Love    (Photo   Credit:    yourordinaryday.blogspot)

Love (Photo Credit: yourordinaryday.blogspot)

Umaga, habang nakabalot ng kumot at pitpit na pitpit ang Sponge Bob Squarepants na unan na kasing laki yata ng 12 years old na bata, dahil sa mahigpit na pagkakaakap at pagkakadantay ay pilit tinatapik si Stephen ng kuya niya. Nag-alarm na kanina yung cellphone niya, pero sumpa yata talaga ng umaga na kapag nag-alarm ang cellphone, gigising ka lang para patayin to, tapos lilipas lang ang three seconds, nasa mundo ka na naman ng panaginip.

Red: Pot-pot! Gumising ka na! Hoy! Wag ka na magpa-late. First day mo pa naman, bukas ka na lang ma-late. (Habang walang habas na hinila ang kumot, unan, bed sheet at  walang-awa na inihulog si Stephen sa sahig kasama ang kutson ng kama nya.)

 Stephen: KUYAAAAA!!!! Ang sakit naman!! Ito talagang Redentor na to, napakasutil mo (at binato ng unan ang ngiting-ngiti na kuya nya) susumbong kita kay mommy!

 Red: Naku Pot-pot, si Mommy nga nagsabi na gawin ko daw lahat para magising ka. Tinanong ko pa kung pede ba kako kita buhusan ng mainit na tubig, ibinilin pa na pakuluin ko daw mabuti ng di maimpeksyon magiging lapnos mo. Tumawag na kanina, tulog na tulog ka, tulo laway ka pa. (habang patuloy na binubwiset si Stephen at hinihila pababa yung suot na pajama.)

 Stephen: Kuya! Tigilan mo na ko! Napakasutil naman kasi. Dumating na siya dun?

 Red: Oo daw, nasundo na ni Tita Lora. Bumangon ka na dyan, o gusto mo paliguan kita baby? (akmang lalapit ng biglang tumayo at tumakbo sa banyo si Stephen, sabay lock ng pinto, siguradong pagtitripan na naman siya ng kuya nya). Hahaha! Yung uniform mo nasa baba, pinaplantsa pa ni Ate Amber.  Bilisan mo at kakain ka pa.

 Pagdating sa banyo, pinatulo niya yung gripo nang medyo mahina, umupo sa inidoro at nangulumbaba, maya-maya pa, naglalakbay na namn yata siya sa mundo ng panaginip. Tulog na naman ang antuking bata. Nang makarinig siya ng mga katok na tila malakas na pwersang naghampas ng katawang lupa niya sa realidad.

 Amber: Pot-pot! Pot-pot! Wag ka nang matulog sa banyo ha, medyo malayo school mo, ‘di pa naman tayo sanay sumakay dito, baka ma-late ka sa first day mo! Pot! Huy! (walang tigil siyang kinakatok na para bang makakatulong ang bawat katok na yun para bumilis ang ginagawa niya).

 Stephen: Oo .Ate, di ako natutulog. Maliligo na ko!

 Amber: Palusot ka pa dyan, yung uniform mo baba ko dito sa kama. Ano bang nangyari sa kama mo Pot, parang ‘di tao natulog dito ah…. Bilisan mo, kakain pa tayo.

 Stephen: Oo, Ate, eto na nga oh, maliligo na. Si kuya may kasalanan niyan.

 Sinimulan niyang patayin ang gripo at binuksan ang shower. Hinubad ang pantulog niya at pikit-mata na tumapat sa shower. Ito ang pinakaayaw niya sa umaga, kapag tila binabasbasan ng Holy Water ang katawan niya upang mawala ang ispirito ng antok at tulog sa katawan niya. Napasigaw pa siya dahil malamig ang tubig, malamig kumpara sa dating bahay nila sa Manila. Nandito sila ngayon sa probinsya ng Mommy nila, isang bayan sa Nueva Ecija. Ayaw man niyang umalis sa Manila, wala siyang magagawa, kinailangang sumunod ng Mommy nila sa Daddy nila na kasalukuyang nasa Canada, nagkasakit kasi ito at naoperahan. Maayos naman na ang Daddy nila at wala ng dapat ipag-alala, pero di pa din napigil ang Mommy nila na sumunod dun.

