Jisan, KSA     (Photo Credit      dorcenmm)

Jisan, KSA (Photo Credit dorcenmm)

Kahit gaano ka busy ang aking araw sa aking multitasking life everyday,  routine ko na ang pag open ng Facebook ko sa gitna ng kabisihan.  Kaunting silip ng mga updates at sino ang mga may birthday, pero ang totoo don ay para lamang silipin kung online ba ang aking mahal na asawa.  Oo, tama ka kabilang ako sa samahan ng mga LDR ( Long distance relationship) na minsan ay talagang hindi ko pinangarap na magkaroon ng asawa na malayo sa aming mag-iina.  Pero, lagi na lang mapagbiro ang tadhana sa atin; kung ano pa iyong ayaw natin o hindi natin ginugusto ay iyon pa ang nangyayari sa buhay natin.

Oy, mayroon bagong upload na picture ang mahal ko”! Ito lang kasi ang katuwaan ko, ang lagi silipin ang facebook nya kahit walang bago; miss ko kasi eh! Kaya hanggan tingin tingin na lang sa facebook nya at abangan na naka online. Hanggan sa dumating ako sa isang picture na sobrang humaplos sa aking puso ng kakaibang nararamdaman, sobrang awa, lungkot at meron kunting kirot.  Kung titignan mo ang picture ay isang simpleng bundok na kahit isang puno o tubig ay wala at sa gitna ng bundok ng buhangin na iyon, na kung tawagin nila ay desierto; doon nagkanlong ang campo na sa tingin ko ay gawa sa container van na pinagdugtong dugtong.  Ito ay nagsisilbi nilang tirahan sa bawat lugar kung saan sila nade destino, mag umpisa sa ordinaryong laborer hanggan mapa Engineer at mga supervisors at managers ng project, magkasama iba-ibang lahi.  Sila sila ang magkakaharap, katunayan memorized na nila ang mga face value nila hehehe.

Naisip ko na sa ganitong mundo, dito umiikot ang buhay ng mga lalaking OFW na meron asawa at pamilya na naiwan dito sa Pilipinas.  Napakalungkot, parang itinapon sa isang lugar na tulad sa mga preso na kung saan walang paraan para makalaya kung wala kang sasakyan. Ganito ang buhay nila sa gitna ng desierto umiikot araw araw, gigising at magtrabaho sa malapit na site, uuwi at kakain ng pagkaing sabi ng asawa ko ay walang lasa pero pilitin na  lang kainin kesa magutom ka. Manood ng tv, internet kung meron signal, iyong iba natutulog na lang o di kaya ay busy sa text kasama na ang chat kung meron laptop o computer.

Mayroon din naman sila ibang libangan ayon naman sa aking napag alaman, ang paglalaro ng baraha na minsan nauuwi na talaga sa sugal at isa sa dahilan bakit nababaon sa utang ang mga ilan sa kanila.  Ang ilan naman ay nababaon sa utang sa load dahil walang ibang libangan kundi ang mag text o chat, ang ilan naman ay sa inumin.  Hindi natin masisi dahil kahit tayo na mga babae ang mapunta sa ganitong klase ng lugar sigurado masisiraan na tayo ng bait at kahit hindi ako marunong mag tong-its ay matututo talaga ako para lang meron mapaglibangan sa napakalayo at napakatahimik at nababalot ng sobrang kalungkutan na lugar na ito.

Sumagi lalo ang awa na nararamdaman ko, para doon sa mga pamilyang naiisip ko nagkakaroon ng matinding problema at ganito ang situation, ramdam ko kung gaano kahirap ang buhay magkalayo lalo na sa oras ng kailangan ninyo ang isat-isa kapag meron hinaharap na mga problema.  Ramdam ko ang awa para don sa mga OFW na one day millionaire dito sa Pilipinas ang pamilya tuwing makatanggap ng padala.  Ramdam ko ang sakit ng isang OFW kapag niloloko at di nakatiis, nanlalaki habang nagpapakahirap ang kanilang asawa sa desierto.  Awa din ang nararamdaman ko sa mga naghiwalay o nagkaron ng problema sa relasyon may asawa dahil hindi rin natiis ng OFW ang pangulila na sa una ay gusto lang malibang o mapawi ang kalungkutan sa pamilya na naiwan.  Sumubok at kalaunan ay natukso ng tuluyan at bigla na lang nakalimutan na meron pamilya na dahilan ng kanyang pagtitiis at sakripisyo sa desierto.

Ilan din sa mga kakilala at kaibigan ko at kamag-anak ang nagpapatunay, na kung hindi ka malakas magpigil sadyang ang tukso ay andian lang, naghihintay para ikaw at ang buhay ng pamilya mo ay sirain sa isang pagkakamali lang.  Nakakalungkot isipin pero ito ang katotohanan.  Pero dahil sa pangarap natin sa ating mga pamilya at anak sinusubukan natin ang mga bagay na akala natin ay makakatulong sa atin para umunlad.   Salamat at ang iba ay nagtatagumpay kahit dumaan sa matinding pagsubok at ito ay kanilang nalampasan.  Pero nakakalungkot naman para don sa mga hindi naging maganda ang nangyari sa halip lalo nasira ang pamilya na dahilan ng kanilang pag-alis.  Ang tanging masasabi ko lang ay sa bawat pagsubok na pagdaanan ng bawat pamilyang OFW maging matatag at handa lagi unawain ang bawat isa, bigyan ng time ang bawat isa at lagi iparamdam na andian lang kayo at magkasama, lawakan ang bawat pang unawa at pairalin ang give and take relationship.

Ang pagmamahal ay kaakibat ang sakripisyo at sakit dahil kung hindi ka nagmamahal hindi ka masasaktan.  Kung nagkamali man handa pakinggan ang bawat isa, lagi gawan ng paraan at solusyonan ang bawat kinakaharap na magkasama. Pag aralan ang magkaron ng open communication, tiwala ay kailangan ibigay kahit na sa dulo ng isip mo ay meron agam agam.  Ang pagdadasal at lagi huminge ng guidance sa itaas ay malaki ang naitutulong para maging matuwid ang pag iisip ng bawat isa  At para sa mga babae na tulad ko nasa malayo ang asawa isa sa natutuhan ko ang e program ang isip ko na ang aking asawa ay lalaki at meron pangangailangan na hindi natin maibigay at anytime puede sila makalimot. Unfair, pero kapag nangyari iyon tiyak sobra sakit pero dahil nga naka ready ang ating isip sa puede mangyari, kalaunan kapag pina iral ang open communication at pagmamahal at understanding sigurado mapapatawad mo ang pagkakamali na nagawa ng iyong asawa at bigyan ng pagkakataon na magbago dahil naging malawak na ang iyong pag iisip at pang unawa sa bawat situation ng buhay LDR.

“Ikaw paano mo hinaharap at pinaglalabanan lahat ng pagsubok at kalungkutan alang alang sa iyong pamilya at sa hinahangad mo na magandang kinabukasan para sa pamilya mo?’

author:   Dhors

p.e./mj