Matang Mapanuri     (Photo Credit      Pinoylantad.multiply)

Matang Mapanuri (Photo Credit Pinoylantad.multiply)

[PAUNAWA: Ito ay isang opinyong base sa ilan sa mga obserbasyong madalas kong makita sa ating bansa. Ako ay Pilipino, mukha man itong pagtuligsa sa mga negatibong pag-aasal ng mga Pilipino ay ninanais ko lamang na mabuksan ang mga saradong kaisipan at mga matang pikit sa katotohanan.]

Higit na mas marami ang bilang ng mga Pilipinong mapanghusga kaysa sa mga taong marunong umunawa.  Aminin man natin o hindi, maraming ipis sa lipunan na paru-paro ang tingin sa kanilang mga sarili, mga pesteng yumuyurak sa pagkatao ng iba. Mahilig ang mga Pilipino sa mga estereotipya, mga kuro-kuro at mga walang basehang tsismis na mas mabilis pang lumaganap kaysa sa sunog. Nasa lahi na rin natin ang pagiging likas na matulungin subalit may mga ilan na imbes tulungan ka sa pag-angat ay ang paghila pababa sa mga kapwa Pilipinong mas nakakaangat ang inaatupag dahil sa inggit.

[1] ”Mahirap maging Pilipino kung isinilang kang may kapansanan.”

Minsan ko ng inilahad ang aking kwento sa blog post kong ‘Born with a Defect.’ Ako ay isinilang ng may kapansanan, ipinanganak na may butas sa ngala-ngala, bingot kung tawagin. Dalawampu’t dalawang taon akong pilit na umaahon mula sa pagkakalugmok sa dagat ng pamimintas ng mga kapwa ko Pilipino. Naoperahan na ako’t lahat-lahat, normal ng magsalita ngunit ganon pa rin ang tingin sa akin ng nakararami. Hindi ko ninais na isilang akong may kakulangan, at sigurado akong hindi niyo rin nanaisin ang masadlak sa ganitong sitwasyon.

Kung puwede nga lang bumalik sa sinapupunan ng nanay ko, malamang nagawa ko na upang matakasan lamang ang sakit na dulot ng mga mapanlait na salitang ibinabato sa akin ng mga taong inakala kong mas may kapasidad na umintindi. Bawat mapanghusgang sulyap ng mga tao sa mundong aking ginagalawan ay tila mga latay na unti-unting nagmamarka sa aking kaisipan. Naisip ko, kung ang mga taong ito na isinilang ng ‘normal’ ay walang kasing pangit ang pag-uugali, mas yayakapin ko na lamang ang pagkakaron ng kapansanang pisikal kaysa ang pagiging mapanghusga at mapagmalinis na indibidwal.

Ilang beses mo na ba pinagtawanan at ginaya kung paano magsalita ang isang ngongo? Ilang beses mo na bang kinatakutan ang mga taong isinilang na walang mga bisig? Paano ka ba tumingin sa mga taong isinilang na may kakaibang sakit? Pangungutya, iyan ba ang pagiging ‘normal’?  Pilipino ka hindi ba? Pilipino na mula’t sapul ay pinangaralan upang isa-puso at isa-isip ang mga magagandang pag-aasal. Ang pagpuna sa pisikal na kakulangan ng iba, pagiging mapanuri lang ba o paninirang puri na? Mamulat sana ang mga mata ng mga Pilipinong mapagmataas dahil isang araw hindi lamang sila mapapantayan ng mga taong may kakulungan kundi ay baka mas maungusan pa.

[2] ”Mahirap maging BAKLA at TOMBOY sa pamayanang Pilipino.”

Salot sa lipunan, makasalanan, nakakapandiri at mga imoral – yan ang kadalasang diskripsyon ng  karamihan sa mga taong miyembro ng LGBTQ community. Bilang isang bansang Katolisismo ang pinaka-kinikilalang relihiyon, maraming tao ang mas kinakatigan ang sabi ng simbahan kesa sa sinasabi ng pag-usad at pagbabago ng lipunan, salita ng Diyos nga naman ang itinuturo sa atin ng mga prayle, tama? Sa kabilang banda, bakit walang habas na lamang ang pagtuligsa ng simbahan at ng karamihang mga ‘maka-Diyos’ sa mga bakla at tomboy?