 Kaya ending, kinailangan nilang magkakapatid na umuwi ng Nueva Ecija, sa dati nilang bahay na katabi lang ng bahay ng Lola nila. At bilang bunso, naiwan siya sa pangangalaga ng panganay nila na si Amber at ng pangalawa na si Red, pero tinatawag niyang Redentor pag naiinis siya dito. Second year high school siya, third year sa College naman yung kuya niya, habang  CPA ang Ate nya na dating pumapasok sa isang bangko sa Manila, ngunit dahil sa paglipat nila eh napilitan itong magpa-assign  sa branch na malapit sa kanila. Ayaw niya sanang umalis sa dati niyang school, pero wala silang magagawa, gusto ng Mommy nila na umuwi sila ng Nueva Ecija, balak yatang mag-stay namg matagal-tagal ng Mommy nila kasama ang Daddy nila.

 Pagkatapos maligo, nagbihis na siya agad. Naglagay ng deodorant, konting lotion sa braso at isinuot na ang bagong uniform niya. Nanibago siya sa itsura nya, nasanay kasi siya sa dating simpleng puting polo na suot niya sa Manila, etong bago niya, may vest pang kasama. Badtrip, kakati yata sa liig nito, kainit pa! Wala naman na siyang gaanong arte sa katawan bukod sa pabango, hindi niya ugaling maglagay ng malagkit na gel, wax, oil, pamada, rugby o super glue sa buhok. Dati nahumaling din siya dito dahil lahat ng lalaki sa klase nila ay gumagamit nito, pero sa di maipaliwanag na phenomenon, immune yata ang buhok niya sa gel, napakalambot ng buhok niya, na kahit isang galong gel yata ang ilagay mo eh walang epekto, nanglalagkit lang siya. Kaya napagpasyahan niyang isuko na ang magkaroon ng malacommercial na hairstyle.

 Lumabas siya na bitbit ang mga bagong gamit niya. Parang wala siyang ganang kumain. Tuwing umaga ito ang problema niya, ayaw tanggapin ng sikmura niya ang pagkain. Para bang paraan ng katawan niya yun para magrebelde dahil sa pagdadamot niya ng tulog dito, pero no choice siya, batas sa bahay nila na dapat kumain, at batas na dapat sabay-sabay silang kumain. Umupo na siya at inintay umupo ang Ate at Kuya nya.

 Amber: Oh bakit ganyan mukha mo Pot? Kagwapo-gwapo eh, katulis nguso mo.

 Red: Hehehe, wag mong sabihing namimiss mo kaagad si Ramon, sabi ko na may relasyon kayong dalawa eh. Hahaha! (Tiningnan niya ng masama ang kuya niya at sinimangutan.)

 Si Ramon eh kapitbahay at naging best friend niya sa Manila, namiss nga nya ito, lalo na at naaalala niya na lagi niya ito kasabay pumasok sa eskwela, pero hindi yun ang nakakapagpasimangot sa kanya, yun ay ang katotohanan na natatakot siya sa dadatnan niya sa bagong school niya. Sari-saring eksena ang patuloy na nagpafast forward sa utak niya tulad ng:

  1. kakausapin kaya nila ako? kung kakausapin man nila ako, ano ba ang salita nila? maiintindihan ko kaya o magmumukha akong carrots na nasama sa ingredients na gagawing pakbet? Out of place times to the super power?
  2. gaya kaya nung napapanuod ko sa tv, bubugbugin din kaya ako bilang initiation? kung bubugbugin ako, sana wag masyadong masakit, kapayat ko na nga baka magmukha akong binagyong saranggola pag nagkataon. Ano kaya mas masakit, suntok ng kanang kamay o kaliwang kamay? Sipa o tadyak? Suntok o bigwas? Bira o hampas?
  3. may CR kaya dun sa school? o hahanap lang ako ng Virgin Forest ng talahib at pasimpleng maghuhukay ng tuyong putik pag naghihimagsik ang tiyan ko? Ano ipangtatakip ko sa ebidensya, tuyong dahon o bato? Kung bato, maliit o malaki?
  4. makita ko kaya ang school ko bagong magunaw ang mundo sa December 21, 2012? Totoo nga bang magugunaw na ang mundo? Sino nga ba si Nostradamus? Kumita ba ang movie na 2012?

