Pulang Mata  (Photo credit:    Facebook)

Pulang Mata (Photo credit: Facebook)

Tumingin ang lalaki kay Nathan, ngumiti ito, dahil sa pagkabigla ay di na nagawang alisin ni Nathan ang pagkakahawak sa screwdriver na nakabaon sa sintido ng may pulang mata. Luminga-linga pa ulit ang lalaki at gumawi sa dako ni Andrea, at nagsalita,

 “Nagkita rin tayo sa wakas… Dr. Vallarta….”

 Nagtataka ang lahat, tinawag niyang doktor si Andrea? Akala nilang lahat at pakilala nito ay isang nurse siya…?

 Tulala pa din ang karamihan ng nasa storage room, habang ang iba ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakakita na sila ng pag-asa sa kinasangkutan nilang delubyo. Pero natiling nakabagsak sa sahig si Nathan, hindi siya makakilos dahil hanggang ngayon ay iniisip pa din nya ang pagkakatakas niya sa kamay ng may “pulang mata”. At higit sa lahat ng iniisip niya, ay bakit tinawag na Dr. Vallarta ng lalaking nakatayo sa harapan nila si Andrea? Bakit mula ng kanina, nurse ang pakilala nito, at hindi isang doktor? Ano ba talagang nangyayari?

 “Sobrang talino mo, Dr. Vallarta, humanga ako sa mga ginawa mo… Akalain mong nalusutan mo lahat ng plano naming panghaharang sa ’yo…”, dire-diretsong sabi ng lalaki habang nakatingin pa din kila Andrea, napahigpit ang kapit ni Andrea kay Ren, habang si Ren naman ay titig na titig sa lalaking kausap.

 “Bakit ba ngayon lang kayo dumating! Nakita n’yo bang nangyari dito? Sobrang daming namatay!…”, dire-diretso at maangas na sa bi ni Lance.

 “Ano pong lagay ng mga tao sa labas? Nandoon kasi ang asawa ko?” dali-dali namang itinanong ni Emily. Medyo humakbang palapit si Lance sa mga sundalo pero biglang angat ng baril ng tatlong sundalong nasa likod ng lalaki. Nagkatinginan si Michael at Nathan, mula sa pagkakaupo sa sahig, tumayo si Nathan, may kung anong boses na bumubulong sa utak nila, hindi kakampi ang nasa harap nila.

 Maya-maya ay naglakad ang lalaki papalapit kina Andrea. Humarang si Nathan sa pagitan ng lalaki at ni Andrea.

“Ano bang kailangan mo kay Dr. Vallarta?”, madiin ang pagkakasabi ni Nathan sa Dr. Vallarta, kahit pano, di nya maitanggi na may paghihinakit pa din siya sa paglilihim ni Andrea, pero may malakas na dikta sa isip niya na wag ibigay ang babae sa mga sundalo.

 “Wala kang pa-ki-a-lamero uhuging bata…” dahan-dahang sabi ng lalaki bago sikmuraan si Nathan ng dulo ng baril ng isa sa mga sundalo. Bagsak sa sahig si Nathan, namimilipit sa sakit at kitang kita ang paghihirap niya sa mga impit na daing. Napabalikwas si Michael at handang sapakin ang lalaki, pero isa pa din siyang hinampas ng dulo ng baril sa panga ng isa pang sundalo, duguan ang bibig ni Michael ng bumagsak sa sahig. Umiiyak naman si Andrea at umiiling, nagkakawala naman si Ren, pero napakahigpit ng hawak ni Andrea dito.

 Maya-maya pa ay lumapit ang lalaki, luhaan pa din si Andrea, parang nagmamakaawa sa lalaki. Hindi malaman kung mas matindi ba ang takot niya ngayon kaysa sa takot niya kanina sa mga may pulang mata. Hinaltak ng lalaki si Ren mula sa pagkakahawak ni Andrea, pero mas hinigpitan ni Andrea ang hawak sa bata, habang umiiling ito at umiiyak. Si Ren naman ay nagwawala, hindi nila maintindihan kung nagwawala ba siya para makakawala kay Andrea o para sugurin ang lalaking nagdudulot sa kanila ng panibagong kaba. Naisip ni Nathan, sana ay kumalma na lang si Ren, ano bang magagawa ng isang batang dose lang ang edad.

 Nanginginig sa galit si Michalel, pero wala silang magawa ni Nathan, pareho silang nasa sahig, at nakatutok sa mga bunbunan nila ang dulo ng mga baril ng sundalo.

