Handwriting    (Photo Credit      Mwalker.com.au)

Handwriting (Photo Credit Mwalker.com.au)

“Sino yung nakaassign sa room 31? Yung kay patient Garcia?

Kinilabutan ako. Wala pa man sinasabi yung staff nurse eh kinabahan na agad ako, ano kayang nagawa kong pagkakamali sa mundo at pinapatawag ako.

Sabagay, hindi naman mismong pangalan ko yung tinatawag, yung nakaassign lang daw sa room 31. Huminga ako nang malalim, wari ay kinakalma ko yung sarili ko.

 “Eh ikaw nga din yun! Uto ka ba?!” sigaw ng maliit na boses sa utak ko. Amag, oo nga, ako din naman ang nakassign na nursing student sa room 31. Wala nang iba pa. Tumingin yung instructor namin sa “endorsement paper” n’ya, at malamang ay nabasa ang pangalan ko, tumingin sa akin at dali-daling sumenyas na lumapit ako sa staff.

 “Patay.” Sa loob-loob ko, isip ako nang isip kung anong kasalanan ko at kaaga-aga eh bibitayin na yata ako, nakatatatlong oras pa lang kami sa walong oras na duty. Paglapit ko sa nurse’s station, tumingin sa akin yung staff.

 “Ikaw ba yung nakaassign sa room 31?”

  Tumango ako. Sa kaloob-looban ng kaluluwa ko, isang mataimtim na dasal na sana ay huwag akong sakmalin nang buo ng staff na ito. Sana may matira kahit isang binti ko para may paglamayan naman sila mommy (joke lang.. ^_^).

 “Ay, ikaw ba? Akala ko babae.”

Nagtataka akong tumingin sa kanya. Oo, medyo emo talaga ako magbuhok, pero mukha namang malayo akong mapagkamalang babae. Gusto ko na ngang kapain ang katawan ko at baka may mga tumubo o umurong (alam ko, tol, naintindihan mo ko), tumubo na mahahabang kuko at umurong na size ng baywang (lusot? Hehehe), sa katawan ko para masabi ng staff yun. Pero maya-maya lang, naintindihan ko din.

“Yung sulat mo kasi sa partial charting mo, kaganda, akala ko babae nagsulat. Utusan kita ha, pakisulatan naman yung mga birth certificate dito, para maayos itsura.” Sagot nung staff.

Tumango ako. Nakahinga na ako nang maluwag, akala ko naman kung ano na yung dahilan ng pagtawag sa akin, yung sulat lang pala. Napagkamalan na namang babae yung sulat ko. Sabagay, hindi naman ito unang beses, at sa tuwing matutuklasan nila na ako ang may-ari ng sulat na hinangaan nila, bakit parang may bahid pagdududa sa katawan nila. Para bang tipong hindi kakatas sa kamay ko yung sulat na nakikita nila, o talagang ang tanggap ng lipunan ay tsunami-inspired lagi ang sulat ng kalalakihan?

Mula nung nabansagan akong “sulat-babae”, lagi ko nang iniisip kung positive ba yun o negative sa pagkatao ko. Ano nga ba ang penmanship? May epekto nga ba yun kung paano ka titingnan ng ibang tao? Gaano nga ba kahalaga ang ganda o pangit ng sulat mo? Dahil sa tanong na yan, naalala ko na sinuyod ko ang internet (kuto? ^_^), at ito ang mga natandaan ko regarding penmanship.

(Disclaimer: Karamihan po dito ay opinyon o resulta ng mga pag-aaral at eksperimento, walang basagan ng trip? ^_^.)