 Amber: Bilisan mo kumain Pot-pot, iniintay ka ni Jake, nandyan sa kabila, naalala mo siya? Yung pinsan natin, dun din siya nag-aaral sa school mo, kaso fourth year na siya, sasabay ka na nya para di ka na mahirapan sa pagsakay.

 (Kitang-kita ni Stephen kung paano nabasag ang mga imahe ng pagkagunaw  sa utak niya, nakatanaw siya ng pag-asa sa pinsan niyang si Jake. Nagbago na ang mood niya ng malaman na may pinsan siya na maghahatid sa kanya.)

 Red: Hoy Pot! (Abala sa pag-iisip kung paano naisalba ang buhay niya ng pinsan niya) Hoy! Stephen Jerome! (sabay wisik ng tubig sa mukha).

 Stephen: Kuya! Napakasutil naman oh!

 Red: Hahaha! Ano ba kasing amag ang iniisip mo, tara na! Late ka na!

 Stephen: Sasabay ka din ba sa amin ni Jake?

 Amber: Hindi, sa ‘kin siya sasabay, malapit yung papasukan ko sa school niya, magkaiba tayo ng daan, sorry, Pot, commute ka muna ha?

 Stephen: Ayos lang ate. Ayaw ko din kasabay si Kuya Redentor, baho, di naligo.

 Red: Woooy! Hindi din, naligo ako noh. Kaw nga dyan, malamang ‘gang banyo tulo laway ka. Tsaka hindi “Redentor” pangalan ko, kabaho naman, Reden lang. (tsaka piniga ang ilong ni Stephen, habang todo ngiti. Pahampas namang inalis ito ni Stephen.)

 Nangiti din si Stephen, kung mayroon man siyang ipinagpapasalamat sa pamilya nila, lumaki silang close sa isa’t isa. Kahit sa Daddy nila, sinisigurado nito na umuuwi ito taon-taon, ngayon lang talaga hindi nakauwi dahil sa nangyaring operasyon. Lumabas na sila ng bahay, at ibinilin sa kanya na iiwan ang susi ng bahay nila sa tindahan ng Lola nila, na nasa katabing bahay lang. Nagbilin pa yung Ate niya na kung gusto niyang gumala eh siguraduhing magtext at wag papagabi. Sumimangot lang si Stephen at sinabing, “san naman ako pupunta dito? puro bukid yata nandito…”. Ngumiti lang ang Ate niya at sinabing puntahan na yung Dikong Jake nya. Siyempre, nambwiset pa din Kuya nya at sinabing “ingat ka sa chicks Pot…” (at sinabayan ng bungingis na sinagot naman nya ng simangot na mukha at matulis na nguso).

 Dalawang sakay mula sa bahay nila bago narating ang school. Madali lang puntahan ang school nila, yun nga lang, mga kalahating oras siguro biyahe, 5 minutes sa tricycle at mga 25 minutes siguro sa jeep. Habang daan, kinukwentuhan siya ng Dikong Jake niya. Nakikinig naman siya bilang respeto at ngumingiti, pero kinakabahan talaga siya. Tahimik siyang tao, sa bahay nga lang siya nakikipag-asaran, karamihan, akala suplado siya, mahiyain kasi. Kaya ganun na lang ang kaba niya ngayon na bagong kapaligiran na naman ang gagalawan niya, bagong tao na naman ang makakasalamuha niya. Huminga siya ng malalim ng sabihin ng Dikong Jake niya na bababa na sila. Nagulat siya, kung gaano kalaki yung nakita niyang school, ganun yata kalaki ang gulat na naramdaman niya.

 Jake: Welcome sa bago mong school. Bali 10 buildings ang nandito, yung iba gang 3rd floor, iba abot ng 4th floor, may standard size oval para sa track and field, my pool, kumpleto ng lahat ng klase ng court. The biggest secondary school in Nueva Ecija.

