Romeo and Juliet    (Photo Credit:    Catyork.blogspot)

Romeo and Juliet (Photo Credit: Catyork.blogspot)

Tandang-tanda ko pa kung paano gumalaw ang mga malilikot nilang labi.

Sa sandaling iyon, parang gusto kong tumalon mula sa mataas na building na kinatitirikan ng club kung saan ko nahuli ang magaling na damuho.

Pero naisip ko, kung magpapakamatay ako para sa lalaking iyon, hindi ang pagtalon sa building ang pipiliin ko. Dahil  maliban sa hindi makilalang bangkay ang makikita sa kalunos-lunos kong katawan, bibigyan ko pa ng problema ang mga taga-punerarya para makumpleto ang 1,000 puzzle piece upang mabuo akong muli.

Sa sandali ding iyon, gusto kong isuka lahat ng kinain ko hindi lang nang araw na yun kundi pati yung fat at glucose content ko sa katawan, kung puwede lang. Parang overcooked spaghetti pasta naman ang buong muscular system ko. Nahirapan din akong huminga. Kulang na lang ay manghiram ako ng respirator kapalit ng nag-malfunction kong mga baga. Nanikip din ang dibdib ko kahit hindi ako tumira ng isang buong lechon.

Naramdaman ko ang pag-alalay ng taong naging karamay ko nang panahong iyon: ang BEST FRIEND ko.

Ang lalaking minahal ko katumbas sa tatay kong ang korni kung bumanat. Ang best friend ko din ang lagi kong nakakausap kapag walang gustong makinig kahit si Simsimi na palaging “I have no response”.  Siya din ang nagpapagaan sa loob ko lalo na nang matalo ako sa DOTA Tournament dahil walang awang pinulbos ang Hero ko. Siya ang sumalo sa akin nung tatanga-tanga akong nadapa dahil sa kayabangan kong mag- high heels.

At ngayon, siya muli ang tatakbuhan ko para iyakan ang naganap na kataksilan ng lalaking binigyan ako, hindi lang ng Heart Ache kundi pati instant Heart Attack.

Tahimik ang buong lugar. Nabasag lang yun nang makita ko nang masinsinan yung design ng unan.

“Tol, bakit naka-brief lang dito si Sponge Bob?”

Bigla niya akong binato ng unan. “Letse! Tingin mo may choice ako? Ganyan na yan nang nabili ng nanay ko!

Dumating ang umaga.

Biniro ko pa ang sarili habang nakatingin sa repleksyon sa salamin. Dahil sa overnight crying session, natupad ang pangarap ko na maging tsinita, K-Pop version sa lagay ng akala mo’y naputakting mga mata ko.

“Ang lakas talaga ng saltik mo. O yan, kumain ka na nga,” sabi niya; at inilapag ang plato na punong-puno ng paborito kong tapsilog. “Alalahanin mong maraming bata sa mundo ang walang makain,” Dagdag niyang sermon.

Bakit? Mabubusog ba sila kapag kinain ko ‘toh’?” Kontra ko naman sabay lamon.

Nanaig muli ang katahimikan.

Nailang ako.  “Uy, alam mo ba? Sa TV Broadcast, bawal ang dead-air. Automatic minus five yung prof ko per second.”

Pero hindi pa rin siya nagsasalita. Nakatingin lang siya sa akin nang mataimtim.

“Minus five.”

Napabuntong hininga siya ng malalim.

“Minus ten.”

Nakita ko ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata hanggang sa…

“Minus fifteen.”

“I’m sorry best. I’m so sorry. Hindi dapat kita dinala doon kagabi.”

Pero hindi niya magawang isambulat ang katotohanan.

Dahil ayaw niya akong masaktan.

Dahil nakita naman niya kung gaano ako kalulong kay Mr. Absolutley Wrong. Kumbaga sa game show, biglang narinig ang wrong buzzer sfx dahil siya ang pinili ko bilang sagot sa tanong na “Siya na kaya ang ‘the ONE?’” Ganoon siya kamali sa love story na aming pinagsamahan. Pero naniniwala kasi ako kay Taylor swift  na ako si Juliet. Kaso, hindi pala siya si Romeo.

WRONG. (Insert wrong buzzer sfx here)

Kaya ang ginawa ng best friend ko, sinama niya ako sa club na yun. At least hindi na niya kailangang isiwalat lahat. Matibay ang ebidensya.

GUILTY.( At bawal idahilan na may hypoglycemia kapag nagwo-walk out.)

Dumaan ang ilang araw.

Sa wakas, natagpuan ko na rin ang lakas para kausapin ang mahiwagang SIYA.

“Bakit mo toh’ ginawa sa akin?”

Malateleserye kong pagsambit habang nakatingin lang siya sa lupa. Parang hinihintay siyang lamunin nito. Kung puwede nga lang talaga baka mabaon ko pa siya 6 feet below the ground.

“ANG UNFAIR MO!”

Buong lakas kong paghiyaw, yun nga lang hindi ko alam kung ilang decibells kalakas. Pero totoo naman. Unfair siya.

Ginawa niyang hide and seek ang sana’y kwento naming pang-Precious Hearts Romance. Pero, sorry na lang ako. Hindi happy ending ang katapusang mababasa sa dulo.

Ang akala kong Romeo, trip pa lang maging Juliet din. Dahil ang nahuling ka-lips-to-lips ng EX ko that fateful night ay kalahi niyang Adan din. Ang akala kong knight in his shining armor, nakikipag-espadahan sa ibang kabalyero. (Ang mag-isip ng masama…wala na akong kinalaman diyan).

Maling leading man ang nakilala ko.

Dahil siya, hindi niya kailangan ng leading lady.

Leading man din.

author: bangsoverload

 

 

 

 

Enhanced by Zemanta