  • Ang pagsusulat daw ay nagpapahayag ng “conscious” at “subconcious” traits ng isang tao, kung nahirapan kang magsulat nang maayos during preschool at early schoolage mo, it means that may konti kang problema sa self-expression. Ngayon, kung hanggang ngayon, hirap ka magsulat, eh baka wala ka talagang sense of self-expression kahit katiting?
  • Karaniwan daw sa mabagal magsulat ay may problema sa motor mind co-ordination, spelling, letter, words at shape formation. Pero di ko naman sinasabi an advantage din ang sobrang bilis, kasi kung may problema sa formation ang mabagal magsulat, ang problema naman sa mabilis ay comprehension, mabilis nga kung parang inararo ng sampung manok na sinapian ni Sadako naman ang itsura, eh balewala din ang bilis.
  • Katotohanan na nga daw sa mundo na mas pangit ang sulat ng lalaki sa babae, kaya mas tanggap ng lipunan kapag pangit ang sulat ng lalaki at ubod nang ganda ang sulat ng babae (kulang na lang ng glitters at konting spray ng pabango, kulayan nang konti yung gilid, o kung iba talaga trip, sunugin yung mga gilid para kunyari eh rolyo pa ng dokumento na ginamit sa katipunan, at presto, may greeting card ka na.). Pero wag mo naman din isumpa kung maganda ang sulat ng lalaki (na parang kasalanan niya kung bakit nangyari yun) o kung pangit ang sulat ng babae (na parang kasalanan niya ulit kung bakit nangyari yun).
  • Kahit daw gaano pa katalino ang isang estudyante, ang kakayahan at bilis magsulat ang isa sa pinakamalaking factor na magdidikta ng natutunan niya sa paaralan.
  • Napakalaking aspeto nga daw ng pagkatuto ang pagsusulat, dahil sa bawat hulma ng letra, may parte ng utak na gagana. Sa bawat pag-unlad nga daw ng isang tao sa aspeto ng pagsusulat, ay ang kakayahan niya ding bumuo ng pangungusap upang ipahayag ang sarili niya.
  • Isang aspeto daw na magdidikta ng bilis o bagal magsulat ay emosyon. Natural na sa isang tao ang magsulat nang mabilis kapag tense at sobrang bagal kapag kalmado, tipong chill lang.
  • Isang medical study ang nagsabi na may epekto ang blood sugar level sa ganda o pangit ng sulat. Dahil ang pagsusulat ay galaw ng ilan muscle sa kamay, paggana ng utak at mata (lalo na sa exam, alam na alam yan, 360 degree rotation, romoronda ang mata), nagiging mas maganda ang performance ng pagsusulat kapag kumpleto o sapat ang glucoe supply sa dugo. Asukal kasi ang pangunahing pagkain ng bawat cell sa katawan natin, kaya mas madami kang sugar habang nagsusulat, mas maganda ang performance. (ah, kaya pala nung nag-aaral ako, pag 3rd period ko na, iba na akong magsulat sa ng notes… ganito na.. Kanin… kaniiiiiin!!!! Kaniiiinnnn parang-awa n’yo na….> ^_^).
  • Isang sign daw ng late development sa pagsusulat ay kapag               masyadong              malalaki             ang           e   s    p    a    s    y   o     ng mga salita kapag nagsusulat sila… (woy! Makahusga ka, pumakdaw lang space bar ko). Sa mga ganitong kalagayan daw, karamihan ng taong malaki ang space sa pagitan ng bawat salita ay may limitadong kakayahan na makipag-usap sa iba, at madalas kung hindi buong buhay nya, ay gustong laging mapag-isa.
  • May mga research din daw na nagpatunay na kapag may speech difficulty ka, eh maaring magkaproblema ka sa pagsusulat. Solido daw ang ugnayan ng pagsasalita at pagsusulat. Ihalimbawa ko na lang yung sarili ko (oo, ako na naman bida, eh ako naman kasi nagsulat nito, di ba?), kami kasing mga Novo Ecijano eh kilala sa punto at pagkakabit ng “eh” sa salita namin. Isa pang common sa Nueva Ecija ay ang paggamit namin ng “e” kaysa sa “i” (lilinawin ko lang, iba naman ang mga taga-Batangas sa kanilang “ala-eyh”) tulad ng “uuwe”, “kakaen” “bibile”, “namen”, “sa amin”.
  • Ang kulay ng tinta ng panulat na gagamitin ay nagpapahiwatig din daw ng konting sulyap sa pagkatao ng sumulat. Madalang tayong makapili ng kulay ng ballpen na gagamitin dahil karaniwan sa formal at business communication, black ang choice habang sa medyo personal at informal communications ay blue. Pero kung mabibigyan daw ng pagkakataong pumili ang susulat ng kulay ng tintang gagamitin nila, eto daw yung ibig sabihin:
  1. red – leadership, dominance, or aggression
  2. black –  power or the desire for clarity
  3. blue – friendliness or spirituality
  4. green ink – adaptability or the desire for harmony
  5.  purple ink – eccentricity and a desire to stand out from the crowd.
  6. ibang kulay kada letra – please consult your psychiatrist immediately.