 Stephen: Dikong, akala ko ba public school yun papasukan ko?

 Jake: Oo, public to, pero ito ang pinakamalaking school sa buong probinsya, pinakamatanda pa, at pinakamadaming nag-aaral, halos 2 thousands students per year level at nasa 35 – 40 sections kada year level. Wag ka mag-alala, balita ko sa first section ka, maganda naman daw records mo sabi ni Ate Amber.

 Wala na yatang naintindihan si Stephen sa mga sinabi pa ni Jake, walang hiya, daig pa niya ang nakalagok ng dalawang basong acetone sa kaba, iniisip niya na kamukha lang ng pinanggalingan niyang school sa Manila ang papasukan niya ngayon, na nasa kulang 500 lang population ng buong school, mas kaunti ang tao na pakikisamahan mas ok. Akalain ba niyang parang rally pala ng EDSA People Power ang mapupuntahan niya? Inihatid siya sa room ng Dikong Jake niya, ng nasa tapat na sila ng pinto nagpaalam na ang Dikong niya at sinabing itext siya kung magkaproblema. Nung oras na yun, parang gusto niyang sampal-sampalin ang Dikong niya at sabihin, ito ang problema, sa dalawang libong tao dito, wala akong kakilala. Parang gusto niya kumapit dito ang magmakaawa na wag siyang iwan. Umiling siya upang mabura ang imahe sa isip nya, na nakakapit siya sa paa ni Jake, nagmamakaawa na wag siyang iwan habang hirap na hirap itong naglalakad. Huminga ulit ng malalim, inisip niya,  “di na ako Grade 1, dapat wag na akong umasta na parang Grade 1… Dapat parang Grade 2 na.. hayz! amag naman oo!”

 Pumasok na siya, habang naglalakad, pakiramdam niya ay parang gawa sa metal ang sapatos niya dahil parang hirap na hirap siyang ihakbang ang paa niya papasok, gusto na niyang tumakbo pauwi at sabihin sa Ate niya na nakahanda na siyang lumaboy sa lansangan, suminghot ng rugby at LPG gas at mamalimos sa lansangan, kaysapumasok dito. Pano ba naman, nakakadalawang hakbang pa lang siya, lahat yata ng nasa loob ng room eh my implanted bluetooth communication sa utak, sabay-sabay silang tumigil magsalita at tumingin sa kanya. Amag naman oh! Ayaw na ayaw pa naman niyang tinitingnan ng tao. Habang naglalakad, nasagi pa nya ang isang upuan at na naging dahilan para mapatid siya at muntikan madapa, muntikan ng mabiyak nguso nya… Amag talaga yung araw na to. May ilan babae na tahimik na nangiti, pero di yun nakawala sa paningin nya.

 Para di na madagdagan ang kahihiyan nya sa sarili nya at baka may magawa pa siyang mas di katanggap-tanggap tulad ng maihi sa pantalon o himatayin bigla sa harapan ng mga bagong kaklase gaya ng mahinhing dalagang Filipina. Amag! Naupo siya sa may hulihan, may bakante na dalawang upuan dun, mabuti na lang at wala siyang katabi, ayaw nya muna ng kausap, ramdam pa nya ang pamumula ng mukha. Nahiya talaga siya kanina. Badtrip na first day. Maya-maya may tumapik sa balikat niya, asar siyang lumingon pero inayos ng pilit ang lukot na mukha. Lumingon siya at parang humiwalay yata ang kaluluwa niya sa katawan niya. Pakiramdam niya, buhay na bubwit ang almusal niya kanina at lahat ng kinain niya ay sabay-sabay gumalaw sa sikmura niya, nakakakiliti, na nakakairita.

