Parent-Teacher    (Photo Credit:    Scoilphadraignscorduff.scoilnet)

Parent-Teacher (Photo Credit: Scoilphadraignscorduff.scoilnet)

Kanina lang katext ko ang isang kaibigang teacher din.  Actually on leave siya dahil sa nagreresearch para sa kanyang thesis ngunit kailangan niyang bumalik sa paaralan dahil sa isang reklamo.  Natawa ako sa kuwento niya na may halong inis din.  Paano naman kasi sabi niya nireklamo siya ng isang nanay dahil sa isang insidenteng involved  ang isang estudyante.

Paanong ‘di ako matatawa, ilang taon na ba ako sa propesyon namin ngunit ni isang tao, wala akong nakurot.  Oo, meron akong pinapabisita sa Guidance Office, pero hard case na yun ng pagnanakaw, pang-aaway sa kaklase,  panununtok, o ‘di kay’ya severe cutting class with pagsusugal.

 Inamin naman niya  ang kasalanan niya, piningot niya daw dahil nagwala sa klase niya.  Sukdulang nilusob ng nanay ang paaralan dahil sa reklamo ng anak na siya ay nginudngod at sinabunutan daw.  Ako ay natawa, bakit? Dahil para magawa mo ang bagay na yan, madilim na ang paningin ng isang guro.  At sa awa ng Diyos, kahit na binantaan na ako noon ng isang pasaway na estudyante na magpatayan kami, di ko yun pinatulan.  Sira ulo na lang ang papatol sa ganoon.  Sa rason na lang na” buti pa, ma’am, pag ako ay nakulong, libre ang pagkain, pati tirahan, kain, tulog lang. ” Halos magkapareho na lang kami nun.  Eh naisip ko masyado namang mabait ang kaibigan ko para magawa yun.

Sa mga ganitong sitwasyon madaling maghusga.  Ngunit kung nasa serbisyo ka, naku tao pa rin naman ang mga guro.  Sa pagpapahalaga at pagmamahal sa mga estudyante, hindi matatawaran, ngunit minsan, pag nasasagad ang pasensya yun ‘di yata nakagagawa ng tama sa paningin ng iba.  Di ko naman itataas ang aming propesyon, biktima din naman ang anak ko nung elementarya siya sa isang pribadong paaralan.

Grade two siya nun nung mag-ingay daw silang magkaklase, pareho silang pinakain ng papel, yung isa sa sobrang takot nilunok ang papel.  Muntik ko nang giyerahin ang teacher nun, ngunit sabi ng anak ko, “wag na, mama, baka pag-initan ako”.  

Naisip ko nun, wala naman akong inaping estudyante, bakit ang anak ko nakaranas ng ganoon? Minsan, susunduin ko ang anak ko sa school, sus, kesehodang ang anak ko nasa kabilang seksyon, pinalabas ng teacher, kasi daw may mag-oobserve makasisira sa kanyang performance.  Goodness naman oo, sa classroom management pa lang, wala ka  na, pag ganoon.  Eh gawin niya kaya yun sa sekondarya, kung hindi sya lumuha.

Nung sekondarya na ang anak ko, medyo napapabarkada na, ayun palaging pinapahiya nung Prefect of Discipline nila. Kahit sa harap ng maraming tao, kung ano ang pinagsasasabi. Hanggang ang anak ko ay nawalan na ng ganang pumasok, palaging absent, at natutulog na lang sa bahay.

Ako ay nabahala, Ngunit dahil ako ay isang teacher din, hindi ko pinansin ang sumbong niya, Iniisip ko, kabutihan niya lang ang hangad nito.  Ngunit sumobra na yata dahil umiiyak na ang anak ko.  Nagmamakaawa na na sabihan ang teacher na yun na tigilan na siya dahil malapit na siyang mapuno.  At doon nga sa harap ng kapwa ko teacher, ako ay umiyak, nagmakaawa na ang anak ko ay tigilan dahil hindi niya alam ang pinagdadaanan ng anak ko sa bahay at sa buhay.  Nagmakaawa ako na sa halip idiin niya at ilugmok sa putikan, hawakan niya ang kamay at iadya sa tukso ng barkada, unawain dahil sa may pinagdadaanan.  Mabuti naman at naawa.  Hanggang sa ang anak ko ay nakagraduate.

Maraming pangyayari sa paaralan, na minsan ang teacher ay biktima din.  Wala namang ginagawang mali, ngunit hala ang bira, kabila’t kabilaan.  May mga anak din naman ang teacher. At siguro naman, ang ayaw nating gawin sa mga anak natin ay huwag na huwag nating gawin sa anak ng iba.  At meron din namang teacher na nagmamalasakit, ngunit napupulaan pa.  Mahirap, pero isa lang ang dapat, huwag padalosdalos para walang disgrasya.  Sa estudyante man o  sa teacher.  Sa magulang man o kaya sa anak,  at higit sa lahat, sa magulang man o sa guro.  Na parehong naghahanap ng tama na siyang tinuturo.

author:  jessa maria

p.e./kf