 Alam ko na madami sa inyo ang magsasabing, hindi naman na gaanong problema ang pagsusulat, o pagkakaroon ng pangit na sulat, ano ba namang itype ko yan sa Microsoft word at iprint, kahit sa kulay, makakapili ako. Oo nga, tama ka naman dun, sa makabagong mundo talaga, ibinibigay na lahat sa atin. Pero, naisip mo ba kung sagot ba talaga sa problema mo yung sinabing mong solusyon?

 Naalala ko yung kuwento ng dalawang magkaibigan na nagpaligsahan kung gaano kadami yung maiipon nila mula sa baon nila, nagpaligsahan sila kung gaano nila kayang magtipid, usapan nila sa dulo, ibibili nila ng premyo yung maiipon nila.

Yung isa, seryosong nagtipid, hindi bumili ng ‘di niya kailangan; yung pangalawa, hindi napigilan yung nakasanayang paggasta. Sa dulo, nanalo yung pangalawa, mas madami kasi siyang naipakitang pera at mas mamahaling premyo ang nabili niya. Wala naman problema sa una kung nanalo yung pangalawa, dahil ang inisip niya, natuto siyang huwag basta-basta gumasta, pero ang ‘di niya alam, nanghingi lang ng pera yung pangalawa sa magulang niya para ‘wag lang siyang matalo. Nakabili nga siya ng gusto niya, pero may aspeto ba ng pagkatao nung pangalawa ang umunlad? Sa mundo yata, goal-achievement na ang nagiging labanan ng tao, wala nang paki kung paano mo makukuha ito.

 Alam ko sasabihin mo na pagsusulat lang ito, napakasimple, pero hindi ba sabi nga sa mga nabasa mo, isa ito sa sasalamin sa pagkatao mo? Ang totoo, nung elementary ako, “parang inararo ng sampung manok na sinapian ni Sadako” ang itsura ng sulat ko. Kung naaalala n’yo yung “sulating pangwakas” natin sa Filipino, o yung “Formal Writing” sa English, (yung sinusulat natin sa theme book ba yun?), yun ang pinaka-purgatoryong karanasan ko yata sa pag-aaral.

Kasi noon, ang gusto ng mga teachers “dugtong-dugtong” ang sulat, ayaw nila yung gothic (print), kaya ang ending ng gawa ko eh dugtong-dugtong na sama ng loob. Kung maniniwala ka, 68 ang pinakamababang grades ko dun. May kuwenta naman ang laman, pero bakit mababa? Eh tingnan mo palang nakakasuka na, lalo na siguro kung bibigyan mo ng grade.

 Natandaan ko yung isang sinabi ng teacher ko, sabi niya, wala daw akong “kapag-a pag-asa” na magsulat nang maganda, hindi na nga daw niya binasa kasi masakit sa mata yung sulat ko.Tumawa yung mga kaklase ko, naisip ko nun, kahit pala may kuwenta yung sinasabi mo, kung hindi mo naman ito maiintindihan ng iba, mawawalan din ng kuwenta. At isa pa, likas nang mapanghusga ang tao, wala na tayong magagawa dito. Simula nun, pinilit kong iayos ang sulat ko, hindi para sa teacher ko, hindi para sa mga amag kong kaklase na pinagtawanan ako, kundi para sa sarili kong pagkatao.

 May malilit na aspeto ang pagkatao na maaring makaapekto, magsalarawan o magpakita ng kabuan natin bilang tao. Minsan, hindi natin ito nabibigyan ng halaga, dahil nga sa katotohanang maliit lang itong aspeto at parang wala namang halaga o epekto sa sarili natin o sa iba. Pero kung gusto mo ng malakihang pagbabago, di ba mas maganda na simulan mo sa simple, simulan mo sa kaya mo. Dahil maliit man na aspeto ang ganda o pangit ng sulat ng tao, bahagi pa din ito ng kabuuan mo. At ikaw pa din, bilang isang tao ang magdadala ng epekto nito, kaya ikaw lang ang may karapatang magsabi na “ok na yan, puwede na yan” o “subukan ko ngang gandahan”.

Ngayon, sulat babae daw ako, ok lang, ginusto ko naman na yun, dahil sa paraan na ito, sinubukan kong mapaunlad kahit na simpleng aspeto lang ng pagkatao ko.

author:  mga-sulat-kamay

p.e./mj