 Parang isang anghel ang kaharap niya, literal na naging slow-mo lahat ng nasa paligid. Hindi siya makapaniwala na may ganito kagandang tao na nabubuhay sa mundo. Sa maamo niyang mukha, wala di magbabalik ng ngiti kapag ningitian ka nya. Ang mahaba niyang buhok ay sumasayaw sa bawat ihip ng maingay na electric fan.. Pesteng electric fan, panira ng moment. Bukod dun, ang bango-bango niya, amoy ng mahinhing bango ng bulaklak… Naamoy na niya to dati… Amoy ng bulaklak ng dama de noche… mabango, pero mahinhin… Mahinhin pero sapat ang kakayahan na lumikha ng ilusyon, na napapalibutan ka ng magagandang bulaklak na may huni ng ibo… Langya… pelikula ba to?. Gusto niya sanang pumikit, at magbakasakali na nakahiga pa din siya sa kama, o nakapangalumbaba sa inidoro sa CR nila, iniisip niya kasi, kung totoo to, malamang para siyang tanga, utang na loob, wag naman sang tumutulo ang laway niya. Nang may naghampas ulit sa katawang lupa niya sa realidad, ng tinapik ulit siya ng babaeng kanina pa pala nagtatanong sa kanya.

 Stephen: Ah, ano nga ulit yun?

 Jenny: Sabi ko, ikaw ba yung bago naming kaklase?

 Stephen: Ah o..o.., ako nga…., bakit? (inis na inis siya, ngayon lang nangyari na para siya nauutal sa harap ng babae)

 Jenny: Ako si Jenny, ibinilin ka nun adviser natin, kung dadating ka daw, punta ka sa Principal’s Office.

 Stephen: Ah, sige… (tumayo siya na parang zombie, di alam kung san ba siya pupunta pero tumayo siya dahil sinabi ng babaeng kaharap niya… tumayo siya, tumingin siya sa kaliwa, tapos sa kanan,… Langya! tatawid ka ba? Di malaman kung saan siya unang hahakbang… Amag oo.. Ano bang mahika meron ka Jenny?)

 Jenny: Alam mo ba kung saan ka pupunta?

 Stephen: Hindi nga eh… (ngumiti siya at medyo namula, napakalakas ng epekto ng babae na to sa kanya… ano bang nangyayari sa kanya? Nagkakaganito ba siya dahil:

                 (a) panis na ang creamer na ginamit nya kanina sa Milo, gusto niyang sapakin ang sarili ng maalala na di napapanis ang powder na cream      

                (b) may ibang chemicals ang tubig dito bukod sa chlorine kagaya ng love potion na maiinlove ka sa unang babae na di mo kamag-anak na makikita mo?, ungas eh ang una mong nakitang babae eh yung nagtitinda ng kulay red at green na sisiw na nakasabay nyo sa jeep. o

               (c) may bagong virus ngayon na kumakalat through mosquito bites na ang signs and symptoms eh magmukha kang engot at mag-utak amag sa harap ng babae… hayz… indi lang basta babae… anghel ko yata siya….)

 Jenny: Halika, samahan na kita, hatid kita sa office (at may bonus pang napakatamis na ngiti)

 Para may kung anong pwersa na nagtulak sa kanya para sumunod kay Jenny ng walang pagtatanong, parang overtime yata lahat ng organs niya, mabilis ang tibok ng puso, ang utak niya ay parang kayang-kayang magsolve ng 1000 trinomial algebra problems in an instant. Tumango siya at ngumiti din kay Jenny. Habang naglalakad sila palabas, wala na siyang pakialam kung sino man ang taong nakatingin sa kanya, o sa kanila. Wala na siyang pakialaman kung ano pa ang sinasabi ng nasa paligid niya, basta siya ang mata, tenga at isip niya ay kay Jenny lang. Sa isip nya naglalaro ang salitang, “sana inilipat na sa Marinduque ang office ng principal para di sila agad makarating. Langya unang araw to, may kung anong amag ang kumapit sa utak ko. Lalakad ako ng lalakad, basta kasama mo, pangako di ako mapapagod, hindi ako lilingon, basta lagi ko lang makikita ang ngiti mo…. langyang ngiti yan… bakit ba di ko magawang iwasang tingnan…”

Part 2 po: http://www.facebook.com/notes/mga-sulat-kamay/palpitated-love-chapter-02/420661284629074

author:  Mga-sulat-kamay

p.e./mj