Sinner   (Photo Credit :    En.wikipedia.org)

Sinner (Photo Credit : En.wikipedia.org)

Alas siyete ng umaga, Linggo, naisipan kong magsimba. Dali-dali akong naligo, nagbihis at humigop ng kape dahil mag aalas-otso na. Sa aking isipan, sasakay pa ako papuntang simbahan. Baka ako mahuli sa misa.

Alas kuwatro na yata ng madaling araw, o lipas na yata yun, nang ako ay makarating sa aming bahay. Hindi na nga ako naramdamang dumating ng aking mga kasambahay. Si Kuya Enrico at si Ima lamang ang aking kasama sa bahay. Ang aking Papang ay nagtatrabaho sa malayo kaya madalang naming makasama.

Si Kuya Enrico ay hindi na nakatapos ng pag-aaral dahil sa akin. Pagkatapos niya ng ikatlong taon sa Sekondarya ay napilitang mamasukan kung saan-saan upang bigyang-daan ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Isang taon lang kasi ang pagitan namin at nahihirapan ang aking mga magulang sa pagtustos sa aming edukasyon. Sa ngayon, nakaipon siya para makabili ng pamasadang traysikel. Iyon ang pinagkukunan niya sa araw-araw at paminsan-minsan ay inaabutan si Ima.

Ang aking ina naman ay tumanda nanbg labandera, plantsadora at mananahi. Inugatan na sa mga gawaing ito. Sa edad na 65, ay may pailan-ilan pa rin siyang nagpapagawa ng labada o pamamalantsa na ikinagagalit ng aking kuya. Sapat na naman daw ang kanyang kinikita para sa aming tatlo. Bakit pa daw kailangan niyang tumanggap ng trabaho, e hindi na naman niya kayang gampanan ang mga ito? Tsk! Kahit nga ako ay nagtataka rin kay Ima.

Isang metro na lamang ang layo ko sa tarangkahan ng simbahan, nang makita ko ang aking suki. Hindi pa naman ako nakapagdala ng aking mga raket. Kaya sinabi ko na, i te text ko na lamang siya pagkatapos kong magsimba. Natawa siya. At patudyong sinabi, “Baka ka masunog diyan?”. Sabay sinundan ng malutong na halakhak. Ngumiti na lamang ako sa kanya at nagpatuloy na sa paglakad.

Nag-uumpisa na nga ang misa. Sinasabi ko na nga ba at mahuhuli ako, sa isip-isip ko. Luminga-linga ako sa paligid ko. Bagaman at nasa kahulihang parte ako, natanaw ko naman ang ilan…hindi, karamihan na nandoon. Ang mga dati kong kaklase noong high school at elementarya, mga kaibigan at kabarkada noon, mga dating syota ( ha ha ha ha! Buhay pa pala ang mga ito!), mga kumare at kumpare nina Ima at Papang, at marami pang iba. Nandoon nga din ang mga may utang sa akin. Ang kakapal naman ng mga ito! Sabagay, ako nga andito.

Mga ilang saglit pa at magbabatian na, nang mapadako sa akin ang mga tingin ng mga nasa unahan at mga katabi ko, napansin ko na parang nawala ang konsentrasyon nila sa pakikinig sa misa. Nagbulong-bulungan na at inuri na ako. Tsk! Tsk! Ang mga tao nga naman. Akala mo wala silang mga ginawa.

Hanggang matapos ang misa ay pakiramdam ko, sinisilihan na ako pauwi. Pinilit ko lang makaraan ang pari at nang aking makamayan dahil sa napakaganda niyang mensahe ay naglakad na ako palabas ng simbahan. Ngunit hindi pa ako nakakalayo ay kinalabit ako ng isa sa mga sakristan. Ayon sa kanya, pinatatawag daw ako ng pari. Nakapagtataka naman, e, hindi ko naman siya kilala. Huh! Baka dati kong suki. Natawa na lamang ako. Ano ba naman itong iniisip ko?

Sinundan ko ang sakristan papuntang opisina ni Father. Pagkabukas ng pinto, nagulat ako, Si Taba ito! Ngunit hindi ako sigurado. Maganda ang imahe niya. Payapa kung tingnan. Basta . . . Hindi ko matukoy kung ano ang dahilan ng kagandahan nakikita ko sa kanya. Tumitig na lamang ako sa pagtataka.

“Kumusta na? Ilang taon na ba tayong hindi nagkikita?”

Noon ko nakumpirma na si Taba nga siya. Paano naging pari ang damuhong ito? Siya ang puno’t dulo ng kung ano ako ngayon! Bigla tuloy akong namula at nanlambot sa galit. Lahat ng pangyayari noong kasama ko siya ay parang kanina lang naganap. Biglang sumariwa lahat yun.

“Alam ko na hindi maganda ang naidulot ko sa iyo. Lahat ng nangyayari sa iyo ngayon ay alam ko rin. Pinilit kong mapalipat dito para makita ka.”

author:   mhych

p.e./mj