Break-up  (Photo Credit      Womansavers)

Break-up (Photo Credit Womansavers)

Ilang araw ka nang wala sa sarili. Hindi mo makain ‘yung paborito mong almusal. Wala ka nang ibang pinapatugtog sa sarili mong playlist kun’di mga pang-broken-hearted. Ilang araw mo nang kapiling si suka at hangover.Para ka nang miyembro ng K-Pop kakaiyak ng luhang hindi na kayang saluhin ng simpleng panyo lang. Hindi mo na magawang mag-Facebook. Naubos na rin ang leave mo sa trabaho para magkulong sa kuwarto kakahagulgol at maghapong humilata, kakasinghot at pahid ng luha. Iniiwasan mo ang mga kissing scene sa mga telenobela. Pakiradam mo’y pinapatakan ng kalamansi ang puso mo sa tuwing makakakita ka ng mag-jowang inggit-to-death ang PDA. Malinis na ang inbox mo. Bumaba na ang timbang mo (medyo good news yun). Litong-lito ka na kung ano ang pinaka-safe na paraan ng suicide.

 Break na kayo…gusto mo nang mag-move on. Ilang beses mo na rin minura ang sarili mo kung bakit ayaw niyng mag-move on kahit ilang lunar eclipse na ang nakalipas.

 Pero sabi nga nila, hindi ‘yun kadali. Kung gaano kabilis pindutin ang keys sa keyboard para palitan ang status mo sa Facebook, makailang libong beses naman kahirap kung paano ibabalik sa normal ang wasak na wasak mong puso. Kung paano mo naabot ang cloud 9 nung mga panahong inggit na inggit ang mga langgam sa tamis ng lambingan n’yo, hindi na mabilang na “Goodnight bebeh ko…I love you…mwaaaah!” sa text o comment sa Fb, panonood ng sine na pareho namang hindi gusto at pinagtiyagaan na lang, kung saan-saang lugar para mag-date at bonding, palitan ng laway, mabababaw na tampuhan, iyakan, selosan na madalas ay wala sa lugar, at kung ano-ano pang memorable moments…tapos na ang lahat sa inyo. BREAK-UP na.

 Ginawa mo na lahat. Ginaya mo na ang ilan sa mga gasgas na script sa pelikula para lang maisalba ang naghihikahos na relasyon. Ga-tabo na ang luha at kinalyo na ang tuhod mo kakaluhod, maging okey ang lahat. Niyakap mo na ang pagiging tanga. Iniwan mo na sa aparador ang sarili mong pride. Nagbingi-bingihan ka sa mga love advise. Sinunod mo ang puso mo. Kinalimutan mo na ang sarili mo.

PERO sa huli, talo ka pa rin. Nganga. Hindi mo na naasam ang happily ever after kahit alam mong para sa mga isip-cartoons lang ‘yun. Huminto ang oras. Pansamantalang nagbakasyon sa impiyerno ang kaluluwa mo. ‘Yung sarili mong mundo, hindi gumuho. Wala naman. Lumapit lang namn nang bahagya sa araw kaya tuluyan nang nasunog. Kung mayroon pang hihigit sa salitang ‘masakit’, pakinggan mo na lang ‘yung kanta ni Michael V na “Sinaktan mo ang Puso ko”.

 Walang kasing-hirap ang maka-move on. Hindi tulad ng sugal na posible pang makabawi, o higitan ang pagkatalo. Mas madali nga sana kung parang Math na lang ang ‘move on’. At least, alam mong laging may solution, kesehodang gasgasin nito ang IQ mo, matapos lang ang love-problem solving.  Para mas mabilis, gamitan na ng calculator. Equals lang ang katapat, tapos ang problema.

