Reunion with Long-lost Family    (Photo Credit:    Commons.wikimedia)

Reunion with Long-lost Family (Photo Credit: Commons.wikimedia)

May isang 65 anyos na lola na tuwing nakapanonood ng WISH KO LANG o REUNIONS ni Jessica Soho sa GMA 7 ay walang ibang bukambibig kundi “Neng, ipadala mo naman ang wish ko diyan…” nang paulit-ulit.  Inggit na inggit siya at haplos na haplos ang kanyang damdamin sa tuwing mapapanood niya ang mga pamilyang nagkita-kitang  muli. “Sige na, neng… tulungan mo ako…”

Maraming taon na rin kasi niyang pinapangarap iyon, ang nag-iisa niyang pangarap -– ang makahingi ng tawad sa tatlo niyang mga kapatid at makita silang muli…  PAGKARAAN NG MAHIGIT 27 TAON …. mula nang tumakas silang mag-ina, lulan ng barko,  mula sa liblib na barangay ng BUAYAN, KABASALAN, ZAMBOANGA DEL SUR.

Balikan natin ang kanilang nakaraan…

Sila ay taal na taga-Barangay Buayan, Kabasalan, Zamboanga del Sur, ngunit dahil sa hirap ng buhay at gulo sa kanilang tinitirhan, nagpasya si Mama Del na tumakas kasama ang kanyang pitong taong gulang na anak na si Nelia.  Marahil, ang pinagsama-sama nang kawalan ng pag-asa, sakit ng damdamin, bagot at lungkot ang nagtulak kay Mama Del upang makatakas sa lugar na kanyang kinalakhan.

Hindi niya ipinaalam sa kanyang mga kapatid na sina KUYA RODOLFO , TERESITA AT MARIA FE Vendicio MOZO ang kanyang paghahangad na makalayo sa lugar na iyon kung saan naroon din ang ama ng kanyang anak na mayroon nang ibang pamilya.  Nag-alala siyang sila’y pigilan kung ipaaalam niya ang kanyang pagnanais na makalayo sa lugar na iyon.

 Gumawa ng paraan si Mama Del na magkaroon ng pera upang makasakay sa barko na magdadala sa kanila ng kanyang anak sa ibang lupain, kalakip ang pag-asa at panalangin na sana ay mabago ang kanilang kapalaran.  Nakisabay  sila sa isang kakilala na bibiyahe nang  pa-Maynila.

Mula pier sa Maynila ay sumama sila sa kaibigan niyang si Veronica na patungo sa Calamba.  Walang kakilala, walang dala kundi ilang pirasong damit, lakas-loob na namasukan si Mama Del sa kung sino mang handang tumanggap sa kanilang mag-ina.

Sa Halang, Calamba, Laguna unang nakapamasukan si Mama Del.  Makalipas ang ilang taon, napadpad  sila sa Munoz, Quezon City.  Ilang taon pa at ipinasya niyang bumalik sa Calamba kung saan mas nakatagpo siya ng kapayapaan at kabutihan, sa Brgy. Bucal.  Dahil may karay-karay na anak, hindi naging madali kay Mama Del ang mag-stay-in sa mga napapasukan.  Napilitan silang maghanap ng mauupahang entresuwelo.  Nangatulong, umeekstra ng paglalaba tuwing Sabado at Linggo, kayod kalabaw talaga ang ginawa ni Mama del upang makaya ang bayad sa upa at sa pangangailangan nilang mag-ina. Hindi na siya umasam ng pangalawang glorya.  Sapat na raw na mayroon na siyang anak.  Tama na raw ang isang pagkakamali.

Marami pang pagsubok ang dinaanan nila.  Napatira sa madilim at madungis na dating kulungan ng baboy, sa masisikip na kubo, napalayas, nakikitira saglit sa ilang kakilala, at lilipat na naman.

Si Nelia, na kanyang anak, ay isa sa tatlong magkaklase sa panggabing high school; at naghahanap ng mapapasukan upang magkaroon ng dagdag panustos sa kanyang pag-aaral.  Trese anyos lamang siya noong 1992.  Ang Mama Del lamang ang kasama niya sa buhay at tumatanggap ito ng labada bilang ikabubuhay nila.

Hanggang sa napabilang sila sa FOREVER FAMILY ng Josef’s Arts & Crafts bilang shop assistant. Nagkaroon sila ng “pamilya”, ‘ika nga, kahit papaano.  Nagkaasawa si Nelia, nagkaanak ng lima, nakaranas magpabalik-balik sa doktor, sa ospital,at namatayan ng isang anak.  Ang buhay talaga ay may dalang maraming pagsubok sa mag-inang Adelfa at Nelia.  Ngunit ang nakatutuwa kay Mama Del, hindi siya kinakitaan ng panghihina ng loob.  Maalwan at magaan lang niyang hinaharap ang mga pagsubok.  Ang kanyang katwiran, “problema na nga ang buhay, poproblemahin ko pa ang problema? Makakaraos din.”

Kahit kailan ay hindi siya naging histerikal, eskandalosa, bitter o kahit ano pa mang negatibo.  Kung iyun lamang ang kanilang makakain, ok lang sa kanya.  Kung ano ang mayroon, basta mayroon, cool na cool lang siya.  Kung wala ay ‘di wala.  Ganoon lang kasimple.  Basta, tanggap lang siya nang tanggap ng kahit anong trabaho, wala kasi siyang natapos sa pag-aaral.  Makakaraos din!

Salamat na lamang at maayos at responsable naman ang naging manugang ni Mama Del, na kahit maliit na konkretong bahay ay nakapagpatayo ito at buong puso nitong kinupkop si Mama Del.

Masaya na siya ngayon.  Wala na sana siyang mahihiling pa.  Sa edad na humigit-kumulang 65 (hindi po niya alam kung anong taon siya ipinanganak dahil hindi naman sila nagdadaos noon ng kaarawan sa Zamboanga, kaya hindi rin daw niya alam ang kanyang edad).  Ang alam lang niya ay kaarawan niya tuwing ika-25 ng Enero!

Ang mahalaga na lang daw para sa kanya ngayon ay ang malaman ang kalagayan ng kanyang  kuya at  mga nakababatang kapatid.  Ayos kaya sila?  Napatawad na kaya siya ng mga ito?  Magkikita pa kaya sila?  Nasasabik siyang mayakap at makahingi ng tawad sa kanyang mga kapatid na nilayuan n’ya noon.

Matagal nang puti ang lahat ng buhok ni Mama Del.  Mayroon na siyang sakit na hypertension at may maintenance nang gamot.  Nag-aalaga na lamang siya ng mga apo. Nanonood ng mga teleserye sa telebisyon … at patuloy na umaasam na “isang araw ay matutupad din ang kanyang nag-iisang pangarap!”

author:  mommyjoyce