapat isapuso ito.

Naalala ko lang naman ito dahil sa unang pagkakataon, ang anak ko ay pinasok ko sa isang pampublikong hospital. Una kong napansin, ang mga nurse ay ‘di magiliw sa mga pasyente… halos ‘di pinapansin. Alam ko ‘yun kasi ang anak ko ay namimilipit na sa sakit pero wala lang, nagkukuwentuhan lang sila habang nagsusulat ng kung ano. At noong aking hiningan ng tulong, sabay sabi ng isa, unahin daw ang may tubo kasi mas crucial ‘yun. Eh sa pagkadami-dami nila dun.  At kung iisipin e EMERGENCY ROOM ‘yun.  Nung ako na ang tinawag para kunan na ng impormasyon tungkol sa anak, sinabi ko naman lahat pati ang medical history ng aking anak.  Okay na sana, kaso wow naman bakit ang tagal ng serbisyo? Nagmamakaawa na ang anak ko at gusto nang lumipat sa ospital na pribado. At bakit?  Wala daw doktor; tinext na daw nila.  Ang unang pagkakasabi ay nag-rounds ang doktor. Wow naman pare. Emergency room yun, bakit nagra-rounds ang doktor. Akala ko may naka-assign dun palagi, pero walang doktor.  Isipin ba naman dun sa natatakpan ng divider, may pasyenteng naghihingalo, kapamilya ang nagpa-pump ng kung ano man yun.

Nang ako ay nagreklamo na, nagalit na ang nurse sakin. Sabihan ba naman akong uunahin ang mas importante samin.  Natural sasagot ako. Importante rin ang buhay ng anak ko at yung lahat ng mga naroroon.  Sino ba naman ang ‘di maiirita?  Sila sila mismo, nagdidiskusyon sa harap ng pasyente nila. Eh sa kahit ang anak ko, hinang-hina na nagmamakaawa na na ilabas ko na siya.  Ayaw naman nila kaming payagan, dahil tinext na daw nila ang doktor.

At yun nga, dumating na ang doktor pagkatapos ng ilang oras na paghihintay, isipin ba namang siya pa ang may ganang magtaray. At yun nga, binigyan na ako ng mga dapat bilhin para gamitin sa anak ko. Hay salamat sabi ko,  dumating kami sa ospital ng ala una ng madaling araw, nalagyan ng dextrose ang anak ko, alas tres ng madaling araw.

At nang humingi ng tubig ang anak ko, sabi ng nurse ‘di daw puwede kasi doktor’s order daw kasi baka appendicitis ang case ng anak ko. Natawa ako kasi sabi ng anak ko, “ate, tingnan mo ‘to”, sabay pakita ng anak ko sa tahi niya sa tiyan, “wala na po ang appendix ko“. Ang sabi ng nurse, “bakit di nyo sinabi sa doktor?” Ang sabi ko naman, sinabi ko na ‘yun sa nurse na kumuha ng impormasyon tungkol sa anak ko. “Alam ko naman“, sabi ko, “kasi HISTORY ng pasyente kailangan ‘di ba?” Wala daw siyang pakialam sa pinag-usapan namin ng doktor. ‘Yun  ang magalang nyang sagot.

Wala akong nagawa. Umalis uli ang doktor eh. Pagkatapos ng isang oras, bumalik uli at ako ay naglakas-loob na lumapit. Sinabi ko ang lahat ng impormasyon tungkol sa anak ko. Kinabukasan, nagtaka sila at bakit daw binura ng doktor ang diagnosis niya sa papel ng anak ko.  Nasa isip ko, natural, dapat lang ‘di ba, kasi binigay ko na ang history, at ngayon gagawa uli sila ng kung ano ang nararapat para sa anak ko.

Alas syete na ng umaga, ‘di pa din kami nakaaalis sa EMERGENCY ROOM. Nagmamakaawa na ako na i-admit na lang nila ang anak ko dahil magdamag na akong walang tulog at nakatayo doon.  Magra-run pa daw ng test para daw malaman if ADMISSIBLE  ang anak ko. ‘Yun ang termino na ginamit nila.  Wow ha, ganoon ba talaga?  Nang nakuha ko na ang urinalysis result ng anak ko, ako ay biglang kinabahan. Ang taas ng WBC count, mula sa 7.3 nung alas dos ng hapon, bigla naging 14 noong kinuha nila ‘yun ng alas tres ng madaling araw. At yun nga, binigyan nila ako ng another papel, laboratory test daw, para sa sodium at potassium, and sabay na para sa x-ray.  Muli sabi ko, “bakit ‘di nyo maadmit ang anak ko para magamit ko naman ang philhealth ko?”  Ang reply ng nurse, kung ‘di ko daw kaya bayaran, idaan ko sa Social Welfare. Tiningnan ko ang itsura ko… Oo nga naman, nakaaawa ang kasuotan ko. Palibhasa, ‘di naman  ako mukhang teacher.  Sinabihan ko siya, ‘di yun sa babayaran. Ang dami nilang balak gawin sa anak ko, pero ‘di admitted sa ospital. Meron ba nun?

After nilang i-refer sa surgery, nag-clear naman ang surgery.  Muling bumalik sa medicine ang anak ko. At ang resulta ng x-ray, ang namamagang bituka ng anak ko.  Nag-panic ako. Suskopo ang nag-iisang anak ko,  ano na naman kaya ang sakit.  Doon na ako nagwala. “Kung ayaw niyong iadmit ang anak ko, then paalisin nyo kami dito.”  At agad akong pinasulat sa papel na isulat ko daw na ako mismo ang gustong umalis sa ospital na ‘yun at isulat ko daw na kung ano man daw ang mangyari  ay ‘di ko sisisihin ang mga doktor at ang ospital. Ilang oras ba ang itinigil doon ng anak ko? Sapat na ba yun para magsabi sila na ‘di sila ang dapat sisihin?

Pasalamat ako nang makaalis kami sa lugar na iyon. Pero ang naisip ko, paano ang ibang walang lakas ng loob na magreklamo, gaya ng babaeng katabi ng anak ko, ni ‘di man lang tiningnan ng doktor, wala man lang gamot na binigay, basta lang siya pinahiga dun at wala na. Sabay sabi sakin na, gusto na daw magreklamo ang asawa niya kasi daw kung sa higaan meron din sa kanila, kaya daw sya pumunta dun dahil ‘di niya na kaya.  Nakita ko nga, ni walang dextrose kahit siya ay nanghihina. Tinanong ko din kung may binigay na gamot sa kanya, wala din daw. Basta lang daw kinuha ang pangalan niya na sinulat sa papel, at magdamag siya sa wheelchair. At oo nga naman, umaga na siya pinahiga sa kama.

Akala ko noon, sabi sabi lang sa kuwento ang nagaganap sa ospital na yun. Yun pala ay totoo. Mabuti pa ang janitor dahil magara ang serbisyo, palaging nagma-mop ng sahig. ‘Yan lang ang napansin kong matino, at ang cashier na magalang kung sumagot at magbitaw ng salita.  Pagkatapos nun, wala na.

Ganoon ba dapat ang mga doktor at nurses sa mga pampublikong ospital?  First time ko kasing napunta doon kasi wala akong pera nung time na ‘yun.  At kung meron, naku ‘di ko patitikimin ang anak ko sa ganun uling sitwasyon. Maikukumpara ko dahil ang anak ko ay tatlong beses nang na-confine sa pribadong ospital sa syudad namin dito sa probinsya ng Camarines Sur.

author: jessa maria

p.e./kf