Night View of Hirts

Night View of Hirts (Photo credit: Wikipedia)

Ikaw, kaibigan? Naitanong mo ba o napag-isipan mo man lang kung bakit ba nilikha ng ating Poong Maykapal ang kadiliman o ang ating tinatawag na gabi? Na maaari naman Niyang panatilihin na lamang si haring araw sa kalangitan. Naisip mo ba kung anu nga ba ang dahilan ng pagkakalikha ni gabi?

Noong ako ay musmos pa lamang, aking naalala na pagkagat ni dilim ay oras na palang umuwi at tumigil sa pakikipagtakbuhan sapagkat kapag si nanay ay ‘di ka matagpuan, siguradong sermon ang iyong makakamtan. Taguan sa ilalim ng buwan pagkatapos ng hapunan ay ‘di mo mararanasan. Noong ako ay bata, ako ay nalulungkot kapag malapit nang magtago si haring araw.   Ibig sabihin, panahon na para umuwi sa aming munting tahanan. Na taliwas at kabaligtaran ng aking nararanasan ngayong pagtanda ko, sapagkat kapag si haring araw ay aking nasilayan ibig sabihin masasayang oras kapiling ang aking higaan ay malapit ng magwakas.

Isa akong OFW at aking naaalala sa aking balintataw nang ako ay namamasukan pa lamang sa isang munisipyo sa isa sa mga Siyudad ng Maynila  na sa pagtingin pa lang sa liwanag na iyong makikita mula kay haring araw. Madali nating mapagtanto kung anong oras na, hindi ko man lang naisip o pumasok man lang sa aking kukote na iba pala ang aking mararanasan nang ako ay makarating na dito sa Hilagang Amerika.

Dito sa Toronto Canada ang eksaktong lugar na kinalalagyan ko habang tinitipa ko ang bawat letra upang isulat ang aking natuklasan sa gabi ay may kakaibang palatandaan ng aking oras. Maraming beses na akong nabigla at nagulat, nataranta at tumakbo sa bilis ng paglubog ni haring araw sa panahon ng tag-lamig at bilis ng pagsikat at haba ng pananatili ni haring araw sa panahon ng tag-araw. Marami na akong beses napaaga at nahuli sa trabaho dahil sa aking nakasanayan pagbase ng oras depende sa sikat ng araw.

Ngayon isipin natin ano nga ba ang dahilan ng Panginoon. Bakit nag-eexist pa si gabi o kadiliman sa bawat araw ng buhay natin.   Sa aking hilig makinig ng mga salita ng mga taong aking tinuturing na mentor sa bawat biyahe ng buhay ko, naisipan ko habang abala sa pagbabanat ng aking mga buto, ang sinabi niya tungkol sa kalooban. Si araw at si gabi sa ating buhay nang ako ay tanungin.

Hindi ko rin maisip ang kahalagahan ni gabi. Unang pumasok sa aking isipan ay mahalaga siya upang makapagpahinga ang tao at makatulog para sa panibagong araw na tatahakin sa bawat umaga.  Ang gabi ay isang pagpapala mula sa Panginoon, kahit marami rin natatakot sa kadiliman. Sa umaga sinisindihan ng Diyos ang malaking bombilya na tinatawag na araw ginagawa Niyang maliwanag upang asikasuhin ng tao ang mga nakikita ng ating mga mata. Mga bagay na normal na ginagawa nating mga tao tulad ng pagpasok sa trabaho at paglilinis ng mga kapaligiran natin. Nilikha ng Diyos na madilim ang gabi upang asikasuhin naman natin ang di nakikita ng ating mga mata, tulad ng mga bagay na nasa ating kalooban, ating damdamin at ating kalusugan.

Pinapatay Niya ang ilaw ngunit kapag nasa dilim ka, mayroon kang makikita at maraming tao sa mundo ang hindi naasikaso at nakikita ang ating kalooban na kapag pinapatay na ang liwanag ay gigimik, lalabas at maglalasing, maaaring manonood ng tv o magbababad sa computer hanggang hatinggabi sa tahanan na nakalilimutan na rin nating bigyang-pahinga ang pagal na mata at katawan sa umaga.

Kaysa maisip o harapin natin ang hinihingi ng dilim madalas ating binabalewala yun nakakaalala na lang tayo kapag puno na tayo ng mga problema at agam- agam at tatanungin natin ang ating sarili na kumusta ka na ba kalooban? Nang marinig ko ito bilang OFW na napakalayo sa aking minamahal madalas araw araw ko nang kinukumusta ang aking kalooban at tinititigan ang mga litrato ng aking mga damdamin. Sa sobrang abala natin at pagod nakakalimutan na rin kasi natin ang sarili natin, at tayong OFW ,hindi lang physical health ang dapat nating bigyan ng pansin, ingatan din ang emotional natin at kamustahin sapagkat madalas sa OFW, ito ang tumatalo sa atin upang pumili ng likong landas, masira ang buhay, sirain ang pamilya o minsan pa wakasan ang sariling buhay.

Nawa mga aking kababayan ingatan din natin ang ating mga kalooban, sapagkat napakasarap gumising sa umaga at harapin si haring araw nang ating naisayos o nakumusta ang kalooban natin. Huwag na po tayong maghintay na magkapatong-patong ang bawat bigat ng kalooban at maisipang kumustahin kapag hindi na natin kaya o hirap na hirap nang buhatin ang bawat dalahin. Si kadiliman, nandiyan gabi-gabi para magsilbing oras para sa ating kalooban.

author:  raine1617

p.e./kf

Enhanced by Zemanta