Hindi naman itinuro ng ating Diyos ang mamuhi at manghusga ng kapwa hindi ba? At higit sa lahat, wala ni isa sa atin ang may lisensyang diktahan kung anong sekswalidad ang gustong magkaron ang iba. Respeto na lang sana, bago mo ayawan ang mga dugong bahaghari sana alamin mo din kung gusto ka ba nila sa ipinapakita mong panghuhusga.

Una sa lahat, hindi pinili ng mga bakla o tomboy na maging ganon sila, mararamdaman na lang nila iyon. Dahil kung pinili man nila ang maging bakla o tomboy, sabihin mo nga…kelan mo pinili ang maging ‘straight’?  Ang pinili lang nila ay ang ipakita kung ano talaga sila, ang maging totoo sa sarili – bagay na hindi kayang gawin ng nakararami. Marami ang tutol sa mga relasyong namamagitan sa mga taong pareho ang kasarian, nagmamahal lang naman sila hindi ba?

Ano ang karapatan mong kastiguhin ang meron sila kung ang sarili mong relasyon eh hindi naman ganun kaayos di ba, kung ang ‘straight’ mong relasyon ay puno ng sakitan, pakikiapid, pagpapabaya sa mga anak at ng kung ano-ano pang kabulastugan? Ano ang karapatan mong tutulan ang gay marriage kung hindi naman pinapakialaman ng mga bakla ang pagpapakasal mo sa babae kung lalake ka at sa lalake kung babae ka? Tama?

Gera, patayan, panggagahasa, paglago ng populasyon, kahirapan, kamangmangan, pagiging masasakitin dahil sa kakulangan ng tulong medikal –  ilan lamang ito sa mga isyung dapat mas pinagtutuunang pansin ng karamihan, lalo na ng gobyerno at simbahan, hindi ang pag-tira sa mga bakla at tomboy, at hindi ang pangangalandakan sa mga tao na ‘makasalanan’ ang mga miyembro ng LGBTQ sa mga sermon tuwing may misa. Ang bibliya ay mayroon lamang anim na admonisyon para sa mga homosekswal at 362 na admonisyon para sa mga taong ‘straight.’ Hindi ibig sabihin niyan eh hindi mahal ng Diyos ang mga ‘straight’ kundi mas kailangan lang nila ng superbisyon.  Sa pagitan ng pagiging bakla o tomboy at pagkundena, panghuhusga, paninira, at pandidiri ng mga taong mapagdasal..sino ang mas matatawag na makasalanan?

[3] ”Mahirap maging mahirap sa bansang Pilipinas”

Gaya nga ng nabanggit ko na, kahirapan ang isa sa pinakamalaking problemang kinakaharap ng ating bansa. Sabi nila, sabi ng marami, kapag nagsikap ka ay makakaahon ka rin sa pagkakalugmok sa putikan. Tama. Subalit sa isang bansang napakasalat sa maraming bagay mahirap ang makapuslit patungo sa liwanag ng pag-asenso.

Pero teka, hindi ito ang paksang tatalakayin ko sa kategoryang ito. Maraming tao ang mayaman sa lipunan, ngunit mas marami ang isang kahig isang tuka. At dahil diyan, may mga taong sobrang taas na ng tingin sa kanilang mga sarili. Mga mayayamang mapagmanipula sa mga kahinaan ng mahihirap. Mga mayayamang mapagsamantala sa mga walang pinag-aralan. Paunawa, hindi ko nilalahat ang mga may kaya sa buhay dahil mayroon din namang ilang tumutulong sa mga kapos. Pero huwag tayong maging bulag. Parang naturalesa na lamang ang makakita ng mayayamang umaapak sa pagkatao ng mga maliliit. Sabi nga sa kanta ni Bamboo na ‘Tatsulok’, ”hanggat marami ang lugmok sa kahirapan at ang hustisya ay para lang sa mayaman, habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok hindi matatapos itong gulo.” 

Pilipino ako. Pilipino ka. Buksan ang kaisipan sa mundong ginagalawan. Ikaw dapat ang mas nakakaintindi sa kapwa mo Pilipino dahil iisang lahi lamang ang mayroon tayo. Huwag maghilahan pababa kundi magkapit bisig sa pag-unlad. Alisin ang inggit, ang panghuhusga, o ang pananamantala sa kahinaan ng iba.

author:   Gayle

p.e./kf