Rich and Poor  (Photo Credit      Flixya)

Rich and Poor (Photo Credit Flixya)

Hatinggabi na. Hindi pa rin ako madapuan ng antok. Biglang pumasok sa isip ko ang mga bagay na hindi pangkaraniwang naiisip ng kung sino.Tila yata nagiging malikot ang takbo ng isip ko at pananaw sa mga oras na ito.Sa totoo lang wala akong magawa.

Sa dami kasing mga mayayaman dito sa mundo. Aking napagtanto na ang dami palang kaibahan ng pagiging mahirap sa pagiging mayaman. Sa dami ng aking napagdaanan,narating at napuntahan,mga narinig at nakikita aking napuna ang mga bagay at kaganapan. Likha ng matalas kong pakiramdam at pag-iisip. Dulot nito’y mga pangyayaring hindi kanais-nais. Ito ang mga listahan ng mga kaganapan na aking natuklasan sa ating lipunan.

  • Kapag ang mahirap ang nagpapaliwanag sasabihin nila nagrereklamo at nagwawala. Nagtaas lang ng boses sasabihin iskandalosa. Ngunit kapag ang mayaman nagpapaliwanag o nag-explain sasabihin matalino at nangangatwiran.
  • Kapag ang mahirap ang nakapagtapos ng pag-aaral, sasabihin nagsumikap dahil kinakailangan. Ngunit kapag ang mayaman ang nagtapos, kadalasang dahilan ay mayaman ito,  may kakayahang magbayad at sapagka’t ito ay suportado ng magulang.
  • Kapag ang mayaman lumabag sa batas trapiko kadalasan napagbibigyan dahil ang minamaneho ay mamahaling auto. Subalit kapag ang mahirap lumabag sa simpleng batas trapiko timbog na agad. Kukumpiskahin ang lisensiya at kailangan na maghanda ng pera upang makuha ang lisensiya.
  • Kapag ang mayaman nakikitang lumalabas nakasuot ng disenteng damit kahit walang laman ang bulsa akalain puno ito ng grasya. Subalit kapag ang mahirap kahit mayroon itong pera sa bulsa, dahil sa itsura, napagkakamalang pobre at walang maibubuga.
  • Ang mahirap kapag nahuli na kumuha ng kahit ano sa grocery na hindinabayaran, ikukulong na at kailangan maghanda ng pang piyansa. Ngunit kapag ang mayaman ang hindi nakabayad ng kinuha sa grocery, pwede pang mapag-pasensyahan. Iisipin baka nakalimutan lang.
  • Ang mayaman kung kumain parang piyesta punong puno ng pagkain sa mesa. Pero ang mahirap, naghihintay pa ng piyesta para makakain ng masasarap, katulad ng pagkain ng mayayaman.
  • Ang mahirap kapag nagkagusto sa mayaman sasabihin isa kang ambisyoso at suntok sa buwan. Nanaginip ka ng gising pera lang ang habol mo. Kapag ang mayaman nagkagusto sa mahirap sasabihin, pera mo lang ang habol niya.

Eh bakit kaya ganun? Lahat na lang isinisisi sa mahirap. Mahirap nga talagang maging mahirap at masarap maging mayaman.

Totoo naman na malaking bagay ang pera o yaman sa pamumuhay ng isang tao. Dahil ang pera ay pwedeng paikutin ang mundo at may kakayanan itong baguhin o baliktarin ang mga sitwasyon. At may mga taong kayang paikutin ng pera.

Kung minsan mahirap din maniwalaan ang mga salitang”Lahat ng tao ay pantay pantay.” At ang lahat ng bagay ay magka-ugnay.

” Paano nagiging pantay ang tao kung merong mahirap at mayaman? Merong naka-angat at nakalubog? Merong sagana at merong kapos at salat sa pamumuhay? Meron lamangan at hindi pantay ang lahat ng bagay? “

Magkaiba at magkasalungkat ang ibang bagay dito sa ating lipunan. Walang sino man ang may gustong magdusa o makaranas ng kahirapan subalit ang bawat tao ay may kanya-kanyang kapalaran.

Mapalad ang iilan at nahanay ito sa pagiging mayaman. Para naman sa iba na nahanay sa antas ng kahirapan, maswerte pa rin tayo at nabibilang tayo sa mga taong kailangan magpursige, kumayod at namumuhunan ng pawis pagod at hirap upang makaahon sa kahirapan.

Isipin na lang natin, malawak man ang dagat, iba’t ibang klase naman ang mga tao, at uri ng paraan upang sumagwan at sumabay sa ikot ng alon, kapag ating pinagmasdan ang lawak ng karagatan, pagdating sa dulo,ang langit at lupa ay nagpapantay din.

author:

p.e./mj