Wounded heart (Photo credit: zedge)

Wounded heart (Photo credit: zedge)

Aray! Nasugatan na naman ako. Saan ko ba nakuha ang sugat na’to? Nasabihan ko tuloy ang aking sarili natatanga-tanga ka kasi, hindi ka nag-iingat. Sa kabilang banda naman ay sinasabing Maski anong gawin mong ingat, masusugatan at masusugatan ka pa rin. Hindi man ngayon, puwedeng bukas. Kata mas magandang masugatan ka na ngayon para bukas, hindi na masyadong masakit”.

Subalit ito ang senaryo na pinaka ayaw kong mangyari sa buhay ko, ang masugatan. Pakiramdam ko kasi kapag nasusugatan ako ay binabalik nito ang mga sugat na aking natamo sa nakaraan – pisikal at emosyonal. Pilit kong pinipigilan ang pagtulo ng dugo subalit tuloy-tuloy pa rin. Parang kagaya ng nakaraan ko na pilit ko mang pigilin na huwag nang isipin ay patuloy pa ring umaagos sa aking isip. Gusto kong kalimutan ang sakit ng sugat ko at magpatuloy sa aking ginagawa subalit ramdam ko pa rin ang kirot gaya ng mga ala-ala ng kahapon ko. Pilit ko mang limutin ay ramdam ko pa rin ang kirot. Sa bawat kirot at patak ng dugo sa aking sugat, muli nitong binabalik ang mga sugat ng kahapon sa aking buhay. Sa bawat patak ng dugo, katumbas nito ay luha na pumatak sa aking mga mata.

Sugat sa puso o katawan man, parehas lang ang sakit. Parehas lang ang sinasabi. “Masakit. Masakit man pero kailangan nating gumalaw upang magpatuloy sa ating buhay. Dumurugo man ito ay tanda ng ating katapangan sa pagharap sa mas malalim pang sugat. Lahat ng sugat ay naghihilom, nag-iiwan nga lang ng pilat na siyang nagiging sanhi upang minsan pa ay maalala natin ang pait ng kahapon. Kaya ako, hanggang maaari, ayokong nasusugutan dahil ayoko nang muling maalala ang sakit ng kahapon pero hindi puwedeng iwasan. Masusugatan at masusugatan ka pa rin minsan sa parehas pa na pangyayari, oras at panahon. Kaya minsan, hindi na natin namamalayan na nasusugatan na pala tayo dahil sa umulit lamang ang kahapon kung saan mo unang natamo ang sugat sa iyong puso…

author: ip-yon

p.e./kf