 Kung nakabibili nga lang ng gamot sa mabilisang paglimot, malamang laging out of stock. At hinding-hindi ka na magsasayang ng tissue kaiiyak. Walang inuman session na sa huli, iiyak at mage-emo ka pa rin pagkagising mo sa umaga. Masakit na ang utak at bulsa mo, pinaglalamayan naman ang broken-heart mo. Kung paano at kailan ang recovery, wala sa Google ang sagot. Sa bawat tanong ng kung sino man na “ok ka lang?”, kasinungaling “OO” ang isasagot mo na may dalang kurot sa puso. Niloloko mo ang sarili mo na lagi kang okey, kahit ang photoshop eh mahihirapang i-adjust ang mukha mo sa kalungkutan.

 Alam kong binasa mo ‘to dahil…well, na-experience mo rin ang mapabilang sa mga taong broken-hearted (ewan lang kung kasalukuyan kang ganoon o wala pa ring closure). At para na rin sa kahilingan ng mga mambabasa sa walang kasusta-sustansiyang pahina ng mga blog ni JUAN, heto ang ilan sa mga hakbang na sa tingin ko naman eh makakatulong nang bahagya. Basahin maigi, bitawan ang alak, tanggalin ang lubid sa leeg, at itapon mo muna ang hawak mong muriatic acid. Pagtapos mong basahin ito, saka ka na lang mag-decide:

TANGGAPIN ANG KATOTOHANAN – hindi ka nanaginip, o binabangungot. Tinapos na ni kwan ang relasyon n’yo. Alam mong hindi siya nagbibiro, kaya ‘wag ilabas ang pekeng ngiti. Period. Tanggapin ang realidad. Iwasan ang mga pantasyang baka may second chance pa, gaya ng mga mumurahing love story ng Pinas. Cast of characters at credits na lang ang pinapakita sa love story n’yo na anytime, magsasara na nang tuluyan ang kurtina. Kailangan mo nang umalis kasi ‘single viewing’ lang. Kung nagbabalak kang panoorin ulit ang nasira ninyong pelikula, hindi pa rin naman magbabago ang ending. Dadagdagan mo lang ang karayom na nakaturok sa puso mong may sebo. Irespeto ang ganitong uri ng eksena na sarado na at wala ka nang balak pang buksan ulit.

 IDISTANSIYA ANG SARILI – hindi naman malayong maging ‘friends’ ulit kayo kahit sa Facebook lang, PERO ‘wag ngayon. Malamang na ituring mo siyang isa sa mga sumpa at alagad ni Lucifer kaya hindi nakapagtatakang minumura mo ang primary photo niya tuwing nakikita mo siya. Sariwa pa ang nana sa puso mo kaya mas makabubuting iwasan ang mga landas na tatahakin niya. Kung kailangan mong magpaka-ninja, sige lang.

 Kung maisipan naman na mas mabilis mawala sa paningin ang mga bagay na galing sa kanya tulad ng pagsusunog at pagdo-donate sa mga nangangailangan, maigi. ‘Wag na ‘wag lang gawing bagong photo album o primary photo ang pag-aabot ng mga stuff toys.

 Lahat ng mga bagay na maaaring maging tulay ng communication sa kanya ay…tama. DELETE. Hangga’t nakatatanggap ka ng mga nakalolokong quotes at simpleng “musta ka na?”, magkakaroon lang ng expectations at misinterpretation. Tandaan na gusto mo ng move on, hindi round 2.

WAG NA SIYANG PAG-USAPAN – may mga pagkakataon na hindi maiwasan ang ganitong eksena., lalo na kung hot seat ka sa inuman o simpleng kuwentuhan. Ayaw mo man, hindi maiiwasan ng mga taong hindi updated sa lovelife mo ang tanong na “musta na kayo ni [insert your ex name here]?”. ‘Wag na ‘wag sasagot ng “Hindi mo pa ba alam? Break na kami…” dahil magiging main topic lang ito at hahaba lang ang usapan AT LALO mo lang sinariwa ulit ang mga bitter moments n’yo. Magpaka-poker face. Ibigay ang mala-orocan na ngiti at simpleng sagot na “Okey naman kami…” sabay tagay ng isang basong alak.

