Photo credit: glogster

Hindi ko naranasang ma-bully noong high school at college. Marahil ay dahil ito sa itsura kong kutis-barnis, mukhang kaning-lamig, at nakuha ko pa ang mala-action star na tindig ng tatay ko.

Pero hindi ako bully. Kung tutuusin ay malapit pa ako sa mga binu-bully noon. Siguro ay nakararamdam sila ng proteksiyon ‘pag kasama nila ako dahil hindi sila lalapitan ng mga nambu-bully sa kanila dahil sa itsura ko. Para akong dragon katol noon para sa mga nambu-bully na lamok. Noong una ay nahirapan silang lapitan ako, o nahirapan akong lapitan sila:

Jay         : “Pre, may barya ka sa-
Kaklase: (inabot ang wallet) “Eto, kunin mo na lahat ng pera ko!

Huwag kayong mag-alala, exaggeration ko lang ‘yan. Pero siguro ay na-gets n’yo na ang ibig kong sabihin. Sa huli ay naramdaman din nilang wala akong bahid ng karahasan sa katawan at napalapit din sila sa akin. Naisip ko na ok na din ‘yun para naman ma-neutralize ang bully balance ng eskwelahan namin.

Ngayon ko lang napansin na nagiging totoo na ang mga pelikula dati. Na may mga taong sadyang bully simula nung ipinanganak sila at hindi sila titigil sa pang-aapi sa mga kapwa nila hangga’t hindi nila natitikman ang 100-hit combo ni FPJ. Kaya para sa mga nabu-bully, heto ang mga pwede niyong gawin para naman mabawasan o tuluyan nang matigilan ang pambu-bully sa inyo:

Ayusin ang kilos

Sa tingin ko, sa unang araw palang ay maghahanap na ang mga bully ng mga bi-biktimahin nila. Kung ang itsura mo ay kasing lambot ng ensaymada at yung mukhang pag tinapunan ka ng softdrinks sa polo mo ay sasabihan mo pa siya ng “ok lang yan, friends naman tayo diba”, malamang-lamang ay kasama ka na sa listahan ng mga estudyanteng araw-araw paiiyakin, huhubaran, babarahin at kukuhanan ng pera. Ang pagpapakita ng kahinaan at kalambutan ang pinakamali mong gagawin kung ayaw mong mabully. Ayusin mo ang mga kilos mo para isipin nilang lalaban ka at may sarili kang desisyon. Pero wag naman yung sobrang angas, baka isipin naman ng mga kaklase mo na ikaw ang bully.

Mag-hanap ng mga kakampi

Kung naglalaro ka ng RPG games, alam mong mahirap kalabanin ang boss pag mag-isa ka lang. Ayon sa obserbasyon ko nung nag-aaral pa ako, mas mataas ang tsansa mong masama sa listahan na tinutukoy ko kapag palagi kang walang kasama. Piliin ding mabuti ang sasamahan mo, baka naman puro malalambot ang kunin mong kakampi. Ok lang siguro yun basta ba may ilan sa inyo na kaya kayong ipagtanggol sa mga bully o kaya naman ay may actionstar figure. Ok din na may mga babae sa tropa mo dahil sila ang mga mahilig magsumbong sa guro at medyo ilang ang mga bully sa kanila. Pwera nalang kung babae din yung bully. Ok din maging tropa yung mga kaklase mong malalapot ang utak. Sila kasi yung mga malalakas at magagaling mambara. O kaya naman ay yung mga mukhang tumitira ng sunog na gulong. Medyo ilang din kasi ang mga bully sa mga taong mukhang wala sa tamang pag-iisip. Yun lang baka kwestyonin din ang katinuan mo. Pero kung kaya mo, maging malapit ka sa isang guro para may sumbungan ka. Ewan ko nalang kung lapitan ka pa ng mga ungas na yan.

Maghanap ng weak point ng mga bully

Tao din ang mga bully. Amoy basura din ang utot nila, nangungulangot din sila, at kinikilig din sila pagkatapos umihi. Subukan mong obserbahang maigi ang nambu-bully sa iyo. Malay mo ay may dala pala siyang foundation at lipstick palagi sa bag niya. O kaya naman kapag walang tumitingin ay nilalaro niya ang dura niya gamit ang mga daliri. O kaya naman ay pagsapit ng hapon ay nangangamoy basurero na siya dahil sa buong araw na pagpapawis. Sabay saktuhan mo na sa susunod na i-bully ka niya, banatan mo siya ng mga nakakahiyang bagay tungkol sa kanya. Lakasan mo ang pang-aasar mo para marinig ng mga kaklase mo. Ewan ko lang kung hindi matanggal kulit niyan dahil sa kahihiyan. Mag-ingat ka lang at baka suntukin ka niya bigla. Pero huwag kang mag-alala, ikaw ang kakampihan ng mga kaklase mo pag nagsumbungan na sa mga guro.

Huwag mo lang kakalimutan na lahat ng kinikilos ng isang tao ay may dahilan. Malay mo ay naghahanap lang pala ng kaibigan yang mga bully na yan kaya nagpapapansin. O kaya naman ay malaki lang ang problema nila sa pamilya. O kaya naman ay gumaganti lang dahil nung bata sila ay nabu-bully din sila. Tamang respeto at pang-unawa lang. Kung may pagkakataon ay puwede mo din silang kausapin. Malay mo, ikaw pa ang makatulong sa kanila.

author:  iameske

p.e./kf