 “Ibigay mo na sa akin ang kailangan ko, Dr. Vallarta, bago pa magdilim ang paningin ko at ubusin ko lahat ng tao sa kwartong to!!!!” tuloy-tuloy pa din ang paghila ng lalaki kay Ren, parang si Ren kasi ang hadlang upang makapkapan niyang mabuti si Andrea at makita na ang hinahanap nya. Napatulala naman ang mga tao sa kwarto ng marinig nila ng sabihing papatayin sila. Tumingin si Emily at Nancy kay Nathan na kasalukuyang nasa semento, si Mang Javier naman ay tumingin kay Michael. Mukhang sukol sila ngayon, dalawa sa pinakamalakas at maliksi nilang kasama ang nasa sahig at walang magawa.

 Isang malakas na sampal ang narinig nila at napalingon silang lahat sa gawi ni Andrea. Putok ang labi ni Andrea, pero umiiling pa din ito, at hawak ang batang si Ren. Nakatitig itong mabuti sa lalaki, na parang walang-awa at natutuwa pang makitang duguan ang labi nya.

 “Ayaw nyong maghiwalay ha.. Pwes!!!! Kayong dalawa ang dadalin ko!!!!”, tsaka pahablot na binitbit si Andrea. Dala ng instinct, napabangon biglang si Nathan at Michael para saklolohan ang babaeng nagligtas sa buhay nila kanina, pero isang tadyak sa tagliran ang dumapo sa katawan nila, at muli, nanatili sila sa sahig habang impit na dumadaing dahil sa pagkirot ng katawan. Umiyak si Nancy, muli na naman bumalik ang sensanyo ng kawalang pag-asa. Lumalakas na naman ang tawag ng kamatayan sa kanila.

 Dali-daling lumabas ng pinto ang lalaki habang bitbit pa din di Andrea at Ren. Bumibitaw pilit sa pagkakahawak si Andrea, pero malakas talaga ang lalaki, hanggang sa mag-utos ang lalaki, utos na ng marinig ng mga nasa kwartong yun ay na nagpatigil sandali sa utak nila.

 “Patayin na din yung iba, sabihin nyo sa report na si Dr. Vallarta lang ang inabutan nating buhay….”

Humanda ang tatlong sundalo, ikinasa ng husto ang mga baril.  Sa tenga ni Nathan, wari ang tunog ng pagkasa ng baril ang hudyat ng kanyang pamamahinga, masyadong madami ng misteryo ang nasaksihan niya ngayon, at parang hindi na niya yata kayang mabuhay at isiping nangyayari talaga ang nakita nila. Napatingin siya kay Michael, sa mata nito, nakita niya ang paglaban, nakita niya na hindi pa to handang mamatay, nakita niyang lalaban ito. Naisip ni Nathan, tama si Michael, hindi sila nagpakahirap mabuhay para lamang mamatay dito. Tumingin si Nathan kay Mang Javier, kay Nancy, kay Emily at Hansen, at sa pagkakataon na yun, tumingin siya kay Lance bilang kakampi nito, medyo tumango si Lance, nagkaintindihan na sila.

 Pero sandali, parang may nawawala. Oo nga, si Bobby. Ang huling tanda niya ay umitsa ito kasama ang cabinet kanina, at mula nun ay di na nya ulit nakita. Pasimpleng hinanap ng mata nya ang cabinet, at nakita nya to sa gilid, malapit sa likod ng mga sundalo. Nakita niya sa Bobby, nagtatago sa may likod ng cabinet, tumingin siya dito, tumango si Bobby. Mabuti at abala ang isang sundalo sa pagkapkap sa mga kasama niya sa kwarto, ang dalawa naman ay pinapanuod ang kasama nila habang nakaapak ang paa sa likod nila ni Michael.

 “Pano… mukhang matatapos na lahat dito…” nagsalita si Nathan, pero natigil siya dahil idiniin ng sundalo ang dulo ng baril sa bunbunan niya. “….sa dami ng dinaanan natin… dito na ba matatapos?…” ngumiti ang sundalo, at sinabing, malas daw nila, dahil nakasama kasi nila sa kwarto ang taong hinahanap nila. Sumagot si Nathan, tumawa ng pagak at sinabing, “malas nga kami… pero hindi kami TANGA!!!!”

 Sabay-sabay ang sumunod na nangyari, para bang lahat sila ay naghintay lang ng signal galing kay Nathan, mula sa likod ay dinamba ni Bobby ang sundalong nakaapak sa likod ni Nathan, napatingin naman ang dalawang sundalo sa kasamahan nilang nabigla din sa biglang pagsulpot ni Bobby. Sinamantala naman yun ni Lance para talunin ang nakaapak sa likod ni Michael. Dali-daling tumayo si Nathan at Michael para tulungan ang kasamahan nila. Sabay nilang sinipa ang kamay ng sundalong may hawak na baril at ng mabitawan ang baril ay sinipa ito palayo sa kanila tsaka umatake ng suntok sa mga sundalo. Ang ikatlong sundalo naman ay pinagtulungan ni Nancy, Emily at Mang Javier. Samantalang si Hansen naman ay dali-daling kinagat ang kamay ng sundalo para mabitawan nito ang baril.