Damputin mo na rin ‘yung parte ng pulutan na may sili. Nguyain at namnamin para  labanan ang papatak na luha. Sabay banat ng ibang topic gaya ng politika, gobyerno at pasahod.  Para mas interesting. Pero ‘wag ipahalata na umiiwas sa ganoong uri ng usapan. Hanggat maaari ay gawing normal ang sarili. Kung sakaling tanungin kung saan man naroroon ang ex-jowa mo, mas magandang sumagot na lang ng “Ewan ko dun. Baka kalaro ni Lucifer sa pusoy.”  Sabay tawa, kahit peke. Hayaan na lang ang mga tropa ang magkuwento ng kung ano-ano.

 Minsan, nakagagaan din ng loob kung magkukuwento ka tungkol sa nangyari, sa una. ‘Wag lang ugaliin. Magmumukha ka lang kaawa-awa at sirang cd, sinasariwa mo pa ‘yung sitwasyon. Baka matuliro ang mga close friends at iwanan ka na lang mag-isang kumakain sa fast food chain.

 LAKTAWAN ANG SISIHAN AT TURUAN – kung sisisihin mo ang sarili mo, ba’t ka pa nagtataka kung nag-break kayo? At kung siya naman ang sisisihin mo, mas madali mag-move on. Siya pala may kasalanan eh. Wag na din idamay ang mga magulang o kaibigan kung naging elemento man sila ng pag-aaway at misunderstanding. Tandaan na kayo lang ang sangkot sa trahedya. Ginawa n’yo ang lahat, pati ang hindi sinasadyang pagkakamali. Quits lang. Kung may mga puntong nanlamig ang isa’t isa, hindi mo puwedeng sisihin ang mga tropa mong hobby ang pag-iinom, o ang kakatapos lang na teleserye.

Malamang sa malamang na hindi nga nag-work out ang relasyon, kaya tanggapin na lang ang katotohanan. Kahit ilang libong beses ka mang naglakad paluhod sa simbahan at nagdonate ng kung ano-ano sa foundation, kung sadyang malabo na at wala nang spark ang relasyon, tanggapin na lang ulit ang katotohanan. At least, alam mo sa sarili mo na ginawa mo ang mga imposible sa ngalan ng pagibig, kaysa sa wala lang.

 MATUTO SA SINAPIT – sa mga susunod na araw, linggo o buwan, maaaring nakamove on ka na, at hindi malayong umibig ka ulit. Pag-aralan ang mga bagay na nakapagpaganda sa daloy ng relasyon at suriin ang mga pagkakamali. ‘Yung mga dahilan ng away at tampuhan, gawan ng sariling solusyon, for future reference. Ang buhay ay binubuo ng good at bad experience, at hindi exempted ang breakup dito. Matuto sa sariling pagkakamali. Parte ng pagkatuto sa nagdaang masaklap na ex-jowa eh ‘yung sariling experience kumpara sa mga digest book o manual. Pihadong ilang beses ka na rin naman nakarinig ng mga bad experience sa isang relasyon mula sa mga kaibigan. Puwede ding gamiting pointers ‘yun. Makipagdebate at magpalitan ng kuro-kuro kung ano-ano at alin ang mga bagay na ‘do’s and don’ts’ para sa mas masayang pagsasama.

MAG-VISUALIZE NA WALA KA NA SA KANYA – tapos na eh, para saan pa ang mga pangarap na siya dapat ang makakasama mo sa buhay? Mag-imagine na masaya ka na sarili mong buhay na wala siya, kung kaya. Mag-isip ng mga masasayang sandaling na hindi mo siya kasama gaya ng gimik kasama ang tropa, nakabibili ka na ng sarili mong gamit, hindi ka na gaanong nagtitipid, wala ka nang sakit sa ulo, hindi ka na laging unlicalls/text, mas maraming oras sa sarili at pamilya, wala nang pinagseselosan at wala nang pinoproblemang regalo tuwing monthsary. Ang lahat ng oras at pagkakataon ay iyong-iyo, walang kahati at nagbabawal.

