Dati, bolo lang ang aking hawak dahil kanang kamay ako ni Tatay sa sakahan. Sa payak na pamumuhay napaaral naman kami nang maayos, pero, hindi ko rin nabigyang katuparan na matapos ang aking kurso sa kadahilanang nag-asawa ako nang biglaan! 16 years old lang ako nang maging Mrs. Revilla ako, sa edad na 17 years old naging ganap akong ina sa isang batang lalaki; ang aking naging anak, KENETH ang kanyang pangalan. Kahit menor de edad lang kami pero naging maayos naman ang pagsasama namin.

 December 17, 2004   Sa edad kong 22 years old napadpad ako sa bansang UAE. Dito ko naranasan ang buhay na malayo sa aking mag-ama! Tiniis ko ang pagod! puyat! gutom! sa pakikipagsapalaran bilang OFW sa sahod na 700 dirham pinagkasaya ko lagi yan sa aking pamilya at pambayad sa tuition fee ng aking kapatid. Nanilbihan ako ng limang taon at apat na buwan sa amo ko nang walang uwian yan!

 Lumaki ang anak ko na wala sa kalinga ko at muntikan na sanang pagkasira ng aking tahanan, pero nanatili akong matatag kaya isa ako sa mga OFW na umuwing walang laman ang pitaka at bulsa! Pero, gayunpaman ang makita ang aking anak ay isang yaman na hindi kayang pantayan.

 Bagong Buhay at Pag-asa!

 October 10, 2010 Muli akong bumalik sa ibang bansa. Ngayon dito na ako sa QATAR, bagong buhay, pakikibaki, bagong amo naman. Pero, sa kamalasan ,dito ko naranasan ang mapagbuhatan ng kamay sa amo na walang puso! Iyak na lang ang aking tugon.  Dalawang buwan akong nagtiis hanggang nagdesisyon akong magpabalik sa agency.   Kung ilang luha ang umagos sa mga mata ko, ‘di ko matimbang. Ang tanging hangad ko lang ay ang makawala sa impiyernong tahanan niya.

 Salamat at may amo akong natagpuan na may busilak na puso at itinuring akong tao sa tahanan nila. Binigay ang aking kalayaan na gawin ang gusto ko, basta tapusin ko ang aking mga trabaho.

 Isang gabi, habang nagpapahinga ako, isang page ang nagustuhan ko sa Facebook, ang TAGPUAN NG MGA OFW  New Version.  Ako ay nainggayo sa mga nobela nila dahil ito ang aking hilig, ang magbasa.

Naging pampalipas ko ang pagtambay sa page nila; taga basa at like lang ako dati.   Madalang akong magcomment. Nahihiya kasi ako. Ngunit isang araw habang naglilinis ako ng mga gamit ng alaga ko, nakita ko ang papel at ballpen. Agad kong sinulat ang simpleng pangkalyeng tula at ‘di ako makapaniwala na nang araw na iyon ay nasundan ang isang akda at dumami, pero tinago ko sa maleta ko.  Wala kasi akong tapang na mabasa ng iba.

 Isang kaibigan ang nagbigay ng lakas ng loob na ma-post ang akda ko at laking gulat ko sa natanggap kong mga komento sa mga nakabasa nito.  Kaya ang isang tula ay naging isang artikulo at isang kaibigan ang tumulong na maipasa sa Definitely Filipino ang isa kong article na pinamagatang IBENENTA KO ANG AKING DANGAL SA SINGKWENTANG BARYA (OFW STORY).

 Halos mapalundag ako sa tuwa nang mapansin nila. Hindi ako natulog para tingnan ang bumasa nito, kaya lalo akong ginanahan at  ito ay nasundan ng isa pang akda, ang I’M 32 AND I’M STILL A VIRGIN, kung saan sa article na ito ay tuluyang nagbago ang buhay ko, dahil napansin ito ng isang publisher, si Tatay Jobo Elizes at isinama niya sa kanyang WRITING 12, isa sa kanyang mga libro.

 Ako ay nabigla dahil nang aking makita, lahat ay mga batikang manunulat, samantala ako ay isang pipitsuging nagsisimula pa lang. Kaya isang karangalan na isama ang simple kong gawa sa mga winning journalists sa libro ni Sir Jobo Elizes.

 Isang katuparan ng aking pangarap nang buksan ni Tatay Jobo na magawa ang lahat ng mga short stories sa isang libro! Lumipad ang aking espirito nang makita ko ang una kong libro, MASAYA DIN, MALUNGKOT DIN (KARANASAN NG MGA OFW)  Ito ang naging pamagat.

 Binuo ng mga kuwento na hango sa totoong buhay ko at ng mga kaibigan na nagtiwala na maisulat ko ang kanilang kuwento. At dahil sa librong ito nakatangap ako ng pagbati sa mga respestadong batikang manunulat, Sir Irineo Perez Goce C/L Lungsod ng Lipa, Pilipinas at Sir Percival Cruz Palanca Award Winner.  Isang malaking karangalan na makatanggap ng pagbati galing sa inyo na habang buhay kong babaunin sa aking puso ang mga salita ninyo.

 At dahil sa librong ito ay nakilala ako, isang simpleng tao at Domestic Helper na walang natapos na kurso, pero, gayun pa man nakatagpo ako ng mga kaibigan at akin ding hinahangaan sina Mommyjoyce, Racz Kelly, Monette, Angela, Iceburn, at Mga-Sulat-kamay at Flores Napat Peralta. Handog ko ang aking libro sa aking mga magulang sina Virginia at Joel Bayubay, ang dalawa kong kapatid sina Jenifer at Jecyl Bayubay Toyco, sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan at higit sa lahat, sa aking mister, si Marlon Revilla at nag-iisang anak Keneth Revilla na laging andiyan na sumuporta kahit mahirap lang kami.

 Alay ko din ito sa lahat ng OFW saan mang sulok ng mundo! Na kahit kasambahay lang puwede nating ipakita na kaya natin, sa kabila ng ating trabaho. Sa aking mabait na employer, Mr. Salman at Lina Ghossieni, na nagtiwala kahit kasambahay lang nila ako, pero tinulungan ako na matupad ang pangarap ko. Isang pasasalamat sa Definitely Filipino, kay Sir Ben Totanes, nakilala kami dahil sa sa inyo.

 Sir Jobo Elizes, utang ko sa iyo ang lahat ng ito; ang pagbukas ng pinto ng pangarap ko. Maraming Salamat!

 Sa ating Panginoon, isang malaking pasasalamat sa lahat na biyaya na ibinigay mo sa akin sa kabila ng aking mga kasalanan ay hindi mo ko iniwan sa mga oras na nadapa ako; ibinangon mo ako at ginabayan sa tamang daan sa buhay.

 Ito ay simula pa lang; hindi ako hihinto sa nasimulan ko, ang makatulong sa kapwa ko OFW.

author:  jovelyn

p.e./mj