Gold Digger    (Photo Credit:    Gotsmile.net)

Gold Digger (Photo Credit: Gotsmile.net)

Walang personalan  sa article na ito (hugas-kamay), sisihin ninyo ang keyboard ko na naudyukan lamang ng aking kinakalawang na utak. Alas 12 midnight na, dilat pa ang aking mata, naalala ko ang kahapon kung saan nagkaroon ako ng Sugar Daddy. Kumbaga kumapit ako sa patalim noon nang hindi ko namamalayan.

 Masaya magkaroon ng Sugar Daddy, may kaibigan ka na, may boyfriend ka pa; may tatay ka na, may lolo kapa at higit sa lahat ‘da best may ATM machine pang kasama.  Saan ka pa?

 Pag sinabi bang Sugar Daddy, eh matamis na ang buhay? Natikman mo na ba? Natikman mo na bang lumagapak sa lupa dahil lumipad ka nang matayog tapos na-realize mong wala ka palang pakpak? Bato bato sa langit ang tamaan..Ouch! Aray..ano ba?

20 years old ako noong una akong pumasok sa makamundong buhay bilang isa sa ka close friend ni Magdalena. Isa ako sa mga babaeng nagtataglay ng ugaling pagka-ambisyosa. Gusto kong maging reyna, gusto kong merun akong ganito, ganyan at gusto ko laging may pera para na rin sa pobre kong pamilya.

Nangarap akong makapag-asawa ng foreigner, dahil sabi nila iyon lang ang tanging paraan upang maiahon ko sa hirap ang aking sarili. Ninais kong tumuntong ng ibang bansa, dahil dolyares umano ang kikitain. Wala kong natapos, ni hindi ako marunong mag-english, hanggang tindera lang ang kaya kong trabaho. Ayokong pinahihirapan ang aking sarili, ayoko ng trabahong ginagamitan ng utak, dahil wala ako nun.

Nakipag chat ako noon sa isang dating site, matagal tagal rin bago may seryosong kumausap sa akin via YM, itago natin siya sa pangalang ‘Al’ (tunay niyang pangalan), 68 years old, kulubot, medyo may pagka-kamel ang dating (kuba na), maputi ang balat pati buhok, umaalog-alog pati ang pustiso niya, halata kapag ngumingisi siya. Interesado umano ang lolo mo sa beauty ko at nais niya akong makita sa personal. Nag Dollar sign agad ang mga mata ko, hinubad ko muna pansamantala ang aking puso at inilagay sa aking bulsa. Saka ko na lang ito ikakabit kapag marami na akong datung.

Pumunta nga siya sa Pilipinas, nakipagtagpo sa akin. Sinalubong ko siya sa airport, take note ha, nangutang pa ako pamasahe papuntang NAIA. Malas ko lang kasi 20 pesos lang ang pinahiram sa akin ng kaibigan ko (whuoo taghirap). Inilibot ko siya sakay ng tricyle sa MOA, (haha, natakot kasi akong magtaxi baka ako ang magbayad 20 pesos lang pera ko.) Naaliw naman si Al sa paligid kahit amoy usok ng sasakyan na ang katawan niya. Walang pagdadalawang isip akong sumama sa kanya kahit saan at ginawa ko ang lahat para maging memorable ang pagpunta niya sa Pilipinas.

Nagulantang ang aking kaluluwa nang sabihin niya sa aking dadalhin niya ako sa ibang bansa, saktong may passport na ako noon. Wala akong sinayang sa minuto, tawag agad sa pamilya ko..’ Hello ‘nay? I’m flying to London.. Di pa man ako umoo sa sinabi niya ay nag-impake na agad ako ng gamit ko (excited?).

Naging kami ni Al, in short. Halos 50 years ang pagitan ng edad namin, pero hindi ko pinansin. Sunod ang luho ko, pati pamilya ko ligtas sa kahirapan. Wala rin naman akong nasasaktang tao dahil wala akong boyfriend o asawa. Hindi ko alam kong naiinggit ba ang ilan sa akin o nasasayangan sa kabataan ko o talagang wala lang silang magawa sa bibig nila at puro tsismis ang naririnig ko. Na kesyo gold digger ako at mababa ang lipad ko.

 Ok lang naman lumipad nang mataas, pero huwag masyadong taasan, dahil tiyak lagapak ka sa lupa kapag ika’y bumagsak! Naging wais lang ako sa buhay, magpapakasal na sana kami; ang kaso inatake siya sa puso at tuluyang namatay. Naudlot ang pagyaman ko dahil walang naiwan sa akin kahit kusing, napunta tuloy lahat sa mga anak niya. Badtrip.

 Anu’t ano paman, nasa tao ang pagdadala ng sarili, wala naman sigurong masama sa ginawa ko. Naging fair naman ako kay Al, minahal ko siya, inalagaan na parang lolo (joke). Seriously, minahal ko siya nang totoo, pinaramdam ko sa kanya ang pag-ibig ko, yung totoong pag ibig at hindi lang dahil sa pera niya.

author:

p.e./kf