SARILING FOCUS – at dahil solo ka na ulit, bigyan ng maraming oras ang sarili sa mga bagay na kapaki-pakinabang bago pumasok sa panibagong love story. Kung naging hassle o stressful man ang nakaraang pag-ibig, oras na para sa recovery. Puwede kang mag-gym para sa bagong friends. Sumubok ng sports. Kung may talent o hobby man, ibuhos ang natitirang oras sa kanila. Gawing busy ang sarili. Magpakitang gilas sa pag-aaral o trabaho. Kung kailangan ng make-over sa pisikal na hitsura, humayo ka! Marami kang dapat baguhin at dapat iwanan na ang mga bagay na nakasanayan na, gaya ng mga oras na kasama mo pa siya.

SLOWLY BUT SURELY (AND EFFECTIVELY) – hindi nakukuha sa paspasan ang total moving on. O yung mga bagay na sobra gaya ng social life, pakikipagbarkada, flirting, social climbing at social friends. Hindi magandang tingnan. Magmumukha ka lang desperado/desperado na may malaking pangangailangan sa katawan. Relax, chill, smooth ang galaw at i-enjoy ang sarili. ‘Wag lang umasta na parang kulangot sa kasuluk-sulukan ng ilong, hard to get. Hindi mo namamalayan, napaliligiran ka na ng bagong prospects.

Pag-aralan at kilalanin muna nang mabuti ang taong manghihimasok sa buhay mo, kahit pa ulanin mo siya ng mga tanong galing sa resume o slum note. Walang masama dun. Isipin na isa siyang empleyado na dapat makapasa sa qualifications mo.  Damihan ang bilang ng pagde-date para sa mas magandang pagkakakilanlan. ‘Wag i-entertain ang sarili kung sakaling nagmamadali ka sa panibagong relasyon. Tandaan ang salitang turn-off. Ano’t ano man, pakiramdaman ang sarili kung okey na ang lahat at handa ka nang masaktan o umibig ulit, dahil ‘yun naman talaga ang anatomy ng nagmamahal.

 IWASAN ANG COMPARISON – ang dati ay noon. Past is past. Iba ang personality ni ex sa personality ni ‘new significant other’. Hindi lahat ng taong naka-date mo ay pare-pareho ang autobiography kaya ‘wag hanapan ng kung ano-anong similarities at differences.  ‘Wag mag-expect na magiging tulad din ni ex si ‘new significant other’, at mag-expect na ganoon din ang magiging script at eksena n’yo sa gagawin ninyong love story. BAGO nga eh, kaya dapat, bago rin ang lahat ng mga paraan at bagay-bagay na sa tingin mo ay dapat at hindi na dapat pang gawin, ulit.  Tandaan na nagbreak kayo nang may rason, kaya gamitin kahit papano ang common sense.

 Ang pinakaimportanteng bagay na dapat nakasuksok sa utak mo pagkatapos ng break-up ay manatiling ‘positive’. Hindi ibig sabihin ng break-up ay may babagsak na bulalakaw mula sa kalawakan at guguho na ang mundo. Sobrang dami ng tao sa mundo at marami ka pang makikilalang tao na magiging parte ng sarili mong autobiography kaya tigilan na ang pagmumukmok at pag-uubos ng panahon sa mga bagay na lalo lang nagpapahirap at komplikado. Hindi porke mura ang alak ay puwede ng gawing hobby tuwing maisipan. Sarili mo lang ang sinisira mo. Maraming tao ang tulad mo na nakatakas at naging masaya na sa buhay dahil ginamit nila ang IQ nila. Idikdik sa kukote na makakamove on ka, ASAP.

 Hindi mo namamalayan, nakamove on ka na pala.

author:   juan mandaraya

p.e./mj