 Nabitawan nga ng sundalo ang baril at dali-dali itong kinuha ni Hansen. Suntok. Sipa. Tadyak. Siko. Sipa. Suntok. Sipa. Tadyak. Tuhod. Sipa. Nawalan ng malay ang dalawang sundalong pinagtulungan ng grupo nila Nathan, pero hindi naging madali ang laban, sabog din ang labi ng Bobby, nagulat si Nathan dahil mukhang sanay sa ganitong sitwasyon si Bobby. Nakangiti ito habang pinupunusan ang labi na may bahid dugo. Sa kabila naman, si Michael ang may dugo sa mukha, gigil pa din si Michael sa sundalo matapos maalala na sinapok ng baril ng sundalo ang baba nya kanina.

 Hirap na hirap na itinutok ni Hansen ang baril ng sundalo ng makita na sinasakal ang nanay niya, si Mang Javier, dala ng katandaan ay hindi na gaanong makasuntok, si Nancy naman na nasa likod ng sundalo ay di gaanong makalaban dahil sa takot na matamaan ang tiyan nya.

 “…bi… ta-wan mo-ang-mama-ko!!!!” naiiyak si Hansen habang sinasabi yun, pero tumawa lang ang sundalo. Bakit nga naman nya kakatakutan ang isang bata na halos di pa maiangat ang hawak na baril. Tuloy pa din siya sa pagsakal kay Emily matapos tabigin at bumagsak sa sahig si Mang Javier at Nancy. Desidido ang sundalong mapatay si Emily, kung di man sa baril ay gamit ang kamay nya.

 “Bitawan mo yung babae… animal ka, di ako mangingiming butasan ang bungo mo!” gigil na sabi ni Lance habang itinutok sa ulo ng sundalong sumasakal kay Emily ang naagaw na baril sa kalaban nila kanina.

 Binitawan nga ng sundalo si Emily, na agad bumagsak sa sahig at wari gutom na gutom sa hangin dahil sa pagkakasakal sa kanya, ibinaba ni Hansen ang baril at lumapit sa kanya, agad namang kinuha ni Mang Javier ang binitiwang baril ni Hansen, inilalayan ni Nancy si Emily palayo sa sundalo. Hawak ni Michael ang isang baril, habang  abala sa pagtatali si Bobby sa mga sundalo.  Ng maitali ang sundalo, agad nilang tinanong ang natitirang may malay.

 “Brad, wag mo nang pahirapin ang buhay mo, nakikita mo ba yung lalaki na to (itinuro si Lance) kanina pa siya gigil na gigil na isa-isang putulin ang daliri mo sa paa at kamay, kaya pakiusap, sabihin mo na lang ang alam mo…”, mahinahong sabi ni Nathan.

 “Wala akong alam, at wala akong masasabi sa inyo.”, matapang na sagot ng sundalo.

 “Gago talaga to eh, dapat yata talaga putulan ng buto sa katawan to.” gigil na lumapit si Lance, pero pinigilan siya ni Michael.

 “Di ba dapat sundan na natin sila Andrea?”, sabi ni Nancy, kahit pa parang naglihim sa kanila si Andrea, magaan pa din ang loob niya sa taong nagligtas sa kanya kanina.

 “Oo, pero san natin siya pupuntahan, ni hindi nga natin alam kung saan ba sila dinala, at hindi din natin alam kung ano ang sasalubong sa atin pag lumabas tayo”, mahinahong sabi ni Michael. Natahimik lahat ng nasa kwarto, may punto nga si Michael, panigurado na ngayon, dalawa na ang iiwasan nila. Pero ang pinagtataka nila, bakit ang mga sundalo eh dinadamay sila, ano bang gusto nila kay Andrea, o sa tinatawag nilang Dr. Vallarta? Nagsimulang mag-isip si Nathan, binalikan ang lahat ng nangyari kanina, mga bagay na sinabi at ginawa ni Andrea, may mga kailangan ipaliwanag si Andrea. Maya-maya  tumunog ang radyo ng sundalo, tinutukan ni Lance ng baril ang bibig ng sundalo para wag itong kumibo.

 “Alpha 1 to alpha 2… alpha 1 to alpha 2…”

“Alpha 1 to alpha 2… alpha 1 to alpha 2… connect please”

“Alpha 1 to alpha 2… alpha 1 to alpha 2…” Sumenyas si Nathan kay Lance, inalis nito ang baril sa bibig ng sundalo, at inilipat sa sintido, kinuha ni Bobby ang radyo at itinapat sa bibig ng sundalo.

 “Alpha 2, acknowledge… Alpha 1 proceed…”

 “…mabuti na lang ang napick-up mo to, abandon code blue… back to code red… nakatakas si Dr. Vallarta, nakatakbo pati yung kasama nya….” Magkahalong pangamba at tuwa ang naramdaman nila, kumuha ng papel si Nathan at dinukot ang ballpen niya, sumulat ng ipapasabi sa sundalo, at pinabasa to sa sundalo. Wala namang nagawa ang sundalo dahil sa baril na nasa sintido nito.

 “…saan banda tumakbo yung dalawang subject…”

 “…walang exact location, biglang lusob ng mga tao nakaconfine kanina, leak na ang labingdalawa sa dalawampung isolation room, tatlo na lang kami dito… nahiwalay din sa amin si Commander, pero naradyohan na namin, ibalik daw ang code red…. madami pa pala tayong kalaban….”

 “Ok sige, susunod na kami dyan…”

 “Sige, bilisan n’yo… patayin n’yo na yung samples dyan… mahihirapan kami dito”

 “Sige, sandali lang”

 “Paalala lang, wag kayong gumamit ng baril hanggat maari pag may nasalubong kayong matured samples, sensitibo sa tunog ang mga samples….”

 At namatay ang radyo, pero sa isip ng mga nandoon, hindi namatay ang mga bagong rebelasyon na nun lang nila narinig… samples… matured samples… isolation room… code red… nasaan ba sila? Ano nga bang nangyayari sa kanila…? Dali-daling pinatay ni Nathan ang radyo, ‘di na nya alam ang gagawin niya. Saan ba sila dapat pumunta? Sa pag-iisip niya, napatitig siya sa bulsa ng isa sa sundalo, may parang papel. Dinukot niya to, at nakita nya ang isang maliit na larawan, sa likod nito ay may maliit na papel na may nakasulat. Binasa nya ang nakasulat sa likod:

Name: Dr. DARREN Q. VALLARTA

                Profession: Doctor of Medicine/Genetic Engineer/Virologist

                FOR IMMEDIATE CAPTURE (ALIVE)

                DO NOT ATTACK single handedly, highly-skilled.

 Tinitigang  mabuti ni Nathan ang larawan, isa itong batang lalaki na nakasuot ng puting lab gown, para itong isang manggagamot sa ospital, idagdag pa ang suot na salamin at stethoscope na nakasampay sa leeg, nakangiti pa to, na parang kasali lang sa isang stage play. Tinitigan niyang mabuti ang larawan. Kilala niya to, medyo mahaba lang ang buhok ngayon at wala ang salamin. Si Ren. Si Ren si Dr. Vallarta? Hindi si Andrea. Mali sila, si Ren ang hinahanap ng mga sundalo at hindi si Andrea.

 Nagulat siya dahil biglang may bumagsak na katawan ng pulang mata malapit sa may pinto. Tumalsik ito malapit sa may pasukan ng storage na parang may invisible na bomba ang tumama dito. Umuungol, kaya nasiguro nilang buhay ito. Pero wala na itong kakayahang tumayo. Lumapit si Lance at tinutukan ng baril ang may pulang mata.

 “Mga halimaw kayo, ngayon kayo lumapit sa akin, bala ipapaulam ko sa inyo” gigil na sabi ni Lance. Nang akma ng kakalabitin ni Lance ang baril ay biglang:

 “Waaaaag!!!!! Wag mong barilin, magtatawag ka lang ng mas maraming kagaya niya…. Hay… Salamat at naubutan ko kayong buhay…. (humihingal ) nahirapan akong tumakas kanina at kasama ko kasi si Andrea….” Tumingin ito sa kanila at ngumiti na parang walang nangyari.

  Hindi makapaniwala si Nathan, si Ren nga ang nasa harapan niya na nakatayo sa may pinto ng storage room. Ang walang imik na bata na hawak kanina ni Andrea. Ang batang si Ren. Natahimik ang lahat ng tao. Sabay-sabay na naman ang buhos ng tanong sa isip ni Nathan. Sa di maipaliwanag na paraan, parang si Ren ang may gawa kung bakit naghihingalo ang isa sa may pulang mata. Paano niya ginawa yun? Nasaan kaya si Andrea? At sino ba talaga si Dr. Darren Vallarta?

author:  mga-sulat-kamay

p.e./kf